Monthly Archives: Hunyo 2010

kunyari…tula ang buhay

SA KARIMLAN…

ginising mo ako’t nagmulat ng mata
upang ang dilim ay aking makita
nang masanay ako,ang hugis ng karimlan
ay hugis na anyo na ayaw kong titigan

akong nanabik sa tunay na liwanag
ay kaluluwa ngayong sa gabi ay lagalag
ni hindi mamasdan landas na naglatag
tanging naririnig paa kong yumayabag

paroon at paritong walang tinutunton
bilangguan kong ito’y balon ng panahon
walang nagnanais silipin o tabunan
nabihag nga ako sa kailaliman

sa pagkamuhi ko sa aking sinapit
ay may aral akong natutunang higit
sa isang sulok ng mundo kung impit kang iiyak
ay aalingawngaw na parang halakhak!

PAGLAYA’T PAGBABALIK

napigtas na dahon ang aking buhay
sa nanunudyong hangin ay sasabay-sabay
kakatwang maligaya sa pagkakawalay
sa sanga ng puno na kakaway-kaway

ngayon ngang malayang padparin saan man
sa dalisdis ng burol maging sa kapatagan
narito ako,daigdig!-isang manlalakbay
buksan ang pintuan mo’t sa aki’y magpugay!

sariwa’t may hamog dala ng magdamag
sa halik ng amihan ay biglang napapitlag
lumipad akong muli’t saan man mapadpad
ay may tuklas na ligayang laging tumatambad!

sa init ng araw na lalong tumingkad
kulay kong luntian ay kusang nahubad
humihiyaw sa tuwang naligo sa talon
sumabay sa agos niya’t agos ng panahon

sa tulak ng alon ako ay umahon
aba’t ang balat ko’y kayumanggi na ngayon!
tuyo na’t marupok,kay daling sugatan
katumbas ng laya ko’y aking kasawian

sa hanging umi-ihip ay muling sumabay
doon sa lilim n’ya nais kong humimlay
humalik sa ugat niya’t sarili ay ialay
suwail na nagbalik,nagtalbos sa tangkay!

(dahil wala na akong maisip…)