Monthly Archives: Marso 2011

Silangan At Kanluran

Mahaba kasi tong kwentong ito. Gusto ko lang naman basahin mo. Hindi ito tungkol sa akin. Tungkol ito sa marami. Tungkol ito sa atin. Inilagay ko yung kanta para malibang kang pakinggan habang binabasa mo yung kwentong mahaba. Magandang araw at salamat lagi sa pagbibigay halaga sa lahat ng kwento ko.

Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran
Magkapatid silang kambal,
Magkahiwalay habang buhay.

Binabagtas ko ang lawak ng dagat sakay ng bangkang de motor kasama ng ilang armadong kalalakihan na aking nakilala kamakailan lang. Hawak ko sa aking kamay ang isang liham mula sa aking kapatid at larawan ng isang sanggol na kalakip nito.

Nararamdaman ko ang alat ng dagat sa hangin, subalit nagsimulang maglaro sa aking gunita ang isang pangyayari na bumago sa buhay naming magkapatid. Napapikit ako. At naramdaman kong nagtagpo ang tubig dagat at ang aking mga luha sa dilim ng gabi.

**********************************************************************

Kaarawan ni Nanay. Nagkasundo kaming maghati para sa munting birthday cake mula sa aming allowance. Binabagtas namin kahabaan ng Commonwealth patungo ng Batasan Hills lulan ng jeepney. Nakagawian kong umupo sa dulong bahagi at magkatabi kaming nag-uusap tungkol sa natirang sukli mula sa pinambili namin ng cake.

‘275. Kinse yung kandila. May pamasahe pa tayo.’ Dinukot niya sa kanyang bulsa ang sampung pisong papel saka iniabot sa drayber. ‘Dalawa, estudyante po!’ Binilang niya ang baryang sukli saka isinilid muli sa bulsa.

‘Bigyan mo ako ng tres mamaya. Dos na lang ang natira sa’yo para sa traysikel.’ Napangiti ako. Kabisado ko siya pagdating sa pera. Hinding hindi papayag na malamangan.

‘Yung mama sa dulo saan ho kayo bababa?’ Tanong ng drayber na ang tinutukoy ay ang mamang kaharap ko. Saka ko lang napansin na tila lasing ang mama dahil sa pagkakayukyok nito.

‘Sige lang, papara ako kung bababa na ako!’ Paasik na tugon nito.

‘Hindi pa kayo nakakabayad!’ Pakli na naman ng drayber sa mama.

Tumuwid ng upo ang mama sabay dukot sa tagiliran ng kapirasong makintab na bagay na nagpapakilalang isa itong pulis. Itinaas nito sa kanyang kamay ang tsapa upang malaman ng drayber kung sino ang kanyang sinisingil. ‘Pwede na ba ‘to? Buong porti payb ang dala ko eh!’ Sabay ngisi ng lasing na pulis.

Hindi na kumibo ang drayber. Napailing ang ilang sakay ng jeep. Nagbaba ako ng tingin at pinagmasdan ang kahon ng cake na kalong ko. ‘Paniguradong matutuwa si Nanay.’ Iyon ang masayang eksena na naglalaro sa isip ko.

‘Pulis din ang tatay namin pero nagbabayad naman sa jeep!’ Tinig iyon ng aking kapatid. Mariin niya itong sinabi sa mama. Nakatingin sa kanya ngayon ang lahat ng pasahero. Nakita kong muling dumukot sa loob ng kanyang jacket ang pulis.

Kinabahan ako. Saka ko nakitang pera ang dinukot nito. ‘Heto paki-abot ng bayad ko! Huwag na ninyong suklian! Pilit nitong ini-aabot sa aking kapatid ang pera subalit ng akmang kukunin ito ng aking kapatid, hinila niya ito patungo sa estribo ng jeepney. Dumilim ang aking paningin. Naririnig ko ang hiyawan ng mga pasahero at naramdaman ang pagbagal ng jeep. Ang kaba ko ay naging takot. Ang takot ko ay naging karuwagan.

‘Tang ina ka, matapang ka?Ha? Ano? Ano ngayon?!’ Tuluyang huminto ang jeep at nakita kong gumulong sa pagkakatulak ang aking kapatid.

‘I-abante mo! Sibat! Madilim ang lugar na iyon. Kasing dilim ng nanlalabo kong paningin.

‘Bang!’

