Patak

Nilapitan niya ang Ford Everest. Inabangan niyang bumaba ang tinted na salamin ng bintana subalit bahagya lang ang iniwang bukas ng lalaking nagmamaneho nito na may kausap sa cellphone.

“Magandang umaga po…ah, Sir bawal po kasi ang cellphone…” Buong galang niyang bati sabay turo niya sa nakapaskil na babala sa gilid ng makinang nagka-karga ng gasolina.

Hindi siya pinansin ng lalaki sabay abot nito ng susi at kumpas sa kanyang kargahan ang sasakyan.

“Anu pong karga?” Tanong niya habang pilit inilalapit ang ulo sa gawi ng babahagyang nakabukas na salamin ng bintana. Ayaw niyang magkamali sa pandinig kaya niya ito ginawa.

“Premium, full tank” Asik ng driver sabay pagbabalik ng bibig nito sa cellphone.

Nakatutok ang mata niya sa nguso ng tangke ng sasakyan at sinisipat ang pagtaas ng kargang gasolina mula rito. Mahirap nang maapawan.

“Sakto mo na lang na One-Five!” Putol ng driver. Mabilis, lumagitik ang bitaw niya sa pagpiga ng handle. Tinuon niya ang paningin sa metro.

“Sir, Lumampas na po ng tatlong piso eh…sabi n’yo po kasi…”

“Anak naman ng…wala na nga akong barya! Tsk!” Sabay abot nito ng tatlong limang dadaaning papel. Kumapa sa bulsa sabay balik ulit sa kanya ng tingin.

“Wala talaga,eh! Sinabi ko naman sa’yong eksakto mo na lang ng One-Five.”

“Ang sabi n’yo po kasi nung una eh full tank…” Mahinahon niyang pangangatwiran.

“Mag-adapt ka. Kung gusto mong umasenso, mag-adapt ka! Nasaan na ba yung manager nyo? May diin at angas nitong tanong.

“Eh,wala pa po eh…”

“Anak naman ng…nagmamadali ako eh!” Sabay abot nito sa kanya ng bayad.

Napilitan siyang abutin muna ang inabot na pera subalit hinintay pa rin niyang dagdagan ito ng driver. Tumaas ang tinted na salamin sabay humarurot.

Napailing na lamang siya.

*******

“Papa, mamaya bili mo po ako ng krayola ha? Pudpod na po kasi yung ginagamit ko sa school eh.” Paglalambing sa kanya ng anak na nag-aaral sa kinder. Humalik ito sa kanyang pisngi at marahan niyang ibinaba sa pagkaka-karga. Bumalik ito sa maliit na mesa at ipinag patuloy ang pag-guhit.

“Inay, tuloy na po ako. May iniwan po akong beinte pesos para sa baon ni Budoy sa mesa.”

“Oh, kaaga pa ah? May natirang pagkain sa mesa…bakit hindi ka muna mag-almusal?” Tugon ng ina sa kanya.

“Hindi na po siguro. Busog pa naman ako saka binaon ko na rin yung dalawang piraso nung isda para mamaya sa tanghalian.Mahirap na ho ang mahuli sa trabaho lalo’t babago-bago pa lang ako dun.” Buong sigla niyang paliwanag.

Marahan niyang isinara ang pinto ng bahay na inuupahan saka binaybay ang eskinitang nagsisimula na muling yakapin ng sinag ng araw. Ilang linggo na rin niyang nilalakad ang halos limang bloke ng pasikot sikot na eskinita papunta sa gasolinahan sa highway na kanyang pinapasukan.

Ang daming naglalaro sa isip niya. Katulad ng ina ni Budoy na si Elsi. Yung mura nila noong pag-ibig. Yung matatayog nilang pangarap para sa isa’t-isa. Yung marurupok na pangako nung lumayo ang lahat ng pangarap na iyon. Kumbakit nga kasi parehas silang naging mapusok. Napa-iling siya lalo pa’t nabuhay na naman ang isyu ng RH Bill. Asan na kaya si Elsi. Parang elisi iyon na nagpapaikot-ikot sa isip niya. Nasaan na kaya si Elsi?

Naputol ang pag-iisip niya ng makita ang malaking billboard ng isang sikat na artista. Nakatakip ang kamay sa dibdib. Patalastas yun ng sikat na tatak ng pantalon. Siguro, pantalon lang ang gusto nilang ibenta kaya, ayun hinubaran na si babae ng pang itaas, sa isip-isip niya. Saka niya naalala yung malalaswang pelikula noon. Na halos mayroon ding ganoong kalalaking karatula sa pwesto ngayon ng billboard.Isang sipat pa ulit saka dagling tawid sa highway papunta sa katapat na gasolinahan.

