Silangan At Kanluran

Mahaba kasi tong kwentong ito. Gusto ko lang naman basahin mo. Hindi ito tungkol sa akin. Tungkol ito sa marami. Tungkol ito sa atin. Inilagay ko yung kanta para malibang kang pakinggan habang binabasa mo yung kwentong mahaba. Magandang araw at salamat lagi sa pagbibigay halaga sa lahat ng kwento ko.

Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran
Magkapatid silang kambal,
Magkahiwalay habang buhay.

Binabagtas ko ang lawak ng dagat sakay ng bangkang de motor kasama ng ilang armadong kalalakihan na aking nakilala kamakailan lang. Hawak ko sa aking kamay ang isang liham mula sa aking kapatid at larawan ng isang sanggol na kalakip nito.

Nararamdaman ko ang alat ng dagat sa hangin, subalit nagsimulang maglaro sa aking gunita ang isang pangyayari na bumago sa buhay naming magkapatid. Napapikit ako. At naramdaman kong nagtagpo ang tubig dagat at ang aking mga luha sa dilim ng gabi.

**********************************************************************

Kaarawan ni Nanay. Nagkasundo kaming maghati para sa munting birthday cake mula sa aming allowance. Binabagtas namin kahabaan ng Commonwealth patungo ng Batasan Hills lulan ng jeepney. Nakagawian kong umupo sa dulong bahagi at magkatabi kaming nag-uusap tungkol sa natirang sukli mula sa pinambili namin ng cake.

‘275. Kinse yung kandila. May pamasahe pa tayo.’ Dinukot niya sa kanyang bulsa ang sampung pisong papel saka iniabot sa drayber. ‘Dalawa, estudyante po!’ Binilang niya ang baryang sukli saka isinilid muli sa bulsa.

‘Bigyan mo ako ng tres mamaya. Dos na lang ang natira sa’yo para sa traysikel.’ Napangiti ako. Kabisado ko siya pagdating sa pera. Hinding hindi papayag na malamangan.

‘Yung mama sa dulo saan ho kayo bababa?’ Tanong ng drayber na ang tinutukoy ay ang mamang kaharap ko. Saka ko lang napansin na tila lasing ang mama dahil sa pagkakayukyok nito.

‘Sige lang, papara ako kung bababa na ako!’ Paasik na tugon nito.

‘Hindi pa kayo nakakabayad!’ Pakli na naman ng drayber sa mama.

Tumuwid ng upo ang mama sabay dukot sa tagiliran ng kapirasong makintab na bagay na nagpapakilalang isa itong pulis. Itinaas nito sa kanyang kamay ang tsapa upang malaman ng drayber kung sino ang kanyang sinisingil. ‘Pwede na ba ‘to? Buong porti payb ang dala ko eh!’ Sabay ngisi ng lasing na pulis.

Hindi na kumibo ang drayber. Napailing ang ilang sakay ng jeep. Nagbaba ako ng tingin at pinagmasdan ang kahon ng cake na kalong ko. ‘Paniguradong matutuwa si Nanay.’ Iyon ang masayang eksena na naglalaro sa isip ko.

‘Pulis din ang tatay namin pero nagbabayad naman sa jeep!’ Tinig iyon ng aking kapatid. Mariin niya itong sinabi sa mama. Nakatingin sa kanya ngayon ang lahat ng pasahero. Nakita kong muling dumukot sa loob ng kanyang jacket ang pulis.

Kinabahan ako. Saka ko nakitang pera ang dinukot nito. ‘Heto paki-abot ng bayad ko! Huwag na ninyong suklian! Pilit nitong ini-aabot sa aking kapatid ang pera subalit ng akmang kukunin ito ng aking kapatid, hinila niya ito patungo sa estribo ng jeepney. Dumilim ang aking paningin. Naririnig ko ang hiyawan ng mga pasahero at naramdaman ang pagbagal ng jeep. Ang kaba ko ay naging takot. Ang takot ko ay naging karuwagan.

‘Tang ina ka, matapang ka?Ha? Ano? Ano ngayon?!’ Tuluyang huminto ang jeep at nakita kong gumulong sa pagkakatulak ang aking kapatid.

‘I-abante mo! Sibat! Madilim ang lugar na iyon. Kasing dilim ng nanlalabo kong paningin.

‘Bang!’

Muling umabante ang jeep. Gusto kong bumaba ngunit tila naging kasing bigat ng mundo ang kahon ng cake na aking kalong.