Muling umabante ang jeep. Gusto kong bumaba ngunit tila naging kasing bigat ng mundo ang kahon ng cake na aking kalong.

Bumaba ako sa terminal ng traysikel sa Batasan. Hawak ko ang kahon ng cake. Matagal akong naghintay. Nagdarasal na sana, iluwa ng dilim sa bahaging iyon ng Commonwealth Avenue ang aking kapatid. Umiiyak ako.

Saka ko siya nakitang bumaba rin ng jeep. Duguan ang damit at may pasa at sugatan ang mukha.

‘Tang ina kasi. bakit mo sinabi ‘yon? Bakit mo sinabi yon?’ Hindi siya kumikibo. Panay lang ang pahid niya ng dugo na tumutulo mula sa sugat sa kanyang labi, ilong at kilay.

‘Huwag mo na lang sabihin kay Nanay…Ayokong mag-alala ‘yon. Doon muna ako sa kaibigan ko sa Payatas tutuloy. Ako na ang magpapaliwanag.’ Dumukot siya kinse pesos sa bulsa. ‘Heto kuya…mag espesyal ka na.’

Naghiwalay kami pero binago ng gabing iyon ang lahat sa aming buhay na magkapatid. Hindi na namin inungkat sa isa’t-isa ang pangyayaring iyon.

**********************************************************************

Nakatapos ako ng pag-aaral at agad na bumalik sa probinsiya upang doon mag trabaho. Pilit kong hinanap ang munting kapayapaan na ipinag-kait sa akin ng siyudad. Kinumbinsi ko si Nanay na sumama na rin lalo pa’t nagkaroon ng banta ng demolisyon sa aming lugar. Ipinaliwanag ko sa kanya na wala kaming pinanghahawakan para ipaglaban ang lupang kinatitirikan ng aming barong-barong. Sumama naman ito sa akin. Nagtalo sila sa maraming bagay ng aking kapatid bago sila mag hiwalay. Kung bakit ayaw nitong sumama, kung bakit may mga prayoridad itong inuuna pa kaysa sa amin. Hindi na ako naki-alam. Mariin ang pangaral sa kanya ni Nanay na tulungan muna ang sarili saka tumulong sa iba.

May pakpak ang balita. Naroon sa harap ng mga buldozzer ang aking kapatid nang tinangkang gibain ang mga barong barong na dati naming tahanan. Pinaglalaban ang mga bagay na pwede namang kunin sa ibang paraan. Naroon siya para tumulong sa pagliligtas ng gumuho ang tambak ng basura sa Payatas at ilibing ng buhay ang mga nakatira roon. Naroon siya sa picket line ng nag-aalsang mang-gagawa. Sinalubong niya ang nagmartsang mga magbubukid. Sinalubong niya ang tear gas at hambalos. Naroon siya sa lugar na ayokong muli pang maulit sa akin. Katulad ng gabing iyon na bumago sa aming dalawa. Naroon siya.

Isa, dalawa, limang taon. Walang makapag sabi kung nasaan siya subalit alam ko na sa likod ng aking isip kung nasaan siya. Hanggang kumatok siya sa aming pintuan ilang araw bago mag pasko. Nanatili siya ng ilang araw. Iyak ng iyak si Nanay. Sa tuwa marahil o sa awa. Halos hindi na namin siya makilala. O marahil, ako lang ang hindi na halos makakilala sa kanya. Ninakaw ng gabing iyon ang lahat ng masasayang bagay na nagpapa-alala sa akin sa kanya. Iyon ang iniisip ko.

Ipinakita ni Nanay sa kanya ang mga photo album. Umiyak siya. marahil, hinahanap niya roon ang kanyang sarili. Marahil, hinahanap niya ako roon. Ang ako na nawala nang gabing iyon. Ang ako na nawala dahil sa karuwagan.

May mga gabing masaya siyang tumatawa sa pinanonood na pelikula. Noon ko na lang ulit siyang narinig tumawa. Umiyak ako. Umiyak ako ng umiyak. Ibibigay ko ang lahat ng mayroon ako ngayon para lamang marinig at makita siyang tumatawa.

Hanggang sa nag-paalam siya sa akin. ‘Kuya, ikaw na ang bahalang magpaliwanag kay Nanay. Ayoko siyang mag-alala. Saka baka pwedeng ibigay mo na lang sa akin yung mga pinag kaliitang damit ng anak mo. Kailangan iyon doon sa pupuntahan ko.’

