Monthly Archives: Hunyo 2011

they keep fallin’

Hapit ang takbo. Ang dating binabaybay ko ng kalahating oras, kailangan kong kunin sa beinte minuto ngayon. Nakasalalay ang mas mataas na sweldo, mas makabuluhang hamon ng trabaho, at oras ng pag-pasok na hindi na parang saranggolang walang kilya. Mas madali nang planuhin ang mga araw. OK lang na na-late ako kahapon. OK lang na ma-late ako bukas. Pero hindi ngayon. Masyadong makitid ang nakabukas na pintuan ng oportunidad.

Biglang huminto ang jeep sa unahan ko. Hindi kakayanin ng preno. Hindi ko na sinubukan. Umiwas ako ako pakaliwa. Big-bang theory demo in the making. Hindi tungkol kung paano nabuo ang universe, kundi paano magwawakas ang sarili kong universe. Bahagya ko pang naulinigan ang ga-buhok na paglampas ng side mirror ng truck mula sa suot kong helmet. Saka ang realization kung bakit biglang huminto ang jeep na sinusundan ko. May batang biglang tumawid. Agap ako ng preno. Alisto ang bata. Siya naman ang ga-buhok ko nang mahagip sa kanyang dagling pag-atras pabalik mula sa gitna ng binabalanse kong takbo sa kumanan-kumaliwang naka-preno kong gulong na lumalaban sa friction ng kalsada.

Close call. Marahan kong itinabi ang motor ko sa gilid ng kalsada. Niluwagan ko ang kurbata sa leeg ko saka binuksan ang butones ng long sleeve na sumasakal sa hinahabol kong hininga. May mga bagay talagang hindi bagay sa akin. Katulad ng hinahabol kong posisyon sa trabaho. Katulad nitong kurbata at longsleeve. Katulad ng cellphone kong mas malakas pa ang hilik kaysa sa alarm.

‘Hello, sir! Pasensya na kayo pero ‘di ako makaka-attend ng panel interview ngayon…blah blah blah’ Mahaba pa ang naging paliwanagan namin sa kahalagahan ng ganito at ganyan at opportunity knock once blah blah blah career ladder blah blah blah. Basta ako, ayoko na. Sumingaw na ang pressure cooker. Sa tagal inapuyan, nilagang kamote lang pala ang laman- Ako.

Ako at ang pagkakataon na ayaw makibagay. Katulad ng cellphone. Katulad ng kurbata sa leeg ko. Katulad ng batang parang walang nangyari at itinuloy lang ang paglalakad sa kabilang kalsada habang bitbit sa likod ang kanyang back-pack. Tuloy ang buhay.

Tagaytay. Umaga. Tumatagay. Ganun ang ginawa ko.

Kung may paglalabasan ka ng utot at hinanakit, wala nang gaganda pa sa lugar na ito. Malapit sa ilong ng Diyos. Saka unti-unting lalamig para bumaba sa kapatagan para amuyin naman ng sangkatauhan.

Kung may marunong mag handle ng bad trip, isa siguro ako dun. Gusto kong maniwala. Gusto kong maniwala na kapag may pintuang nagsara, may nagbubukas. May nagbubukas ng beer 8:45 ng umaga. Ako.

Ilang dipa mula sa sinisilungan kong lamesa, napansin ko siyang gumuguhit. Naka-upo sa malawak na damuhan. Sipat-guhit sa pagitan ng malawak na tanawin ng Taal Lake at sketch book na nakabukas. Hawak ang lapis. Marahil, hawak din niya ang oras. Marahil, hawak din niya ang sarili niyang buhay.

Ako-mukhang tanga lang na alipin ng mundo ng iba. Nagpipilit maki-bagay. Nagpipilit sumabay. Heto’t tumatagay. Hay, buhay.

