Daily Archives: Marso 6, 2011

Mga Kabanata sa Libingan

Naka-belong itim ang nagluluksang gabi. Pipi ang pagala-galang malamig na hangin. Manipis ang talukbong ng hamog na hindi sapat upang ikubli ang kabuuan ng sementeryong libingan ng hinagpis ng mga mahal sa buhay na maagang inulila ng ala-ala nang mga naiwang buhay.

Umingit ang trangkahang bakal ng nakasaradong pintuan sa entrada ng libingan. Ingit na parang palahaw ng isang inang iniluluha ang kasawian ng anak. Saka niya nakita ang aninong may hila-hilang kabaong. Ang nakababahalang kalampag ng kabaong sa mabatong daan ay sumasabay sa kabog ng dibdib niya habang minamalas ang di-tipikal na paghahatid sa huling hantungan na kasalukuyang ginagawa ng may-ari ng anino.

Gumuhit ang kidlat na pumunit sa kurtina ng karimlan. Muli nitong pinatay ang dati nang patay na puno ng kakwate. Lumipad papalayo ang kuwagong nakadapo rito na isa pa sanang saksi sa misteryong nagaganap sa libingan. Dagling nawala ang liwanag subalit isinilang nito ang isang santelmo. Ang dila ng apoy na tila may buhay na lumapit sa kabaong na tipong winawari sa pusikit nitong liwanag ang sawim-palad na katawang lulan ng kabaong. Saka nito inikut-ikutan ang may-ari ng anino.

Si Simoun. Ang alaherong si Simoun!

Nabitawan niya ang hawak na bote ng alak sa pagkabigla. Naging sanhi ito upang magtama ang kanilang tingin ni Simoun. Binunot nito ang isang rebolber saka marahas na tinungo ang kanyang kinaroroonan. Ini-umang nito ang baril sa kanyang noo at narinig niya lagitik ng pag-kasa. Na-umid siya sa takot. Saka muling pinunit ng kidlat ang kurtina ng dilim kasabay ng kislap ng pulbura mula sa rebolber. Kasunod nito ang dagundong ng kulog na lumamon sa alingaw-ngaw na likha ng putok ng baril.

Sapat na ang mga hiram na liwanag na iyon para makilala siya ni Simoun.

‘Elias?’ Binitiwan nito ang baril saka dagling dinamayan ang agaw-buhay na si Elias.

‘C-Cr-Crisostomo…I-Ikaw…Ikaw nga!’

‘Inakala kong nasawi ka sa engkwentro doon sa Ilog, Elias!’

‘Hindi subalit pinilit kong …pinilit kong limutin ang lahat ng sakit…at…at mabuhay mag-isa…sa…lugar na walang makaka-alala ni maka-kikilala sa…sa akin…’

‘A-Ang tadhana…pinaglalaruan..n-ni..ya ang ma-mga…sawim-palad na…na Anak ng Buhay…’

Nalagutan ng hininga si Elias sa bisig ni Simoun. Namaybay sa pisngi nito ang piraso ng mga luha. Agad niya itong sinahod sa gintong kutsara na naging makikinang na brilyante pagdaka. Isinilid niya ito sa supot na itim kasama ng mga brilyanteng iniluha niya sa kamatayan ni Maria Clara, ang di-makatwirang wakas ng kanyang Ama, ang kasawian ng kanyang mga pangarap at kalapastanganang sinasapit ng kanyang Bayan.

Nang gabing iyon, tatlong hukay ang ginawa ni Simoun. Tatlong libingan na walang pananda. Pinababanal ng mga kaluluwang walang pangalan ang rebolusyon. Tanging kalayaan lamang ang makaki-kilala sa mga walang markang libingan na naging martir sa kanyang pangalan. Muling tinamaan ng kidlat ang puno ng kakwate at pumailanlang sa dilim ang dalawa pang santelmo na lumibot sa mga libingan saka tuluyang naglaho.

Nang gabing iyon, sapat na ang kayamanan ni Simoun para subuan ng gatong ang ningas ng rebolusyon. Hindi na niya kailangan ang mahiwagang gintong kutsara. Naglalaro na sa isip niya kung sino ang higit na may kakayahang mag may-ari nito.

Umaga. Naka-ngiting sinalubong ni Pilosopo Tasyo ang halik ng araw sa kanyang kulubot na balat nang nilagyan niya ng tukod ang pasimano ng bintanang kanyang binuksan. Nahagip ng kanyang nanlalabong paningin ang makislap na bagay sa tapat ng kanyang bakuran. Iyon ay hindi iba kundi ang mismong mahiwagang gintong kutsara ni Simoun.

Nanginginig ang kamay ng matanda nang damputin ang kutsara.

‘G-Ginto?!’

‘Kay bait talaga ng langit sa dukhang kagaya ko…’ Nalaglag ang butil ng luha ng kaligayahan mula sa mata ng matanda. Tumama ito sa kutsara at kumalansing kasabay ng pagiging brilyante nito.

Dinampot ng matanda ang brilyante ng may pagkamangha. Sinuri niya ang brilyante saka marahang isinilid sa kaliwang bulsa at sa kanan naman ang gintong kutsara.

‘Oras na para alamin kung magkano ang tumpok ng sibuyas…’ Sa isip-isip ng baliw at ng pilosopo. Saka nito sinulyapang muli ang dakong sinisikatan ng araw.