Tag Archives: melted butter

chasing a butterfly…

Minsan ang katawa’y kinulong ng ulan
Habang nagsusulat sa piitang diwa.
Kapag pala ala-ala ang dumadalaw
May ngiting gumuguhit sa pisngi ng lungkot.
At saka iaabot sa’yo ang kanyang pasalubong:
masayang sandaling kinulong sa papel.
Larawan ninyo iyon noong kayo’y malaya pa
at malayo sa hinagap ang tunay na buhay.

Natatandaan mo pa ba ang kuhang iyan?
Sa Botanical Garden,Summer Camp natin.
Takot na takot ka no’n sa mga uod sa dahon
malamang sa malamang na hindi na ngayon.
Walang sawang binibilang mo ang mga paru-paro
na tila ba mga anghel na sila’y ka-laro mo.
Isa.dalawa..tatlo…?Labing-anim na taon na pala halos
nang mula rito’t sa ulap ikaw ay naglagos.
Ang sabi- nagbabalik ka lang sa unang araw ng Nobyembre
subalit kasama kita lagi sa aking pag-iisa.
Iyon ang kinukulit nang iba sa akin kadalasan,
sino raw ba ang nginingitian ko mula sa kawalan?
Ayaw mo ng anumang tula at himig ko ng pagsasalita.
Sabi mo,mas payapa ka sa katahimikan ko.
Hindi ko lang masabi na kailangan kong ikubli
ang kalampag sa dibdib ko’t hiyaw ng puso ko.
Sabi nila,lahat ay may takda at tamang panahon
kahit pa nga pag-alis mo’y ‘di napa-panahon.
Siguro,paliwanag lang iyon sa madaling pagtanggap
upang bigyang katwiran kaming naghahanap.

Ako?Kadalasan,bilanggo ng ulan at tuwinang pag-asam.
Nagbibilang ng paru-parong dumadapo’t lumalayo.
Uod na gumagapang sa pagitan ng simula at wakas
habang lumilipas ang maraming tagsibol at tag-lagas.

Sana,sa susunod na dumalaw ka,palayain mo ako.