Iwinaksi ko muna ang hinanakit pansumandali. Ginawi ko rin ang aking tingin sa malawak na tanawin ng Taal. Ganun na lang sana ako. Nakatago sa paanan ng mundo pero dinadayo. Maliit lang pero alam mong may ibubuga. Small but terrible. Hindi kagaya ko- bopol. Langyah.

Muli niyang inagaw ang atensiyon ko. Nakita ko siyang ibinuhol pataas ang kanyang buhok. Lumitaw ang batok niya. Tang-ina ng Taal. Kahit bumalik ako bukas o next year, andun pa rin yun. Si Miss Artist, hindi ko sigurado. Lagok. Sunod-sunod habang nakatitig ako sa mapang-akit niyang batok. Kung may mag uutos sa akin na tambakan ang Taal para tingalain imbes na dungawin mula rito sa kina-uupuan ko kapalit na mahalikan ko ang batok niya, payag ako. Joke lang. Ang babaw ko naman kapag ganun. O sadyang malalim ang Taal para tanggapin ko ang hamon.

Sinusundan daw ng ulan ang taong talunan. Hindi para paliguan kundi para mag mukhang basang sisiw. Nagkaroon bigla ng emergency meeting ang mga ulap. Naging kulog ang kanilang daldalan. Parang mga laway na nagtalsikan pababa ang patak ng ulan. Nakita ko siyang dali-daling isinara ang hawak na sketch book saka tumakbo sa gawi ng sinisilungan kong mesa. Today is sunny day, sa loob-loob ko. Sa kabila ng papalakas na ulan.

Ginaya niya ang pagkaka-upo ko sa mesa. Nakapatong ang paa sa upuan. Saka niya pinunasan ang nabasang cover ng hawak hawak niyang sketch book gamit ang laylayan ng suot niyang t-shirt. Basa ang kanyang mukha at braso. Ini-abot ko sa kanya ang panyo na hinugot ko sa bulsa ng aking pantalon. Nagdadalawang isip siyang abutin. Lalo kong pinahaba ang pag aabot sa kanya nito. Tinanggap niya ito at nagpasalamat kasabay ng ngiting nakakapag-pasikip ng brief. Idinampi sa kanyang basang balat. Minsan, gusto ko na lang maging panyo.

Huhulaan ko, mahilig kang mag drowing!’ Sinabi ko yun sa kanya habang ini-abot niya sa akin ang panyo. Muli siyang ngumiti saka itinaas sa pagitan ng aming paningin sandali ang sketch book. Narinig ko siyang bumuntong hininga sa gitna ng malakas na ingay ng ulan at kalampagan sa loob ng aking dibdib.

Libangan lang. Kapag may pagkakataon.’ Tinamaan ako ng kidlat. Sa ganda ng kanyang boses.

OK lang ba?’ Tanong ko habang itinuturo ang sketch book na ipinatong niya sa pagitan namin.

Tumango siya. ‘Pangit yan…’ Marahan kong dinampot ang kulay asul na sketch book. Sinimulan kong buklatin. Sa unang pahina pa lang, alam ko nang talented sa pag-guhit si Miss Batok. Lumang simbahan. Bahay sa gitna ng bukid. Sari-saring mukha ng tao. Sa detalye, sa hagod, sa diin at gaan-alam ko. Ipinanganak siyang kakambal ang lapis at inunan ang sketch book. Hanggang dumako ako sa dulo. Ang pinutol ng ulan na guhit ng Taal.

Ang husay. Ang galing mo naman!’ Nanuyo ang aking lalamunan. Sabi ng teacher ko noong grade 1, marunong akong mag drowing. Sabi nga ni Solopika, may nagsisinungaling. Lumagok ulit ako sa bote. Saka sa sulok ng aking mata, nakita ko siyang naka titig sa akin. Nahiya akong bigla. Inilapag ko ang bote saka muling isinauli ang sketch book sa pagitan naming dalawa. Ipinunas ko ang aking kamay sa aking pantalon saka ko iyon iniabot sa kanya. ‘Ako nga pala si Duking…

Kim…’ Nag holding hands kami dahil romantiko ako. Shake hands lang pala yun, asa pa ako.

