Juan Pangarap

Mangangarap ako ngayong gabi.

                  Mangangarap akong kasama kong nakapalibot sa harap ng isang siga ang mga halal na lider ng ating bayan, mga lider pangrelihiyon, mga pinuno ng mga ahensiyang naglilingkod sa mamamayan, ang media, mga artista, kapitalista at negosyante, mga empleyado, mag-aaral at karaniwang mamamayan.

                 Mangangarap ako na ang lagablab ng apoy sa aming pagitan ay sapat upang makita ng bawat isa sa amin na hindi kami iba sa isa’t-isa: Pilipinong nangangarap ng magandang bukas- may katiyakan sa kasarinlan at kapayapaan, may masiglang katawan at isip, may busog na sikmura at ispiritu at patuloy na lumilikha ng magandang pagkakataon sa bawat susunod pang isisilang na Pilipino.

                 Mangangarap akong sapat ang init ng apoy na naroon upang lalong pag-alabin ang init ng dugong maharlikang nananalaytay sa ugat ng lahat ng naroroon. Dugong nagtutulak sa bawat isa upang bigkisin ang tapang na harapin ang pagsubok ng makabagong panahon- kawalan ng sapat na edukasyon, lumulubhang kahirapan, pananamantala ng mga nakaaangat, hindi pagkakapantay-pantay at ang papaubos na pagtitiwala ng bawat isa sa mga naatasang mamuno sa bayan.

                At sa aking pangangarap, ang aking tinig ay makararating sa bukas na isip at puso ng bawat isang naroroon. Walang tututol dahil kulang ako ng pinag-aralan at karanasan. Walang pipigil dahil iba ako ng paniniwala o kinalakihang komunidad. Walang mang aalipusta dahil sa aking pangarap, dalawang sentimong sentimyento lang ang halaga ng laman ng bulsa ng bawat isa.

               Sasabihin ko sa mga halal kong lider na sana, ang kasalukuyang imahe nilang mga pulitiko ay maging lingkod-bayan. Dahil sawang sawa na akong tunghayan araw-araw sa pahayagan, radio, telebisyon at internet ang mga pulitikong namumulitika lamang. Mas masarap pong matawag na Lingkod-Bayan. At higit na masarap kung hindi lang sa tawag na ito ninyo bubuuin ang inyong imahe kung hindi sa kasama nitong kilos at gawa, may lente man at mikropono sa inyong harapan o wala, panahon man ng halalan o hindi, sa harap man ng kaalyado ninyo o kalaban.

              Huwag po kayong masilaw sa Kaban ng Bayan. Gawin ninyong mandato na ito ay bantayan hanggang mapabalik sa ikabubuti ng mamamayang nagtiwala sa inyong mga pangako. Liitan po natin ang buwis. Pasanin ito sa balikat ng karaniwang manggagawa. Ito rin ang isang dahilan ng lumulubhang kahirapan. Ang maliit na buwis ay mangangahulugan ng mas malaking kita na iuuwi ng kasalukuyang mga manggagawa sa kanilang pamilya upang itustos sa mga pangangailangan at serbisyo. Lilikha ito ng pangangailangan na tutugunan muli ng paglikha at pagpapalawak ng mga industriya at serbisyo. Mangangahulugan ito ng mga bagong trabaho at ang balik, buwis na sasapat sa pag-unlad natin bilang bansa. Lahat ay kabahagi, at hindi nakaatang sa balikat lamang ng iilang may trabaho, at inaasahan ng mga mamamayang hindi nagagamit sa lakas-paggawa.

                     Sa mga pinuno ng relihiyon, sana po ay akayin natin ang ating mga kasapi sa liwanag na kung saan, ang Awa ng Diyos ay sinasabayan ng pagbabanat ng buto. Ipangaral po natin na ang kahulugan ng pagbubuhat ng Krus ni Kristo ay pagbubuhat ng responsibilidad natin bilang indibidwal- Ama, Ina, at mga Anak. Ilayo po ninyo sila sa pagkakasala ng saradong kaisipan bagkus ipahayag ang siyang wagas na pag-ibig ng Diyos- ang pagpili ng paraan sa responsableng pagpapamilya, ang karapatan at paggalang sa kasarian ng bawat isa at higit sa lahat, ang paghahati ng Simbahan at Estado. Ayon nga mismo kay Kristo, ‘Ibigay kay Ceasar ang para kay Ceasar at sa Diyos ang sa Diyos’.

                     Sa mga kawani at sangay ng pamahalaan, maglingkod po tayo ng buong liksi at tapat. Kahit gaano pa kalaki o kaliit man ang naka-atas na tungkulin sa ating balikat, ituring po sana natin ang bawat dumudulog sa ating tanggapan bilang Pilipino. Pantay pantay sa harap ng pila. Hindi tumatanggap ng lagay at delihensiya. Walang palakasan. Ang mabilis na sistema ang garanaheng magtutuloy-tuloy sa pag-usad ng ating bansa. Matibay ang Pilipino. Kaya niyang magtiis at magpatuloy at kalaunan ay bumangon. Napatunayan na natin yan sa mga nagdaang trahedya. Anu pa kaya kung katulong nito ang isang pamahalaang iisa lamang ang direksiyon at kilos?

