Ang Saranggola At Ang Antena ng Broadband Sa Brgy. Magkaisa

                       Sina Suzzette, Jophet at Carlo ay magkakamag-aral sa ika-anim na baytang at magkakapit-bahay sa Baranggay Magkaisa. Ang kanilang umaga sa araw na may pasok ay ginugugol nila sa loob ng paaralan kung saan may patakaran na bawal ang gumamit at maglabas ng cellphone o anumang gadget sa oras ng klase at hinihikayat na kung maaari ay huwag magdala ng mga ito sa paaralan.

                   Si Aling Divina na ina ni Carlo ay isang ulirang may bahay. Hindi man nakatapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan ay masipag naman nitong ginagampanan ang pagiging ilaw ng tahanan kina Carlo at asawang si Mang Nick. Si Mang Nick ay isang kawani ng munisipyo sa kanilang bayan. Bagamat matagal nang humihingi si Carlo sa magulang na magkaroon ng sariling kompyuter ay hindi ito pinaunlakan ng mga magulang bagkus pinapahiram na lamang ito ng laptop ng kanyang ama kung may kailangang gawin sa asignatura o takdang-aralin sa bahay.

                 Ito ay kabaligtaran ng sitwasyon nina Suzzette at Jhopet. Ang dalawa ay may sariling cellphone, tablet at kompyuter sa kani-kanilang mga tahanan. Ito ay dahil na rin sa ang kanilang mga magulang ay nagta-trabaho. Si Aling Elvira na ina ni Suzzette ay guro sa paaralang kanilang pinapasukan samantalang ang ama naman nito na si Mang Ernie ay nagta-trabaho sa Saudi bilang construction worker. Higit na maganda ang hanap-buhay ng magulang ni Jhopet na sina Aling Lilian at Mang Jake. Kilala sa kanilang lugar ang mag-asawa bilang Mr. and Mrs. Madrigal. May sariling negosyo ang mag-asawa na inaasikaso. Ito ang dahilan kung bakit sunod sa layaw si Jhopet at ang mga kapatid nito sa kanilang magulang.

                Isang araw ng Sabado ng hapon ay nagsimulang umihip ang hanging amihan sa Brgy. Magkaisa. Hudyat ito kay Carlo upang maglaro ng saranggola na kanyang nakagawian sa ganitong panahon. Mabilis siyang lumapit sa amang si Mang Nick upang magpatulong dito na gumawa ng saranggola.

‘Alam mo, Tay…mas mabuti sana kung pinapayagan mo akong magkaroon ng sarili kong kompyuter ng sa gayon, igu-google ko na lang ang paggawa ng saranggola’

‘Oh, anu naming masama kung ako mismo ang magtuturo sa iyo. Ang lolo mo rin ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng saranggola. Bukod pa sa may mga hindi detalyadong itinuturo ang Uncle Google ninyo sa inyo gaya ng pag babalanse ng magkabilang pakpak ng saranggola.’

‘Kung sabagay, natutuwa nga ako na ikaw ang nagtuturo sa akin, Itay. Nalulungkot ako para kay Suzzette at Jhopet. Si Suzzette, wala yung tatay niya dahil nasa Saudi samantalang si Jhopet, abala lagi yung tatay niya sa negosyo nila.’

‘Mabuti pa, yayain mo ang mga kaibigan mo na maglaro nitong saranggola. Kung ibig din nila, maari ko rin silang igawa.’

‘Ang bait-bait mo talaga, Itay!’

                   Masayang ini-abot ni Mang Nick ang saranggola kay Carlo habang tuwang tuwa ang batang lumabas ng kanilang bakuran upang sunduin sina Suzzette at Jhopet.

‘Suzzette! Suzzette!’ Tawag nito sa harap ng bahay nina Aling Elvira. Nakita niyang dumungaw sa bintana ang kamag-aral saka lumabas ito ng bahay upang kausapin siya.

‘Suzzette, magpalipad tayo ng saranggola! Yayain din natin si Jhopet na maglaro…’

‘Sige, Carlo pero magpapalam muna ako kay Papa, kausap namin siya ni Mama sa Skype. Saglit ha…’

           Hindi nagtagal ay lumabas na rin itong masayang masaya habang ikinu-kwento na uuwi pala ang ama nito sa nalalapit na kapaskuhan.