Ikinagagalak kitang makilala, Da Vinci…isa kang henyo…

Nakangiti siya. ‘Lalaki si Da Vinci, babae ako…

Walang pinipiling kasarian ang reincarnation ng isang henyo, Da Vinci…

Importante sa akin ang kamay ko…’ Saka ko naramdaman ang pagluwag ng kanyang pagkakahawak. Hinila ulit ako ng gravity. Bagsak ulit ang puwet ko sa lamesa. Tumawa siya. Idinako ko ang tingin ko sa sketch book.

‘Umaga, naka-porma, umiinom…Siguradong interesante ang kwento mo…’ Naka ngiti ulit siya.

Boring…’ Saka ko tuluyang tinanggal ang pagkakasabit ng maluwag na kurbata sa leeg ko at isinuksok sa bulsa ng long sleeve.

Wala naman akong ibang option kundi pakinggan…’ Saka niya ingi-nuso ang malakas na ulan. Kung sabagay, nakakulong kami sa ulan. Mas boring para sa mga preso ang hindi nag kikibuan.

Maiiyak ka lang, huwag na…

Sus! Hindi ka naman mukhang pang-drama.’ Sabay hagalpak niya ng tawa.

Sige na nga…’ Nag kunwari akong sumeryoso, pinalungkot ang mukha sabay tingin sa malayo. Huwag ka, tuwang- tuwa ang puso ko dahil hindi pala siya suplada at hindi ko akalain na mangyayari ang nangyayari ngayon.

Kwento mo na…’ Umusog siya ng bahagya papalapit sa akin saka dinampot ang sketch book para yakapin.

Anu kasi, eh…ah… magpapaksal sana kami ngayon ng girlfriend ko sa Huwes kaso ipinag tapat niya sa akin kanina na buntis siya at hindi ako ang ama..’ Yumuko ako para itago ang ngiti ko.

Hindi nga? Seryoso?!’ Usisa niya habang hinahabol ang pagkakayuku ko.

Syempre, hindi!’ Saka ko sa kanya ikinwento ang buong masaklap na pangyayari sa na-unsiyami ko na namang career na nagsimula sa mahinang alarm ng cellphone ko, ang jeep na muntik ko nang mabangga, ang trak na muntik nang maka bangga sa akin, at ang batang nakaligtas sa jeep at sa akin.

Humaba pa ang kwentuhan namin. Nakita ko na lang siyang dinampot ang isa pang bote ng beer sa aking paanan at uminom mula rito. Tawanan. Abot ng bote. Inom ng bahagya. Kwentuhan. Tawanan. Sa gitna ng malakas na ulan at umaagos na tubig pababa ng Taal. Para kaming baliw na iniwan ng Noah’s Ark habang naghihintay kung lulunurin nga ba kami ng ulan.

At dumami pa ang araw na gaya noon. Kapag wala siyang pasok. Kapag wala akong pasok. Kahit anung pwedeng mapag kwentuhan. Kahit anung pwedeng pag-ubusan ng oras. Naging talim ng lapis akong gumuguhit sa pahina ng kanyang buhay na wala pang laman. Ang bawat hibla ng kanyang buhok ay naging pinsel sa dibdib kong nag mamarka ng iba’t ibang kulay para takpan ang madidilim nitong ala-ala.

Anim na buwan na ang nakalipas. Natuyo na marahil ng nag daang tag-araw ang bakas ng hindi sinasadyang bugso ng ulan sa kanyang puso. Nagsasara na rin ang pintong minsan ay nagbukas sa akin.

Ayoko ng false hope. Gusto ko lang ng closure. Independence Day naman.

Buntis ako at hindi ikaw ang ama.

Binigyan niya ng ending ang kwento namin na hindi ko alam kung paano tatapusin. Bumalik sa akin ang birong ginawa ko lang dati.

Hay, buhay. Ang sarap itagay.

Advertisements