Bumaba ako sa terminal ng traysikel sa Batasan. Hawak ko ang kahon ng cake. Matagal akong naghintay. Nagdarasal na sana, iluwa ng dilim sa bahaging iyon ng Commonwealth Avenue ang aking kapatid. Umiiyak ako.

Saka ko siya nakitang bumaba rin ng jeep. Duguan ang damit at may pasa at sugatan ang mukha.

‘Tang ina kasi. bakit mo sinabi ‘yon? Bakit mo sinabi yon?’ Hindi siya kumikibo. Panay lang ang pahid niya ng dugo na tumutulo mula sa sugat sa kanyang labi, ilong at kilay.

‘Huwag mo na lang sabihin kay Nanay…Ayokong mag-alala ‘yon. Doon muna ako sa kaibigan ko sa Payatas tutuloy. Ako na ang magpapaliwanag.’ Dumukot siya kinse pesos sa bulsa. ‘Heto kuya…mag espesyal ka na.’

Naghiwalay kami pero binago ng gabing iyon ang lahat sa aming buhay na magkapatid. Hindi na namin inungkat sa isa’t-isa ang pangyayaring iyon.

**********************************************************************

Nakatapos ako ng pag-aaral at agad na bumalik sa probinsiya upang doon mag trabaho. Pilit kong hinanap ang munting kapayapaan na ipinag-kait sa akin ng siyudad. Kinumbinsi ko si Nanay na sumama na rin lalo pa’t nagkaroon ng banta ng demolisyon sa aming lugar. Ipinaliwanag ko sa kanya na wala kaming pinanghahawakan para ipaglaban ang lupang kinatitirikan ng aming barong-barong. Sumama naman ito sa akin. Nagtalo sila sa maraming bagay ng aking kapatid bago sila mag hiwalay. Kung bakit ayaw nitong sumama, kung bakit may mga prayoridad itong inuuna pa kaysa sa amin. Hindi na ako naki-alam. Mariin ang pangaral sa kanya ni Nanay na tulungan muna ang sarili saka tumulong sa iba.

May pakpak ang balita. Naroon sa harap ng mga buldozzer ang aking kapatid nang tinangkang gibain ang mga barong barong na dati naming tahanan. Pinaglalaban ang mga bagay na pwede namang kunin sa ibang paraan. Naroon siya para tumulong sa pagliligtas ng gumuho ang tambak ng basura sa Payatas at ilibing ng buhay ang mga nakatira roon. Naroon siya sa picket line ng nag-aalsang mang-gagawa. Sinalubong niya ang nagmartsang mga magbubukid. Sinalubong niya ang tear gas at hambalos. Naroon siya sa lugar na ayokong muli pang maulit sa akin. Katulad ng gabing iyon na bumago sa aming dalawa. Naroon siya.

Isa, dalawa, limang taon. Walang makapag sabi kung nasaan siya subalit alam ko na sa likod ng aking isip kung nasaan siya. Hanggang kumatok siya sa aming pintuan ilang araw bago mag pasko. Nanatili siya ng ilang araw. Iyak ng iyak si Nanay. Sa tuwa marahil o sa awa. Halos hindi na namin siya makilala. O marahil, ako lang ang hindi na halos makakilala sa kanya. Ninakaw ng gabing iyon ang lahat ng masasayang bagay na nagpapa-alala sa akin sa kanya. Iyon ang iniisip ko.

Ipinakita ni Nanay sa kanya ang mga photo album. Umiyak siya. marahil, hinahanap niya roon ang kanyang sarili. Marahil, hinahanap niya ako roon. Ang ako na nawala nang gabing iyon. Ang ako na nawala dahil sa karuwagan.

May mga gabing masaya siyang tumatawa sa pinanonood na pelikula. Noon ko na lang ulit siyang narinig tumawa. Umiyak ako. Umiyak ako ng umiyak. Ibibigay ko ang lahat ng mayroon ako ngayon para lamang marinig at makita siyang tumatawa.

Hanggang sa nag-paalam siya sa akin. ‘Kuya, ikaw na ang bahalang magpaliwanag kay Nanay. Ayoko siyang mag-alala. Saka baka pwedeng ibigay mo na lang sa akin yung mga pinag kaliitang damit ng anak mo. Kailangan iyon doon sa pupuntahan ko.’

Mabilis naming iniayos ng aking asawa ang mga gamit at damit na kinaliitan ng aming anak. Iniabot ko sa kanya ito kasama ng limang libong piso. Tinanggap niya ito saka nagpaalam.