‘Mabuti nga may internet, maski paano, lagi kong nakakausap si Papa. Kitang-kita ko yung saya ni Papa kapag kausap niya kami ni Mama, e…’

‘Swerte mo, Suzzette…may sarili kang account sa Skype at Facebook, siguro may email address ka na nga din eh…ang higpit kasi nina Itay sa akin tapos ang kuripot pa.’

‘Hindi ko rin naman ginagamit yun para maglaro online gaya nung kinu kwento ni Jhopet na mga barilan saka yung mga binabasa niyang komiks at pinanonood daw na nakakatakot…anu nga daw yun? Yung sabi niya na Mang Kanor ba yun? Sinabi ko nga kay Mama. Sabi sa akin, dapat daw na maging maingat ako sa pag-gamit ng mga kompyuter…tapos, basta, nilagyan niya ng restriction saka parental lock eh…marami raw kasi sa internet ang hindi pang bata…’

‘Saka alam mo Carlo, huwag ka nang mainggit na may tablet ako saka cellphone, kung ako lang ang masusunod, mas gusto ko pang dito na lang si Papa kaysa mayroon nga ako nung mga yun, hindi ko naman siya mayakap.’ Dugtong pa ni Suzzette.

‘Jhopet…Tao po!…Jhopet!’ Hiyaw ni Carlo sa tapat ng mataas na gate ng malaking bahay nila Jhopet.

‘Gamitin mo yung doorbell, Carlo…’

‘Ding Dong..Ding-Dong..’ Tunog nito na naririnig nila sa kalayuan.

‘Dantes…Dantes…’ Halos magkasabay nilang sagot sa tunog ng doorbell saka sila nag tawanan. Halos hindi nila namalayan ang paglapit ni Jhopet sa kanilang dalawa.

‘O…anung ginagawa dito ng Jamich?’ Nakangiting bati nito sa kanila.

‘Anung Jamich?’ Takang tanong ni Carlo samantalang agad iniba ni Suzztte ang usapan. Alam niyang tinutukso sila ni Jhopet dahil napanood na niya sa TV ang tungkol sa pagsikat ng Jamich sa internet.

‘Magpalipad tayo ng saranggola, Jhopet! Dali, ang sarap ng hangin dito sa labas!…Sige na!’ Pakiusap niya kay Jhopet.

‘Naku, kayo na lang dalawa. Naglalaro ako ng online games saka busy ako dun sa bago kong ka chat na foreigner kong kaibigan. Yung kinu kwento ko sa inyo na mayaman na mamang laging nag la-like ng mga pictures ko.’

‘Ay, ayaw mo na kami kalaro?’

‘Gusto, kaso mas gusto ko na yung online games…Hindi nakakapagod saka mas madaming kalaro. Dapat kasi mag online na din kayo eh…’

‘Tara na, diyan lang naman tayo sa tapat ng bahay ninyo eh!’ Pilit ni Carlo.

‘Kayo na lang…saka baka inaatake na naman pala ako sa Clash of Clans! Sige, Bye!’ Sabay sara nito ng gate.

‘Anu ba yang si Jhopet…ipinagpalit na tayo sa kompyuter! Hmp!’ May himig pagtatampo ni Suzzette.

‘Hayaan mo na, tara, Suzzette! Ayan na ang malakas na hangin!’ Hatak ni Carlo sa kamay ni Suzzette at saka nila tinawid ang bakanteng lote sa kabilang kalsada.
Tuwang tuwa ang dalawa habang tulong sila sa paghila ng sinulid at paghabol ng tingin sa pumaimbulog na saranggolang tangay ng hanging amihan.

              Naririnig ni Jhopet mula sa kanyang bintana ang hagikhikan at tawanan ng dalawang kamag-aral pero binalewala lamang niya ito. Tuloy tuloy umihip ang hangin at tuloy tuloy din ang lipad ng saranggola.

‘Aray, napuwing yata ang mata ko, Suzzette!’ Agad na nabitiwan ni Carlo ang sinulid at humulagpos ang saranggolang agad na tinangay ng hangin. Pumulupot ito sa antenna ng broadband internet nina Jhopet.

‘Patingin nga, hihipan ko…’ Mabilis na lapit ni Suzzette sabay ihip sa matang napuwing ng kaibigan.

‘Uyyyy…naghahalikan!’ Ang eksaktong dungaw ni Jhopet sa bintana sabay kuha ng larawan sa dalawa gamit ang tablet.

‘Yari kayo, may bago nang Jamich! Hehe!’ Sabay mabilis na pindot nito ng share button sa Instagram.