                      Sa media at mga artista- maging kasing linaw sana ng liwanag ng mga telebisyon, imprenta sa papel, at tinig sa radyo ang mensaheng nais ninyong iparating sa mamamayan. Huwag ninyong gawing mabuti ang dating masamang kahulugan ng ‘telebabad’ lalu pa’t ang laman ng palabas sa telebisyon ay umiinog sa pantasya, seksuwal, romansa at karahasan. Manguna sana kayo sa pagtataguyod ng kultura at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino. Simulan sa programang muling magbibigay ng pagkakataon sa mga batang Pilipino na kilalanin ang kanilang mga sarili gaya ng Batibot, Hiraya Manawari at Kaluskos-musmos. Buhayin ang musikang sariling atin tulad ng katutubong awit at OPM. Nakalilito sa kabataan kung ang laman ng programa sa telebisyon ay kalahating Koreanovela at kalahating basura. Mahirap mamili, maniwala ka.

                      Sa mga negosyante at kapitalista, lumikha po kayo ng hanap-buhay na hindi lang kayo ang mabubuhay at uunlad kundi kasama at katuwang ang manggagawa, komunidad at kalikasan. Hindi natin kailanman maililibing sa ngalan ng pag-unlad ang patay na mga ilog, lawa at dagat. Hindi natin matatabunan ang katotohanang kinakalbo natin ang mga bundok at gubat sa ngalan pagmimina, sangkap at materyales. Walang bubong at payong ang makapagliligtas sa atin sa nakalalasong ulap at usok na likha ng mga sasakyan at pagawaan. Sabay ninyong paunlarin ang agrikultura at industriya. Hikayatin at buhayin ang mga reporma at programang agraryo. Bantayan ang konbersiyon ng mga lupang sakahan.

                     At sa mga mag-aaral at mamamayan, sikapin nating punan ang lahat ng pagkukulang na mayroon tayo sa kasalukuyang kalagayan ng ating buhay bilang indibidwal. Makibahagi tayo sa gawain at programang nagtataguyod sa kabutihan ng mas nakararami. Huwag nating ipasa sa iba ang pagbibigay katuparan sa ating mga pangarap. Hindi natin kailangang daluhan ang lahat ng welga, at ang lahat ng EDSA. Paulit-ulit man, huwag tayong magsasawang ipaalala sa ating katabi- Disiplina, bisikleta, isilid muna ang basura. Huwag ibenta ang boto, bantayan ang boto, huwag magpapaloko. Bumangon at makialam. Samantalahin ang pagkakataong mapaunlad ang sarili at ang kapwa. Maging bukas sa pagbabago, at sumunod sa batas trapiko. Maging mabuting kapit-bahay. Bigyan ng pantay na paggalang ang janitor at punong-guro sa paaralan. Matuto at magturo.

Mangangarap ako at maniniwala.

              Dahil kung puputulin mo sa kalahati ang hawak mong tinapay ngayon upang iabot sa katabi mong wala nito, hindi masamang mangarap…at maniwala.

****

Likhang lahok sa ‘Kategoryang Blog / Sanaysay’  sa Ika-Anim na Saranggola Blog Awards

 

Saranggola 336x280

facebook page : https://www.facebook.com/saranggolablogawards
facebook group: https://www.facebook.com/groups/287982881258287/
email : saranggolablogawards@gmail.com
bernardumali@gmail.com

14 responses to “Juan Pangarap

  1. hello po. Ang galing niyo po sumulat🙂

  2. hindi dapat sumasali yung mga professional magsulat sa sba😀

    • Whahaha…hindi naman ako professional writer eh. Sumali ka ba?

      • hindi ba ikaw yung judge sa KM dati ni JKul? hindi ako sumasali sa SBA kasi ang daming magaling na sumasali kagaya mo😀

      • Ah oo, nag judge ako sa KM nung minsan. Tingin ko dapat sumali ka pa rin kahit tingin mo maraming magagaling na sumasali. Pag ganun kasi, ang sarap nung pakiramdam na kasama mo yung magagaling dun sa patimpalak, ganun lagi yung nararamdaman ko kapag sumusulat ako sa SBA. yung pagsali pa lang, natutuwa na ako.

  3. Nakakabuhay ng dugo! Salamat! Naliwanagan ako. At may tinig na sumigaw sa dibdib ko.

  4. Reblogged this on papelbolpenpusoutak.

  5. Gusto ko ring mangarap ngayon gabi na sana’y maging kasing sigla ulit nang dati ang virtual na mundong ating pinagsaluhan. madalas ma blocked site mo haring “du”, halimaw ka daw kasi, namiss kita, adbans happy christmas sa iyo!🙂

    • hindi ko alam yung issue tol ng blocked site. baka kasi binubura na ko ng wordpress sa server nila, hehehe!

      check mo, ang daming magagaling na blogger ang ipinapanganak sa wp at blogger araw-araw.

  6. Makabuluhang pananaw

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s