‘Kailan ka babalik dito?’ Ngumiti lang siya ngunit nakita ko ang lamlam sa kanyang mata. Gusto ko siyang yakapin at humingi ng tawad na wala akong ginawa ng gabing iyon. ‘Saka na Kuya, pero babalik ako. Pangako.’ Ganoon kami muling naghiwalay.

Isa, dalawa limang taon mahigit muli ang lumipas. Nakatanggap ako ng liham mula sa aking kapatid na ipina-abot ng isang kaibigan. Mabilis akong nag-handa upang pumunta sa isla sa Quezon na nasa bahagi ng karagatang Pasipiko. Nakatungtong ako ngayon sa Sitio Anghel. Isang maliit na isla na tila nilimot ng mabilis na pag-unlad ng kapuluan. Binasa kong muli ang liham at minasdan ang kalakip na larawan na kasama nito. Saka ko minasdan ang batang nasa aking harapan.

Kuya, gusto kong makilala mo si Lean. Namatay ang kanyang Ina sa komplikasyon sa panganganak dahil sa kawalan ng medikal na atensiyon. Kung napasa kamay mo ang liham na ito, nangangahulugan lamang na pabalik na ako sa inyo ni Nanay. Natatandaan mo pa ba yung gabi ng kaarawan ni Nanay? Marami pang gabing tulad noon ang nangyari sa akin at nangyayari sa marami, Kuya. Hindi kita kailanman sinisi. Marahil tama ka, na dapat sana hindi na ako umimik. Marahil tama si Nanay na dapat ko munang tulungan ang sarili ko bago ko tulungan ang iba pero Kuya, gusto ko ring isipin na tama ako. Gusto ko ring isipin mo na tama rin ang ginawa ko nang gabing iyon.

Kunin mo si Lean. Sabihin mo kay Nanay ang totoo tungkol sa kanya. Bahala ka nang mag paliwanag pero huwag mo siyang pag-alalahin. Sabihin mong mahal na mahal ko siya. Mahal na mahal ko kayong lahat. Kahit naging napakalayo ko. Ako at si Lean ay iisa. Tanggapin mo sana siya, Kuya.

Puno ng luha ang aking mga mata nang lumuhod ako para yakapin ang batang si Lean. Naramdaman ko ang ganti niyang yakap. Uuwi ako para isalaysay kay Nanay ang lahat. Mula sa gabing iyon ng kanyang kaarawan hanggang sa kwento ng pagbabalik ng aking kapatid sa katauhan ni Lean. Tama na marahil ang tagal ng pananatili ko sa mundo kong pinalibutan ko ng kasinungalingan. Hinding hindi ko iiwan si Lean hanggat nabubuhay ako, iyon ang pangako ko sa aking sarili at sa aking kapatid.

***********************************************************************

Namatay siya sa engkwentrong militar sa kabundukan ng Sorsogon. Walang makapag sabi kung saan ang tiyak na lugar siya inilibing. Sa ganung paraan natapos at nagsimula ang kanyang buhay. Sa ganung paraan siya nagbalik sa amin.

Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran
Magkapatid sila…
…habang buhay.

Kung may nagtatanong na kakilala, kaibigan at kamag anak kung nasaan siya, ngumingiti na lamang ako. Gusto kong sabihin na naroon siya at tumutulong mag ligtas ng gumuho ang basura ng Payatas. Gusto kong sabihin na naroon siya sa mga pagtutol sa demolisyon. Gusto kong sabihin na naroon siya sa picket line ng mga manggagawang nag aaklas o di kaya’y sumasalubong sa mga nag mamartsang magsasaka. Gusto kong sabihin na naroon siya sa madilim na kahabaan ng Commonwealth at nakipag-agawan ng baril sa lasing na pulis na ayaw magbayad sa jeep.

Sa ganung paraan ko siya gustong maalala. Tumitindig kapag ang lahat ay inuutusang yumuko. Humihiyaw kapag ang lahat ay sinusupil umimik. Lumalaban kapag ang lahat ay sumusuko. Tumatapang kapag ang lahat ay naduduwag.

Saka ko pagmamasdan si Lean habang kalaro ng aking anak. Mga musmos na malayo sa mundong hinuhubdan araw-araw ng kainosentehan.

