Monthly Archives: Abril 2011

Violets Floating in a Vast Blue Ocean

Photo Credit From Jan's Art@ Flickr.Com

Sabi nila, ang pag-ibig mula sa kawalan ay umuusbong sa puso ng tao na gaya ng isang magandang bulaklak. Ako, naniniwala akong isa itong tulang namumukod tangi sa isang libro ng mga piling tula na kapag nabasa mo na lahat, bina-balik-balikan mo.

Hindi naman siya yung tipo ng taong bigla na lang gagawa ng kakaibang gawi kaysa sa kanyang nakasanayan. Hindi rin siya yung tipo ng taong ilalagay ang sarili sa kawalang kasiguraduhan ng hindi pinag-iisipan ang kahihinatnan. Hindi siya yung tipo ng taong magsisinungaling ng walang mabigat na dahilan.

Hindi siya yung tipo ng tao na kagaya niya ngayon.

‘Sir, bibili ho ba kayo?’

Saka lang siya nanumbalik sa katinuan.

‘Ah, eh…ah…Oo sana, eh…’

‘Para saan ‘ho ba?…sa girlfriend niyo…sa asawa…sa patay?’

‘Sa patay…ah, sa girlfriend ko….Oo, sa girlfriend ko!’

‘Namatay ‘ho yung girlfriend niyo?’ Nakakunot ang noo ng babae subalit nakangiti itong nakatingin sa kanya.

‘Ah, hindi…r-red roses…a-anniversary namin…hehe!’ Napakamot siya ng ulo.

‘Ah, dapat isang dosena…250 na lang tutal anniversary niyo pala!’

‘Thank you!’

Ganun nagsimula ang lahat. Bumaba siya sa sinasakyang jeep ng biglaan. Humakbang papalapit sa tindahang kailanman ay hindi niya napapasok. Bumili bulaklak para sa kasintahang ni sa hinagap ay hindi sumagi sa isip niyang handugan sa anumang okasyon. Love at first sight. Bahala ka na kung ayaw mong maniwala.

‘Three red roses,Please!’ Makailang beses na niya itong inulit-ulit bilhin sa iba’t ibang araw. Saka niya ito dahan dahan at palihim na ididispatsa sa iba’t ibang paraan. Ihulog sa bintana ng jeep. Iwanan sa waiting shed sa kanilang kanto. Ipang-uto sa tinderang kapit-bahay nila para makautang ng sigarilyo ng minsang kapusin siya ng pambili dahil sa bulaklak.

‘Anu nga pala pangalan mo? Lagi akong bumibili pero hindi ko man lang naitanong ang pangalan mo, eh’

‘Lira’

‘Li..la…’ Alam niyang nautal siya. Kung bakit pa kasi niya inulit.

‘Utal ka ba,?Haha!’

‘Lila…gusto ko kako yung mga kulay lilang bulaklak…’ Sabay turo sa mga kulay violet na ibat ibang bulaklak at orkidyas.

‘Palusot?’

‘Lira…yung parang sa bahay kubo…’ Nakangiti siya. Laking pasasalamat na hindi siya nautal ulit.

‘Anung parang sa bahay kubo?’ Nakangiti nitong tanong sa kanya habang pilit pinagtatama ang kanilang tingin.

‘Ah…eh…’ Pakiramdam niya, sinusubo siya ng bilis ng isip niya sa kahihiyan.

‘Ano?’

‘Sa paligid-ligid…ay puno ng…Li-ra’ Mahina niyang bigkas na tinonohan ng kanta.

Narinig niya itong tumawa. Tumawa na rin siya.

This is the start of something good, don’t you agree? Hindi rin. Dahil kapag pala nakatayo ka na sa tuktok ng bangin na abot-tanaw mo na ang lahat ng magagandang bagay sa iyong harapan, may bahagi ng isip mong nagsasabing ‘Ingat…baka ka mahulog. Humakbang ka paatras.’

At bubuo ng routine na nakakainip ang iyong karuwagan. Karuwagan na pagbabayaran mo ng oras na lilipas.

‘Kung Almira ang buong name mo, bakit naman Lira ang naging palayaw mo. Mira na lang sana..nakakautal kaya yung Lira..’

‘Mira na kasi si Ate. Mirasol ang buo niyang pangalan,eh.’

