Rebolusyon sa Tiananmen

Maraming puwedeng gawing sukatan sa pag-unlad ng kapaligiran at klase ng pamumuhay natin bilang tao. Unang una na marahil ay ang katiyakan na may sapat tayong pagkain, malinis na inumin at bahay na proteksiyon sa mga banta at panganib. Ito ang mga pangunahing pangangailangan na dapat at lagi sanang kasabay ng pag-unlad subalit hindi napangyayari.

Kung kaya’t marami pang iba: Taas ng mga gusali, lapad at yari ng kalsada, maging ang klase ng mga sasakyang dumadaan rito. Pagbubukas ng mga negosyo at pamilihan. Uri ng trabahong mayroon, klase ng sweldong pinatutupad para rito at kasiguraduhan ng panahong itatagal sa paglilingkod. Ekonomiya ito ng araw-araw na buhay sa aspetong hindi mauunawaan ng karamihan…at karaniwan.

Kagaya ni Henry.

Sa edad na 23, hinding-hindi niya mauunawaan ang kahulugan ng mga datos at puntos, ang pagtaas at pagbaba ng marka ng merkado, o ang direksiyon ng pandaigdigang kalakalan at kumpitensiya.

Ang kagaya niya at ng mga taga looban ng Quiroga ay may sariling panukat na hindi nakaayon sa mga datos, puntos at marka…kung hindi sa mismong damdamin ng bawat isa sa kanila:

Ang saya ng kanyang ina na si Aling Mercy at iba pang maybahay tuwing kinsenas at katapusan kapag nasayaran ng sweldo ng mga anak o asawa. Ang hindi matapos tapos na pagtutungayaw ni Aling Edita sa tindahan nito na laging patungkol sa hindi rin matapos tapos na nangungutang ng kung anumang paninda mula sa shampoo sa ulo hanggang cutics sa kuko ng daliri sa paa.

Wala naman talaga siyang paki-alam kay Aling Edita. Nagkakataon lang na sa pagpipilit niyang magbakasakaling maagang nagigising at nagbabantay ng tindahan ang anak nitong si Girlie, ay sinusubukan niyang sumingit sa mga nangungutang na parukyano upang bumili ng isang stick ng sigarilyo na hitit-buga niyang isasabay hanggang sa labasan.

Ah, si Girlie. Ang maiksi nitong uniporme. Ang makapal nitong make-up. Ang mapulang nitong labi. At ang pabango nitong kumakalabit sa buo niyang katauhan. Si Girlie ang laman ng isip niya madalas. Si Girlie na araw-araw niyang dinadaanan at araw-araw din siyang dinadaanan nito sa pinto ng kanilang pinagta trabahuhang gusali.

Tiananmen Square Mall. Sikat sa tawag na TSM. Hindi maunlad ang bayan o lalawigang wala nito. Pag-aari ng instik na kilalang mahusay sa negosyo. Tawid-kalsada lamang mula sa labasan ng masikip na looban ng Brgy. Quiroga. Dito siya naka destino bilang security guard, at dito rin pumapasok si Girlie.

Isang oras bago magbukas ang mall para sa mga parukyano, mga tambay na gusto lang magpalamig at magkakasintahan at estudyanteng ginagawa itong pasyalan ay naroon na siya agad sa pintuan. Sinasala ang hangos ng mga empleyadong maagang pumapasok at naghahanda sa pagbubukas. Kasama dito si Girlie. Ang ngiti nito ang hudyat ng isang masiglang araw na punong-puno ng pangarap para sa kanya.

Naiisip niyang handugan ang babae ng singsing na may malaking hiyas kagaya nung mga naka display sa eskaparate ng jewelry store sa kanyang likuran. Bagay din kay Girlie ang eleganteng mga damit na naka display sa salamin doon sa bukana ng Department Store kung saan madalas niyang sulyapan na puwesto ni Girlie. Naiisip din niya na ihandog kay Girlie ang laman ng Supermarket upang ipangdagdag sa tindahan ni Aling Edita ng sa gayon ay hindi na nito kailangang mag-trabaho sa Tiananmen. Ayun ang laman ng isip niya na pinutol ng pagtawag sa kanya ng kanyang OIC na nakasuot ng asul na barong.

‘SG Saluyot, sumunod ka sa opisina!’