52 responses to “Silangan At Kanluran

  1. may paninindigan! ang ganda ng kwento kahit na mahaba. di ko mapigilang hindi basahin πŸ™‚

  2. alam mo bang tumatayo ang mga balahibo ko sa pagbabasa nito lalo sa dulong bahagi ng kuwento? hindi ko pinagana ang tugtog habang nagbabasa. mas maiging hiwalay ang pagpapahalaga sa iyong mga ibinahagi. salamat! kailan ka ulit makikipag-inuman sa amin?!?!!? πŸ˜€

    • salamat din sir tarbs. nagkakataon minsan na napagdurugtong ko ng maayos ang mga pangungusap at malinaw kong naipapahayag ang simpleng pakahulugan ng salita. maganda rin yung tugtog, tingin ko. sana nagustuhan mo rin.

      isang araw ulit simula ngayon,sir. medyo kasi abala sa maraming bagay. nahihiya na nga talaga ako. pero salamat nga pala na lagi ninyo akong naaalalang imbitahan.

  3. kuya duking, lubos akong humahanga sa aking mong galing. Napukaw mo ang aking kamalayan kasabay nito ang pagdala mo sa akin sa mismong kwento.
    Hindi ako magsasawang basahin ang iyong akda… salamat kuya sa pagbabahagi πŸ˜€

    • salamat din kase nakakapagdagdag sa aking lakas ng loob na magsulat ng magsulat kapag alam kong may nagpapahalaga ng mga sinusulat ko.

      parehas tayong natututo, kahit ako habang ginagawa ko ang kwento. ang dami kong natutunan. siguro isa pa ito sa interpretasyon ng walang hanggang kamalayang malaya nating lahat.

      salamat ulit.

  4. Alam mo hindi lahat ng malungkot ay pangit ang kuwento, hindi lahat ng pagtatanong ay sagot ang katapat.
    Itong akdang ito ay parang isang pilas na bahagi ng binabasa kong aklat tungkol sa mga rebolusyonariyo, hindi ko pa tapos ang aklat.
    Hindi ito tungkol sa maaksiyon at mapaghiganting tagpo sa ating mga kapatid na nakikipaglaban sa karapatan, tungkol ito sa kung paano tayo hinuhubog ng pagkakataon.

    Malinis ang daloy ng kuwento. Walang kalinawan ang bukas ni Lean pero sabi mo nga, hindi siya kailanman mapababayaan, nasa kaniya ng kamay ang kaniyang bukas.

    Saludo πŸ™‚

    • ‘kung paano tayo hinuhubog ng pagkakataon…’

      ganun nga siguro. ang kailangan lang naman kasi ng tao ay kalayaang mabuhay ng may munting kapayapaan at ligaya mula sa isang pook sa ilalim ng langit na maaari niyang tawaging kanya. sa akin, yun na ang pakahulugan ko sa salitang sapat na. dalawa lang naman ang nagsusulong sa digmaan at rebolusyon- ang kakulangan at pagkaganid. hangga’t may kahungkagan ang buhay at hindi napupuno ang kasakiman, marami pa ring rebolusyunaryo ang huhubugin ng pagkakataon.

      Si Lean at ang bukas. kapag nahubaran na ng kainosentehan ang kanyang musmos na isipan, siya na ang pipili ng kanyang mga susunod na araw. sa ngayon, hayaan natin silang maging bata. mga batang malayo sa salu-salungat na sapot ng prinsipyo ng lipunang hinuhubog natin para sa kanila.

  5. realidad πŸ™‚

    parang nagbabasa lng ako ng libro duking.

    salamat πŸ™‚

    • salamat din anne. kahit pa nga isinara mo ang iyong bahay blog mula sa akin. kung gusto mo akong bigyan ng kopya ng susi, alam mo naman kung saan ito madalas na iwanan di ba?

      oo. dun nga. sa ilalim ng doormat.

  6. binasa ko ng walang tugtog. hmmmm… nanunuot sa puso ang mga salita. sinubukan kong basahin ulit ng may tugtog, hindi ko na tinapos. hehehe… salamat sa pagbabahagi πŸ™‚

  7. grabe..di ko dapat babasahin muna..mamaya na sana, pero ang ganda nung kanta kahit hindi beyond sa mga interest kong tugtugin. Ang ganda ng kwento.. nadala ako… kahit na hindi ako masyado maalam sa mga ganitong bagay tungkol sa bansa natin.. ang ganda.. super idol.!