‘Kung ako ang tatay ni’yo, tatawagin kitang Lila at siya naman ay si Asul.’

‘At ayaw kitang mapangasawa kung sakali dahil tunog Crayola ang pangalan mo at apelyido. Hihihi!’ Sabay turo sa polo niyang uniporme na may burda ng kanyang initial name. C. Loyola.

‘Chris…Chris Loyola…’ Sabay abot niya ng kamay.

Sa kanilang pagdadaop-palad, may fireworks na nagputukan sa langit na nag-iwan ng kislap sa kanilang mga mata. And they live happily ever after. Kagaguhan. Mahaba pa ang kwento. Nangangalahati ka pa lang.

* * * * *

Kung sasabihin mong namamatay ang isang pag-ibig dahil napabayaan ang apoy nitong talunin ng malamig na hangin ng kawalang oras, distansiya, at kung anu-anu pang shit, ihanda mo ang iyong pisngi at sasampalin kita ng titing maugat™ ni Lio. Hindi ako naniniwala. Namamatay ang isang pag-ibig dahil may nagsinding bago. Yung tipong may natagpuan ka ng bagong paglalagakan mo ng mga susunod na umaga ng iyong buhay. Yung tipong handa ka nang itaya sa iba yung buo mong pagkatao na punong-puno ng lakas at kahinaan. Susugal ka sa walang kasiguraduhan at isusuko mo ang lahat ng meron ka ngayon. At hindi iyon laging madali. At kahit pa naging mahirap kung paano mo iyon tinalikuran, huwag kang umasa na lagi iyong papunta sa direksiyon ng bagong simula na gusto mo.

‘Lira! Lira…break na kami ng…’

‘Wala si Lira, umuwi siya sa Mindoro last week pa, Iho!’ Isang may edad na babae ang nadatnan niya.

‘Ho? B-bakit daw!’

‘Ikaw si Chris?’

‘Oho…’

‘Eto, pinabibigay sa’yo ni Lira…’ Inabot nito sa kanya ang isang imbitasyon sa kasal. Nanginginig ang kamay niyang inabot ang imbitasyon. ‘Garcia-Espina Nuptial’

‘Nung nakaraang araw pa kita hinihintay para diyan eh…bukas na yan ng umaga!’

Tinalon niya ang pagbuklat ng imbitasyon para sa oras at simbahan. Marami pang sinasabi ang Aleng nag-abot sa kanya ng imbitasyon pero namanhid siya at nabingi. Saka nagmamadaling tumalikod. Sabay hagis ng imbitasyon sa punpon ng mga bulaklak ng patay na tila nakahanay para sa sariling lamay na nakatakda para sa kanyang puso.

* * * * *

Kung naniniwala ka sa destiny, OK lang. Pero huwag ka lang basta maniwala. Intervention ang kailangan. Maraming maraming intervention. Katumbas ng maraming maraming intervention ang maraming maraming gusto mong mangyari. Ganun ang destiny para sa akin. Hindi lumilipad ang chicken joy sa bibig ng taong tamad. Kailangan mo ng pera,pumila, at sumingit sa pila kung kinakailangan kung gusto mo ng magandang cut. Otherwise…

‘Klem-Bang!’

25 minutes too late. Kung umabot lang sana siya dun sa portion kung saan tinatanong ng pari na ‘Sinong ungas na torpe ang babagal-bagal na maglalakas loob na tumutol sa kasalang ito?’ Kaso, hinde.

Nakita niyang lumabas ang bagong kasal. Ang labo ng mata niya dahil sa namumuong luha pero malinaw sa mata niya ang kaligayahan sa ngiti ng babaeng nakasuot ng damit pang-kasal. Love at first sight. Yun lang ang totoo sa kwentong hindi naging happy ending. Tumalikod siya .

‘Chris!’ Boses ni Lira.

‘Cris, sandali!’

Hindi na siya lumingon. 11:30 AM. Huminto ang mundong nagsimulang umikot ng araw na dumako ang tingin niya sa napakagandang bulaklak na umusbong sa hardin ng kanyang puso. Ngayon niya naisip kung bakit may gwantes sa kamay ang mga hardinero. Dahil sa tinik. Dahil sa dagta. Dahil sa uod. Dahil kahit wala, iba pa rin ang nakaisip man lang mag gwantes.