Saluyot. Henry Saluyot. Yun ang buong pangalan niya. SG. Security Guard Saluyot. Noong nag-aaral siya, hiyang hiya siya sa apelyido niya. Pero kahit highschool graduate,pinalad siyang makapasok bilang sekyu sa agency na siyang namamahala sa kaayusan ng magbukas ang TSM sa kanilang lugar. Ang uniporme at ang dalang katapatan sa trabaho ang nagbigay sa kanya ng taas noong pagmamalaki sa apelyido niyang Saluyot.

Ang detachment nila ay matatagpuan sa loob din mismo ng nasabing mall. Inabutan niya ang dalawa pang kasamahan na pawang mga nakatira rin sa looban ng Quiroga. Si SG Bartoloy. Kuya Andoy ang tawag niya rito. Lampas kwarenta anyos na ito at siyang nag rekomenda sa kanya sa trabaho sa ahensiyang pinaglilingkuran nila. Ang isa ay si SG Balento. Bagamat hindi niya ito gaanong kakilala ay alam niyang mahigpit itong gumwardiya. Gumwardiya sa mga sales lady ng mall ang lagi nilang biruan ng mga kasamahan.

‘Maupo kayong tatlo…’

Si OIC Tarug. Taruc talaga ang apelyido nito subalit binansagan lamang nila ng Tarug dahil sa tindi ng tindig nito at nangingintab na ulo. Sipsip, sumbungero at tutang walang mata. Ito ang karakter ng mamang ito na nagbigay agad dito ng promosyon at karapatang maghari-harian sa kanilang hanay.

‘Walang madaling salita sa gusto kong iparating sa inyo so i’ll be direct to the point.’

Sa tagal nila sa trabaho, alam nila na bihirang makarinig ng magandang balita.

‘Magbabawas tayo ng security personel sa detachment natin dito sa TSM alinsunod sa plano ng management ng mall.’

‘Pero bakit naman kami, Chief?’  Halos sabay-sabay nilang tanong.

‘Hindi ko yan masasagot pero maari na kayong umuwi muna ngayon at mag report sa head office sa Makati bukas. Panigurado naman na malilipat din kayo ng assignment sa iba nating kliyente eh.’

*****

Apat na buwan na ang nakararaan. Maswerte na lamang at kahit paano’y nakapasok siya sa konstruksiyon ng ginagawang isa pang mall na halos katabi rin ng TSM. Ito naman ang Rollingstone’s Mall. Instik din ang may-ari. Ang kanyang kuya Andoy, si SG Bartoloy, hayun, madalas niyang makasalubong sa tindahan ni Aling Edita. Sinusubukang dugtungan ang mahaba na niyang listahan ng utang doon.

‘ Hindi mo makakain yung sasabihin sa’yo bago ka pautangin ng isang sardinas at limang pisong kape, pukin’inangyan!’

Madalas nitong daing saka hihiram sa kanya ng isang-daan o limampung piso. Depende sa petsa. Alam kasi nito na lingguhan ang kanyang sweldo.

‘Malas, ‘To. Malas…’

Toto ang tawag sa kanya ng kanyang Kuya Andoy. Tubong Bacolod na dumayo sa Maynila saka napadpad dito sa Quiroga. Mahabang kwento, lagi nitong banggit. Katulad ng kwento ng lahat ng mga taga looban, nilipat ng dating meyor para gawing botante sa eleksiyon. Hakot-boto ‘ika nga. Nag iskwat. Na census. Ayun. May rights kunwari sa tinatayuan ng bahay. Hanggang doon na lang.

Walang titulo.

Katulad niya at ng mga taga looban ng Quiroga.

Dumadami pero walang bilang kung hindi panahon ng eleksiyon.

Katulad na lamang nung i-anunsiyo ng kanilang alkalde na kailangang lisanin nila ang kanilang mga tirahan. Kailangan na raw ito ng talagang may-ari. Ang ama ng nasabing alkalde ang siyang lumikha ng looban kapalit nilang nagsipagtira doon bilang botante. Kapalit ng boto. Wala pang halaga noon ang lupa.

At ang nakamamangha pa nito, ang Instik din na may ari ng TSM ang siyang nagmamay-ari ng lupa. Nakamamangha subalit hindi na nila ikinagulat.

Ganun talaga ang may pera…swapang!

******

Dumating ang huling araw sa palugit na ibinigay ng pamahalaang panglalawigan. Handa rin ang mga taga looban ng Quiroga. Kahit paano’y may-organisasyong nabuo mula sa looban upang isulong ang interes ng mga taga-rito. Nanguna si Ka Andoy at Aling Mercy na humarap sa mga bayarang magde-demolish at tauhan ng munisipyo mula sa pulis at pribadong guwardiya ng may-ari ng TSM.