  8. ang sarap pakinggan nung kanta…

    • parang gusto ko tuloy sabihin na sana nga hindi ka na mamulat sa ganitong mga bagay, kamil. kaso nga lang, kapag sinabi ko ito, para ko na ring sinabi na gusto kitang mabulag. siyempre ayokong mangyari sa’yo yun.

      salamat sa pagbabasa. fiction lang ang kwentong gaya nito mula sa sarili kong isipan. pero nangyayari marahil ito sa marami. dahil kung susuriin mong mabuti, maraming gaya nung magkapatid, maraming gaya nung pulis, at maraming gaya ni Lean.

      PS.indie music artist yung singer. pero talagang magaling siya. under appreciated na talentado. taga hanga niya ako una ko pa lang mapakinggan. Johnny Danoy ang name niya.

  9. Wow!
    Ito ang buhay!
    Mabuhay po kayo kuya duking. Wala na akong maidadagdag pa!

  10. hmmmm, kapitan hook! diretso sakin ang kwentong to..

    this story reminded me of someone i knew pero di nakita ng personal, kilalang kilala dahil sa kwento ng nanay at tatay ko..

    pero di ko pwedeng ibahagi ang buhay nya sa publiko dahil may komplikasyon, samin nalang, sa ilang taong natulungan nya, sa mga pari at madre, mananatili syang martir para hustisya ng iba..

    hmmm, ang kaibahan lang pala, nailibing syang ilang libong tao ang nakiramay.. πŸ™‚

    sya ang kapatid ng tatay ko.

    • maraming martir at bayani ang walang bantayog. kasing dakila rin ito ng prinsipyo ng sinumang bayani. marahil ay ganun din halos ang naging sakripisyo kung hindi man higit pa. at kadalasan, kasama natin silang namumuhay araw araw.

      fiction lang ang kwento ko at sasabihin kong mas mapalad ka dahil sa kwento ng kapatid ng tatay mo. hindi kasi nagtatapos ang kabayanihan sa kung paano lang nabuhay at namatay ang mga bayani at martir. kalahati kasi nito ay sakripisyo naman ng mga taong nagmamahal sa kanya.

      katulad nito,bahagi ng sulat ni lincoln sa ina ng limang magkakapatid na namatay sa digmaan para sa pagtataguyod ng demokrasya nila dati.

      I feel how weak and fruitless must be any word of mine which should attempt to beguile you from the grief of a loss so overwhelming. But I cannot refrain from tendering you the consolation that may be found in the thanks of the Republic they died to save.

      ‘I pray that our Heavenly Father may assuage the anguish of your bereavement, and leave you only the cherished memory of the loved and lost, and the solemn pride that must be yours to have laid so costly a sacrifice upon the altar of freedom.

      Yours, very sincerely and respectfully,

      A. Lincoln’

  11. hindi ko napakinggang ang kanta (salamat sa IT dept. namin :D), magkaganun man hindi naman nito naapektuhan ang paghanga ko sa akda. Hindi naman siya mahaba o kung mahaba man ay hindi ko naramdaman. Para lamang kasing andun ako sa bawat eksena. Ang galing galing! πŸ™‚

    • thanks madz. inaakala kong mahaba kasi nga tingin ko naman talaga eh mahaba. nag-aalala kasi ako na sa panahon na nagmamadali ang lahat, title na lang ang binabasa ng mga tao.hehehe.

      mananatili lang itong payak na akda kumpara sa maraming mga gaya nung bidang walang pangalan sa kwentong ito. sila ang inspirasyon ko sa ganitong sulatin.

  12. kasabay ng bawat yugto ng istorya dinala nito ang aking damdamin. napakagaling ng bawat yugto. itatry kong basahin pag-uwi ko sa bahay ng may tugtog. Nalungkot ako. Namangha. Nanindig ang balahibo.
    Isang panalong akda na naman ginoong duking….

  13. ang ganda naman nito manong duking, tagos sa puso,
    mabuhay ang mga gaya mo!napadaan na naman ako ^^

  14. Sa ganung paraan ko siya gustong maalala. Tumitindig kapag ang lahat ay inuutusang yumuko. Humihiyaw kapag ang lahat ay sinusupil umimik. Lumalaban kapag ang lahat ay sumusuko. Tumatapang kapag ang lahat ay naduduwag.

    sana, kasingtapang ko siya. kasingselfless. wow.

    magandang araw. πŸ™‚

  15. kaya naman idol na idol kita.. apir!

  16. nice nice. its about making a stand in life. galing. πŸ™‚ kahit mahaba… super nice.