* * * * *

Kahit gaano kabigat ang puso mo, iikot pa rin ang mundo. Kasama ng oras at mga tao sa paligid mo. Sasabay kang parang isang patay o babangon ka bilang isang buhay. Ang pag-asa, nakangiti yang dumarating kasama ng umaga pero ang umasa, kasama siyang nasasayang sa hudyat ng maghapong natapos na naman. Bukas, pipili ka na naman, pag-asa o umasa.

Para kay Chris, tumagal ang tuluyang pagtalikod niya kay Lira ng apat na taon. Ginugol niya ang panahong iyon sa pangingibang bansa. Hanggang sa umuwi siya kasama ng kasintahan upang magpakasal sa sariling bayan.

Sa isang kisap-mata, sa isang pagbaling ng tingin, sa isang pagtaas ng ulo mula sa pagkakayuko, nagbabago ang buhay ng isang tao mula sa pagiging-bihag hanggang sa paglaya. Sa isang kumpas ng kamay, sa isang matamis na ngiti, sa isang pagtatama ng tingin, nagbabago ang buhay ng tao mula sa pagiging malaya tungo sa pagiging bihag…ng oras at pag-ibig.

Nasa harapan siya ng flowershop. Para bumili ng bulaklak na magiging hudyat ng tuluyan niyang pagsulong sa panibagong kabanata ng kanyang buhay. Para tuluyang magpaaalam sa masayang ala-alang minsan niyang pinaka-ingat ingatan.

‘Chris?’

‘Lira?’

Tumakbo ito patungo sa kanya para siya’y yakapin subalit mabilis siyang umatras. Hindi niya nais subukin pang muli ang natitira niyang lakas para sa pag-ibig. At katulad noon sa simbahan, tumakbo siya.

‘Chris!’

‘Blag!’

Kalabog ng katawan. Preno ng sasakyan. Matitinis na hiyawan. Bumalik siya upang lingunin ang kanyang likuran.

‘Liraaaa!’

‘C-Chris!’ Agaw-buhay. Duguan. Pinipilit nitong ngumiti.

‘Masaya ako nang nakita kita sa araw ng kasal ni…ni Ate. Natuwa ako noon dahil hindi ko inakalang pupunta ka…’

‘Pero hindi ba…ikaw…ang  nakita kong…ikinasal!?’

‘Si Ate Mirasol…kakambal ko siya…’

‘Lira…hindi ko alam…’

‘Hinintay kita…hinintay kita kase gusto kong may magbibigay sa akin bulaklak ng madalas….I-Ikaw lang kasi yung nakilala kong ganoon. Ikaw…lang…’

‘Shhhh…Huwag kang magsalita….’

‘Andito ka na ulit…hindi nasayang ang paghihintay ko….’

Dumating ang ambulansiya. Hindi niya binitiwan ang kamay ni Lira. Kung may naaalala siya sa eksenang iyon sa pagamutan, iyon ay ang tuloy-tuloy na tunog ng aparatong ikinabit sa dibdib ni Lira.

‘Time of Death…7:15 PM.’

At tuluyang huminto ang lahat sa kanya.

Para saan nga ba ang relos na pambisig? Bakit may orasan sa opisina? Sa istasyon ng tren at mga bus. Ang sa cellphone, ang sa kompyuter? Para saan nga ba?

Sa nakatakda mong interview. Sa meeting. Sa appointment mo sa doktor. Schedule ng pag-inom mo ng gamot. Pasukan. Uwian. Gimik. Pag gising. Pagtulog.  Sa schedule mong date. Lahat halos, oras na hawak mo sa iyong kamay. Maaari mong pagpaliban at i-usog. Pero ang simula ng hudyat kung kailan darating sa’yo ang kahulugan ng buhay at ang katapusan nito, hindi natin kailanman hawak.

Sa isang kisap-mata, sa isang pagbaling ng tingin, sa isang pagtaas ng ulo mula sa pagkakayuko, nagbabago ang buhay ng isang tao mula sa pagiging-bihag hanggang sa paglaya. Sa isang kumpas ng kamay, sa isang matamis na ngiti, sa isang pagtatama ng tingin, nagbabago ang buhay ng tao mula sa pagiging malaya tungo sa pagiging bihag…ng oras at pag-ibig.

Advertisements