Mabilis naming iniayos ng aking asawa ang mga gamit at damit na kinaliitan ng aming anak. Iniabot ko sa kanya ito kasama ng limang libong piso. Tinanggap niya ito saka nagpaalam.

‘Kailan ka babalik dito?’ Ngumiti lang siya ngunit nakita ko ang lamlam sa kanyang mata. Gusto ko siyang yakapin at humingi ng tawad na wala akong ginawa ng gabing iyon. ‘Saka na Kuya, pero babalik ako. Pangako.’ Ganoon kami muling naghiwalay.

Isa, dalawa limang taon mahigit muli ang lumipas. Nakatanggap ako ng liham mula sa aking kapatid na ipina-abot ng isang kaibigan. Mabilis akong nag-handa upang pumunta sa isla sa Quezon na nasa bahagi ng karagatang Pasipiko. Nakatungtong ako ngayon sa Sitio Anghel. Isang maliit na isla na tila nilimot ng mabilis na pag-unlad ng kapuluan. Binasa kong muli ang liham at minasdan ang kalakip na larawan na kasama nito. Saka ko minasdan ang batang nasa aking harapan.

Kuya, gusto kong makilala mo si Lean. Namatay ang kanyang Ina sa komplikasyon sa panganganak dahil sa kawalan ng medikal na atensiyon. Kung napasa kamay mo ang liham na ito, nangangahulugan lamang na pabalik na ako sa inyo ni Nanay. Natatandaan mo pa ba yung gabi ng kaarawan ni Nanay? Marami pang gabing tulad noon ang nangyari sa akin at nangyayari sa marami, Kuya. Hindi kita kailanman sinisi. Marahil tama ka, na dapat sana hindi na ako umimik. Marahil tama si Nanay na dapat ko munang tulungan ang sarili ko bago ko tulungan ang iba pero Kuya, gusto ko ring isipin na tama ako. Gusto ko ring isipin mo na tama rin ang ginawa ko nang gabing iyon.

Kunin mo si Lean. Sabihin mo kay Nanay ang totoo tungkol sa kanya. Bahala ka nang mag paliwanag pero huwag mo siyang pag-alalahin. Sabihin mong mahal na mahal ko siya. Mahal na mahal ko kayong lahat. Kahit naging napakalayo ko. Ako at si Lean ay iisa. Tanggapin mo sana siya, Kuya.

Puno ng luha ang aking mga mata nang lumuhod ako para yakapin ang batang si Lean. Naramdaman ko ang ganti niyang yakap. Uuwi ako para isalaysay kay Nanay ang lahat. Mula sa gabing iyon ng kanyang kaarawan hanggang sa kwento ng pagbabalik ng aking kapatid sa katauhan ni Lean. Tama na marahil ang tagal ng pananatili ko sa mundo kong pinalibutan ko ng kasinungalingan. Hinding hindi ko iiwan si Lean hanggat nabubuhay ako, iyon ang pangako ko sa aking sarili at sa aking kapatid.

***********************************************************************

Namatay siya sa engkwentrong militar sa kabundukan ng Sorsogon. Walang makapag sabi kung saan ang tiyak na lugar siya inilibing. Sa ganung paraan natapos at nagsimula ang kanyang buhay. Sa ganung paraan siya nagbalik sa amin.

Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran
Magkapatid sila…
…habang buhay.

Kung may nagtatanong na kakilala, kaibigan at kamag anak kung nasaan siya, ngumingiti na lamang ako. Gusto kong sabihin na naroon siya at tumutulong mag ligtas ng gumuho ang basura ng Payatas. Gusto kong sabihin na naroon siya sa mga pagtutol sa demolisyon. Gusto kong sabihin na naroon siya sa picket line ng mga manggagawang nag aaklas o di kaya’y sumasalubong sa mga nag mamartsang magsasaka. Gusto kong sabihin na naroon siya sa madilim na kahabaan ng Commonwealth at nakipag-agawan ng baril sa lasing na pulis na ayaw magbayad sa jeep.

Sa ganung paraan ko siya gustong maalala. Tumitindig kapag ang lahat ay inuutusang yumuko. Humihiyaw kapag ang lahat ay sinusupil umimik. Lumalaban kapag ang lahat ay sumusuko. Tumatapang kapag ang lahat ay naduduwag.

Saka ko pagmamasdan si Lean habang kalaro ng aking anak. Mga musmos na malayo sa mundong hinuhubdan araw-araw ng kainosentehan.