  17. wala akong masabi kundi mabuhay ka duking! mabuhay!

  18. one day in your life… you will find your “only purpose…”…

    embrace it with all your heart… make it like a seal on your soul…

    make that vision as the food for your soul…

    ang ganda ng kuwento… (nakaka move…)

  19. Di ko p tapos bsahin, duking, andito p ko sa morning meeting. Mukhang interesting ulit na post. Wait lng, babalik ako πŸ™‚

  20. Nice post! Two thumbs up!

    Ex links?

  21. nang mabasa ko ang simula nito, sabi ko, “ayoko munang basahin, hindi ako handa.” binookmark ko sya. hindi sinasadyang nabuksan ko sya ngayon. alam mo, napakaraming ganitong kwento na ang narinig ko, mula pa nga sa mga labi nang pamilyang nawalan ng minamahal dahil sa pakikibaka, mula sa mga mga kaibigang gerilya, pero wala pa ring nagbabago – napapaiyak pa rin ako. hindi iilan ang nagtanong sa’kin kung handa na ba akong dalhin ang paglilingkod ko sa sambayanan sa mas mataas na level. may mga pagkakataon na buo ang loob kong sumama sa kanila, pero palagi akong pinipigil ng pagiging burges ko. ilang kapatid na rin ang biglang naglaho, ilan ang bumalik ngunit wala ng buhay. sabi nila, sayang daw ang buhay nila. pero nakita ko kung paano sila nakipaglaban. kung may sayang man, yun ay dahil nabawasan ang mga naglilingkod sa sambayanan.

    habang binabasa ko ‘to, may isang taong tumatakbo sa isip ko. isang gerilyang matapang na nakikipaglaban para sa bayan…may isang taon na rin nang huli kaming magkita at mag-usap. hindi ko na alam ang dapat idagdag. hindi ko gugustuhin tumigil sya sa ginagawa nya para umuwi at kunwari ay mamuhay ng payapa, pero parang hindi ko rin kayang isipin na isang araw ay uuwi syang payapa nga ngunit wala nang buhay. aasa akong isang araw ay makakatanggap ako ulit ng tawag sa kanya para patago kaming magkita.

    magandang kwento. magaling ka talagang manunulat, Kuya Duking!

    • nakakalungkot nga, nalaine. kapag binabasa ko yung mga post mo, naroroon yung damdamin mo para sa magagandang bagay na sa ngayon, hindi mapapa-sa-atin kung hindi gagawan ng hakbang na radikal sa mata ng iba.

      tulad nung kwento ni aninipot, tulad nitong sa’yo. bukod sa mga tumatalima sa tawag ng paglilingkod bayan, yung mga naiiwan, sila rin ay labis na nasasaktan. sana, isang araw magbalik siya sa’yo na matagumpay, hindi man sa pangkalahatang adhika kundi sa adhikang magbalik lamang sa kapayapaan ng piling ng mga mahal at kaibigan na gaya mong laging naghihintay sa kanya.

      magandang araw, nalaine.

  22. Haring du! Ikaw nga!hehe

    Hindi ku alam kung bakit yung bagong serye ni Coco Martin sa primetime ang naalala ku nung nabasa ku to.Hehe

    Akshuli sa email ku ito nabasa.0ha! Ganun kita ka-idol.=D

    Wala mang hanep sa lupet na gif. Ayos pa sa olrayt naman lage ang mga posts.

    Siempre,mawawala ba naman ang..”hanep! Woooh! Lupet mo idol!aylabyu!”

    hahaha. Ingat!

  23. hayst ang ganda! mahaba lang palang tignan pero sulit ang kwento. salamat sa pagbahagi! bahagyang kumabog ang dibdib ko taragis haha!! katapang naman kasi! hihi

  24. Pingback: KM2: Sa Pamilihan ng Paniniwala « doon po sa amin

  25. nice story…:-))


  26. nice πŸ™‚
    ang ganda ng kwento ..

  27. Ang ganda po ng kwento.. suuuppeeeeeeeeeerrrr!:)

  28. vanessaprinsesa.tumblr.com blog ko po yan . Pa- plug lng thanks po.. πŸ™‚

  29. Hello po sorry po sa author late po yung permiso ko po kasi project lng po sa school pinaprint ko po ito kuya anong full name po ng author …rep po gad ….sorry sorry po talaga…thanks na rin po pala πŸ™‚

Mag-iwan ng tugon sa Madz Pindutin ito para bawiin ang tugon.