TSM Annex. Pero kailangan muna nilang supilin ang galit ng mga taga looban.

Nagkaroon ng karahasan, may mga nasaktan, may mga umaawat, may mga umiiyak. Salamat at walang nasawi saka muling nagkaroon ng usapan. Mga palugit, mga pagbabanta. Mga pagtutol at mga pagsusulong ng karapatan. Maliban sa ilang barong barong na kung paanong mabilis na nasira ay mabilis din namang naayos, ay wala nang sumunod na nangyari.

Hanggang mahigit isang linggo ang nakalipas ng gisingin ang buong looban ng isang malaking sunog. Kanya kanyang takas ng mga sarili ang lahat. Saka kung tiyak na ligtas na’y muling isusubo ang sarili sa panganib para iligtas ang ilang mahahalagang bagay, alagang hayup o sumugod sa apoy dala ang timba ng tubig.

‘Henry, nasa loob pa ang mag-ina ko, Henry!’ Bulalas ni Ka Andoy na gimbal na gimbal sa bilis ng paglamon ng apoy sa halos magkakatabing mga bahay sa looban.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Henry. Ligtas na ang kanyang ina na si Aling Mercy at wala na siyang ibang iintindihin pa kung hindi ang mga kapit-bahay na humihingi ng saklolo.

Nakuha niya mula sa nangangalit na apoy ang batang si Toktok. Ang may sakit na celebral palsy na anak ng kuya Andoy niya kung kaya’t hindi nito nagawang iligtas ang sarili kahit pa nga labing pitong taong gulang na ito. Subalit nasawi ang asawa ni Ka Andoy.

Naghuhumiyaw ang buong looban.

Matagal bago naka responde ang bumbero. Wala daw lamang tubig ang trak. Masikip daw ang looban. Nagsikip ang dibdib ni Ka Andoy at nawalan ito ng malay.

Ang sumunod na umaga ay larawan ng lungkot at himagsik sa puso ng mga taga looban ng Quiroga. Maraming bahay ang natupok. Isang buhay ang nasawi. Naulila ang isang batang kailangan ng ina na mag-aalaga. Nagluksa ang looban.

Nagluksa at nagpatuloy…

*****

Isang buwan na halos ng maganap ang sunog. Isang buwan na rin na hindi na niya nakikita si Girlie. Lumipat na ito sa malapit na subdivision kasama ang inang si Aling Edita at mga kapatid buhat ng magkaroon ng sunog sa looban. Nangungupahan daw. Ni hindi man lamang siya napalapit sa dalaga. Yun ang kanyang panghihinayang.

Magkagayun man, napalapit naman siya kay Tok-tok. Hirap man itong magsalita at kumilos, madalas nitong pilit na itinataas ang isang kamay saka pabalu-baluktot na sinasabing ‘S-su-super-hi-hi-rooo!’

May mga pagkakataong dinadalaw niya ang bata at ang kanyang kuya Andoy upang dalhan ng pagkain o abutan ng munting halaga. Lalong naging malulungkutin ito sa pagkamatay ng kabiyak at kawalan ng matatakbuhan kahit papaano sa pangangailangang pang-araw araw. Hindi kagaya noong bukas ang tindahan ni Aling Edita.

Yun naman ang maipagmamalaki niya sa looban. Kahit salat ang karamihan at may ugaling hindi kagandahan, hindi pa rin makatiis na tumalikod sa pakikipag-kapwa. Lalong-lalo na doon sa nagigipit.

‘Sinadya, ‘To. Sinadya…’ Malungkot nitong daing sa kanya habang yumuyugyog ang bagsak na balikat. Ang sunog ang siyang tinutukoy nito.

‘To, baka maaring makahiram muna kahit isang daan. Panay ang daing ni Toktok doon sa lumala niyang paso sa likod. Naimpeksiyon yata yung sugat kaya’t mataas na ang lagnat.’

‘Naku, kuya Andy. Babale muna ako sa construction kung papayag. Maigi ho kaya kung isugod niyo na sa ospital si Tok ng maasikaso.’

‘Alam mo namang hindi ganun ang ospital lalo’t alam nilang wala akong idedeposito. Hihiram muna ako sa iba pero baka may magagawa ka rin…pasensiya ka na. Nahihiya na ako sayo ‘To pero wala na akong malapitan…’

‘Lalakad na ako’t babalik ako kaagad, Kuya. Kailangang madala si Tok sa ospital!’