Dumating ang Lunes, punong puno ng tuksuhan ang buong klase nila. Parang apoy na kumalat sa Facebook ang mga larawan nilang dalawa ni Suzzette na may nakasulat na ‘Carlo❤ Suzzette K-I-S-S-I-N-G’

‘Carlo, pakasalan mo na si Suzzette! Uyyyy!’

‘Isusumbong ko kayo kay Ma’am!’ Hagulgol ni Suzzette sabay takbo palabas ng silid-aralan.

             Ipinatawag ng principal ang tatlong bata saka ang kanilang mga magulang. Dumating ang ama’t ina ni Carlo. Naroon din ang ina ni Suzzette at si Mrs. Madrigal na ina ni Jhopet. Humingi ito ng paumanhin dahil hindi makadadalo si Mr. Madrigal dahil sa inaasikasong negosyo.

            Ipinaliwanag ng punong guro kay Jhopet na mali ang naging pasya ng bata upang ibahagi sa Facebook at pagkatuwaan ang dalawang kamag-aral.

‘Jhopet, responsibilidad natin na dapat matutunan ang pagpili ng ibabahagi natin sa internet. May mga bagay na nakakasakit na hindi lamang pisikal kundi sa damdamin din na kailangan nating matutunan…’

‘May katapat na responsibilidad ang tinatamasa nating kalayaan na magbigay ng puna at kung anuman na magmumula sa atin…naiintindihan mo ba?’

‘Opo’ Mahinang tugon ng bata.

‘Humingi ka nang paumanhin at umamin ng pagkakamali at mangako kang hindi mo na iyon uulitin kay Suzzette at Carlo.’

‘Sorry na Suzzette, Carlo… Hindi ko na yun uulitin, pangako. Nagkamali ako. Buburahin ko na yun. Sorry talaga…Saka sorry din po, Ma’am…dahil dinala ko pa rin yung tablet kahit na alam kong bawal…’

       Matipid na ngiti at pangunawa ang naging sukli nina Suzzette at Carlo sa kamag-aral.

‘Mga bata, hintayin na lang ninyo ang mga magulang ninyo sa labas at kakausapin ko lang sila…’ Pakiusap ng punong-guro sa mga batang agad naming tumalima.

‘Henerasyon tayo na lumaki sa pagitan ng wala at pagkakaroon ng internet. Sa atin magsisimula kung paano nating tatawirin ang susunod na henerasyong magiging dalubhasa sa teknolohiyang paunlad ng paunlad at pabilis ng pabilis. Sana po, naroon tayo para pahiran ito ng damdamin ng pangunawa, pakikipagkapwa, paggalang at pagmamahal…’

‘Dahil anu pong silbi ng teknolohiyang magiging dahilan ng ating pagkakawatak-watak?’

‘Mandato natin bilang magulang na bantayan ang ating mga anak, at ang ating mga sarili sa harap ng makabagong hamon sa atin…ang social media at internet.’

***

Likhang lahok sa kategorya ng Kwentong-Pambata sa Ika-Anim na Saranggola Blog Awards

 

Saranggola 336x280

facebook page : https://www.facebook.com/saranggolablogawards
facebook group: https://www.facebook.com/groups/287982881258287/
email : saranggolablogawards@gmail.com
bernardumali@gmail.com

4 responses to “Ang Saranggola At Ang Antena ng Broadband Sa Brgy. Magkaisa

  1. congrats dito sir! ang ganda ng aral sa huli swak na swak sa tema at kagetorya ng SBA.
    kahit anong isip ko, hindi ko mailapat ng husto ang gusto kong kwentong pambata.

  2. Kaya mo yan, Sir. Ang matinding naging hamon din sa paglikha ko ng kwento ay yung limitasyon sa bilang ng salita. Napasarap yata ako sa pag gawa ng kwento.

  3. napakahusay sir. pero parang nabahala ako sa mamang foreigner na laging naglalike ng pictures ni jhopet. sana di lang puro computer at internet atupagin ng mga bata ngayon. masarap din maglaro sa labas🙂

  4. Thank you koya. Gusto ko talagang haluan ng pananakot yung kwentong ito lalo na sa mga magulang at guardian ng mga bata. May panganib talaga ang makakasalamuha ng mga bata sa internet. Yung rules na don’t talk to stranger, epektib din yun sa loob at sa labas ng world wide web.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s