Monthly Archives: Agosto 2011

isa PONG malaking karangalan kahit man lang sa maliit na paraan…

Kung kati lamang ng nunal sa talampakan ang dahilan ng bawat paglalakbay at pakikipag-sapalaran sa ibayong dagat, mas madali pa siguro kung hahayaan kong ang mga larawan ang mag-kwento para sa akin.

-Kung saang lugar ako napadpad sa bawat pagsakay-pagbaba ng eroplano, barko,tren, bus, taxi at kung minsan ay limousine.

-Kung saang kainan ako dinala para subukin ang aking panlasa sa mga buffet, hot pot, stand at cuisine na hindi kinasanayan ng karaniwang dila kung saan ako nagmula.

-Kung saang pasyalan ko nilibang ang aking mata’t pandama sa mga makasaysayang lugar, templo, pyramid, simbahan, pagawaan, museo, gusali, amusement park at mga liwasan.

-Kung sinong celebrity ang nakita ko kasabay ng aking pamimili sa mga tiangge, mall, signature store at souvenir shop.

-Kung gaano kagara ang suot ko sa pagdalo sa mga conventions at mga business meetings, ang kapal ng overcoat kong fur habang naglalaro sa yelo o ang hapit ng swimming trunks sa aking katawan habang nagtatampisaw sa mga beach.

Lahat yan, kuha sa DSLR kong camera o ‘di kaya’y sa mamahalin kong cellphone…at malamang, nakita mo akong nakangiti sa bawat larawan.

Anu na nga ba pagkatapos mong mamangha?

Maliban siyempre sa nais mong humingi ng pasalubong pag-uwi ko(kung close tayo bagamat nahihiya ka) ay sasagi sa isip mo kung paano akong nakarating sa lugar na iyon samantalang ikaw ay nanatili pa rin sa lugar na sabay-sabay nating halos kinalakihan. Saka marahil, maglalaro sa isip mo ang ipinatatayo kong bahay sa isang exclusive subdivision at mga naghihintay na kaanak na pinangakuang ipapasyal kundi man sa Hong Kong ay sa Baguio man lang o Boracay.

Sa patas mong pang-unawa at ala-ala ng ating pagkakaibigan, maiisip mo na mas mapangarap lang ako siguro. Mas malakas ang loob at nagkataong sinwerte sa oportunidad na nagbukas. Pero huwag naman sanang sa hinanakit ng dahil sa paghihiwalay ng ating kapalaran- ay ituring akong mayabang, walang utang na loob at walang paglingap sa aking bansang sinilangan.

Kung kati lamang sana ng nunal sa talampakan ang dahilan…subalit hindi iyon. Laging higit pa roon ang dahilan. Saka mo hayaang ikwento ko sa’yo ang hindi mo nakikitang larawan na tanging ako at ng gaya ko lamang ang nag-iingat.

-Na sana’y sa bawat lugar na nilalapagan ng eroplano, daungan ng barko, istasyon ng tren, himpilan ng mga bus at taxi ay may pamilyar na mukhang sasalubong sa akin ng yakap at halik sa bawat pagbaba at kumakaway habang nagbibilin ng pag-iingat sa aking pag-alis.

-Na sana’y kasalo ko ang aking pamilya’t mga kaibigan at hindi ibang lahi sa mga paboritong kong pagkain habang nagku-kwentuhan ng mga nangyari at mga plano ng bawat isa sa hinaharap. Bonus na siguro na maiintindihan nila siyempre agad kapag sinabi kong ‘Paabot ng ketchup!’

-Na sana’y sila rin ang kasama kong naglilibot at nalilibang sa pagbabalik-tanaw sa kultura ng makasaysayang mga lugar, kasamang nagdarasal sa mga templo’t simbahan at marinig ang kanilang hiyawan at tawanan sa mga amusement park o kasabay na mamangha sa likhang-sining na itinatanghal sa mga museo.

-Na sana’y narito sila para hindi ako magkamali sa sukat ng sapatos na ipadadala ko kay bunso, sa kulay ng malong na request ni nanay, at sa modelo ng relos na nais ni sweetheart.

-Na sana’y hindi ko na ini-aagaw sa oras ng tulog ko ang paglalaba at pamamalantsa ng damit na susuotin ko pagpasok kinaumagahan. Na may makakapansin sana na tastas ang puwitan ng pantalon ko paglabas ng bahay at magpapa-alala sa akin na hindi pa ako nagkakapag-suklay.

Dahil kung kati lang ng nunal sa talampakan ang dahilan, pwede ko namang kamutin. Kung kalam lamang ng sarili kong tiyan, pwede kong tiisin. Pero kung kalam na ng tiyan ng mga taong pinaka-mahalaga sa akin ang dahilan, lalanguyin ko ang dagat kung kinakailangan. Tatawirin ko ang disyerto kung hinihingi ng pagkakataon at tutunawin ko ang niyebe mula sa sarili kong hininga maparam lamang ng kahit kaunting ginhawa ang naging pagtitiis nila sa hirap.

***********************************

Nakatayo ako ngayon sa harap ng limampu’t-anim na estudyante na sa kasalukuyan, ay wala pang kaakibat na kahit ano sa kanilang pangalan.

Wala pang Engr. Anne at Engr. Che, wala pang Atty. Rob o Atty.Tarbs . Wala pang Lio Loco, CPA o Nars Manang. Wala pang Ms. Keekaye; Editor o Ms. N, Photographer-Journalist.  Wala pa maski man lang Juan dela Cruz; Tax-payer.

Wala pa.

Dahil sa limampu’t-anim na estudyanteng nasa harapan ko ngayon, bahagi na ako ng kung anuman ang magiging sila sa hinaharap. Kasama na ako kung saan sila dadalhin ng kanilang paglalakbay. Sangkap ako sa bawat produktong lilikhain ng kanilang mga kamay. Tungtungan ako ng pundasyon ng bawat papel at karerang gagampanan nila sa lipunan. At higit sa lahat, kabahagi na ako ng suot nilang swelas ng sapatos, na sana, kahit man lang sana, ay maging proteksiyon ng kanilang mga nunal sa talampakan bilang manlalakbay sa landas ng daigdig at buhay.

Sa gayon, baka sa akin at sa apat na sulok ng silid na ito kung saan kami nagsisiksikan, ay isilang ang pangarap para sa bayang wala sanang nagugutom, nakakapag-aral sana ang lahat ng bata, may trabaho sana para sa lahat, at kumakalinga sa kapakanan ng bawat buhay na sa kanya ay isinisilang.

Kakamutin ko na lang muna ang kati ng nunal sa aking talampakan sa gaspang ng kapalaran rito sa atin at titiisin ang kalam ng sarili kong sikmura para sa pag-asa ng pagbabago.

Ngumiti ako sa kanila.

Saka ko isinulat ang aking pangalan sa pisara gamit ang kapirasong chalk.

‘Mr. Joseph Austria Quiambao’

‘Just call me Pong…’


 

Likhang-lahok bilang pag-suporta sa  PEBA.

Salamat kay Sir Pong sa pagpapaunlak sa akin na gamitin ang kanyang pangalan, karanasan at mga pangarap upang bigyang mukha ang persona ng mga  ‘Bagong Bayani‘ .

Ang sanaysay-kwentong ito ay buong karangalan kong iniaalay sa lahat ng Filipinong manggagawa sa loob ng bansa at sa lahat ng sulok ng mundo lalong lalo na sa mga OFW Blogger.

Salamat po at Mabuhay!