*****

Malayo pa lang ay tanaw na niya ang ambulansiya at sasakyan ng pulis na nakahambalang sa bukana ng looban ng Quiroga. Sinalubong siya ng mga tambay na nakakilala sa kanya sa kalayuan.

‘Kuya Henry, Si Mang Andy, patay! Pinagbabaril ng mga pulis nung hinostage yung babae sa Drugstore sa labasan! Nadamay pa nga yung isang sales lady, patay din! Overkill, kuya. Ang dami nang nakiki-usap pero pinaputukan pa rin!’

Hinawi niya ang pulutong ng mga usyuserong naroroon. Saka niya napagmasdan ang walang buhay na katawan ng kanyang Kuya Andy na tadtad ng bala. Hawak ang isang banig ng tabletang paracetamol at laruang paltik na nakilala niyang kay Toktok.

Hindi na siya lumapit pa dito bagkus ay binagtas niya ang looban upang sunduin ang batang si Toktok at dalhin sa ospital.

‘S-su-super-hi-hi-rooo!’

‘Malas lang, ‘Tok…malas lang’…’ Bulong niya rito saka niyakap at binuhat mula sa sahig.

*****

‘Sigurado ka, ganun lang ka simple yun?’

‘Oo naman! Ang tagal kong nag trabaho dun. Bawal ang baril sa amin. Yung mga nasa bangko at armoured car lang ang allowed pero may rules of engagement yun! Hindi kasali yung sinasabi ko sa inyo.’

‘Pwede ba talaga yun?’

‘Mass Hysteria…yun daw ang tawag dun sabi ng ate Girlie niyo. Yung mapapasabay ka kasi maraming gumagawa…ganun.’

‘Sige, Sasabihan ko din yung taga Tuktukan at yung mga barkada ko sa Sinag-tala na ipagkalat din sa iba. Kailangan na andun sila sa Linggo ng anu nga yung oras?’

‘Alas tres’

‘Sabay-sabay tayong hihiyaw ng Tok-tok saka natin babasagin lahat ng salamin at babawiin ang ninakaw sa atin!’

‘Paano yung mga pulis?’

‘Yung dito sa atin? Eh putang ina! Mga magnanakaw din iyon eh!’

‘OK…Naka synchronize na mga cellphone namin!’

‘Sige, ihahatid ko lang si Tok-tok sa ate Girlie niyo dun sa kabilang subdivision. Kayo na ang bahalang magpasara ng nitso ni Mang Andy.’

S-su-super-hi-hi-rooo!’

‘Malas lang nila, ‘Tok…Malas lang nila…’

10 responses to “Rebolusyon sa Tiananmen

  1. ang haba nito! haha
    nice post!

  2. Nagbalik ka na rin sa wakas Ser! wew… in fairness haba-haba niya… TNT… pero wala pa ring kupas… ang taba pa rin ng utak!!!!!!! TNT… may kasunod na ba ako babasahin..😀

    • Baby walk ulit, binibini. Hindi ko pa rin kasi alam kung paano ko gagatungan yung paminsan minsang pagsisiklab ng sipag kong magbigay buhay ng kwento para magtuloy-tuloy ulit. Masarap din yung pakiramdam ng nakakapag-ambag kahit paano. Nakaka-miss. Salamat sa pagsubaybay!

  3. Ito ang sinasabi kong nami-miss ko haha! Yung obrang hinuhugot sa hibla ng pagkatao haha. Pero, sa hinaba-baha nito ay may isa akong reklamo sa pulisya: walang doodle! Oo, isang malaking reklamo sa akin yan. Para ano pa’t Oh, My Doodles ang tagline mo kung walang doodle? di vah? hahaha!

    Ako sinumulan ko na. Heto at ikaw naman ang nagbabalik. Sino pa? Magsibalik kayoooooooo!🙂

    P.S.
    Naalala ko na naman yung post mong may doodle na nagje-jebs hahahaha!

    • utang na lang din muna yung doodles/gif animation. dati talaga, dalawang separate work yung doodles at kwento at ang hirap. dati yun, nung masipag pa ako. ngayon kasi, medyo masipag na lang ako. basta, pag meron na lang. importante, kahit paano, nababasa pa rin ako.😀

  4. Wow! Di pa nakakaporma kay girlie natanggal na sa trabaho malas naman!

    Walang doodles na duguan na nakahandusay? Naghanap pa ng doodles hahaha

    Nice one duks!

  5. Paker ka, spammer ^

    Ansaket sa loob, Sir. Ansaket sa puso.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s