Nadatnan niyang nagbabasa ng tabloid ang panggabing ka-relyebo. Naka buyangyang ang centerfold. Starlet na may bituin lang na takip ang maseselang bahagi ng katawan. Dagli nitong itinupi ang diyaryo sabay silid sa bulsa.

Maraming may kasalanan sa nangyari sa kanila ni Elsi. Damay pati media.

*******

“Boss, eh pauwi na po ako. ” Paalam niya sa manager ng gasolinahan.

“O, sige Jake. Heto ang pay envelope mo tas pumirma ka rito.” Magkasabay na abot at turo sa kanya ng maliit na sobre at pipirmahang papel.

Dagli niyang pinirmahan ang papel saka marahang lumakad habang binubuksan ang sobre upang bilangin ang laman. One thousand eight hundred forty. Ang inaasahan niya ay humigit kumulang sa Two-Five para sa mga araw na pinag trabaho. Napahinto siya at humarap ulit sa manager.

“Boss, parang kulang ho yata?”

“Patingin nga ako” Panalubong sila ng manager sabay dungaw sa papel na kalakip ng kabuuan ng sweldo niya sa sobre.

“Ah, hinde…ibinabawas sa atin yung short sa imbentaryo, Jake. Naipaliwanag naman sa’yo yan di ba? Katulad nung nangyari kanina, sabi nung cashier. Hindi dapat ganun. Piso, beinte singko, pati ako damay diyan!”

Napailing na lamang siya at ngumiti ng pilit saka nagpasalamat.

Pwede na. Magkano na kaya ang krayola, sa isip-isip niya?”

*******

Matapos magmano ng anak na si Budoy sa kanya at pagmamano niya sa ina, agad siyang nagbihis ng pantalon upang ayain ang anak na sa labasan upang bumili ng krayola. Masigla niyang inakay ang bata saka nag-paalam sa inang abala sa pagliligpit ng sinampay dahil sa biglang pagkulimlim.

“Inay, ibibili ko lang po si Budoy ng krayola sa labasan at saka miryenda para sa ating tatlo.” Paalam niya sa ina.

” Aba, eh magdala kayo ng payong at mukhang uulan.”

“Meron na po lola!” Maliksing tugon ng kanyang anak.

“O sige, at sumilong kayo kung lumakas! Nakuuu…pagka kayo nagkasakit…”

Nagsimulang pumatak ang marahang ambon habang nagsukob silang mag-ama sa payong. Manipis subalit lumaban ang sinag ng araw na naglalagos sa makapal na ulap. Parehas silang tumingala habang tila may hinahanap sa nag-aagaw agaw na kulay ng langit mula sa asul, kulimlim at kinang ng lumulusot na sinag ng araw.

“Papa, ‘di ba pag ganito, saka lumalabas yung rainbow? ” Mausisang tanong ng anak. Kitang kita niya ang ningning sa mata ng anak na pinasidhi ng repleksiyon ng liwanag ng araw mula sa salamin ng sasakyang nagdaraan.

“Minsan wala, minsan meron.’Di ko din alam anak,e. Baka ganun si Jesus sa ating lahat. Parang yung sa krayola mo ‘di ba? Ang hirap nang ipangkulay kapag napupudpod. Pero dahil love kita, kahit hindi lagi kapag gusto mo, pero kapag kaya ko naman ginagawan ko ng paraan.” Nakangiti niyang paliwanag sa anak.Ngumiti rin ito na parang naunawaan naman ang kanyang sinabi.

“Ayun tignan mo oh! May rainbow!” Itinuro niya ang magkakahalong kulay na nabuo sa basang kalsada. Sa pagkaka-alam niya, buhat iyon sa pumatak na gasolina mula sa nagdaraang sasakyan.

“Ay,oo nga! Bakit may rainbow dun, Papa?” Tanong ulit ng kanyang si Budoy.

“Hindi ko alam eh…” Yun ang isinagot niya dahil sa hindi siya sigurado sa teorya niya at isa pa, hindi rin niya alam kung paano sususugan ang paliwanag niya kung sakaling humirit ng isa pang bakit ang anak.

“Ang dami mo namang hindi alam,Papa!”

“Kaya nga anak dapat mag-aral ka para ikaw ang magpapaliwanag sa akin ng mga hindi natutunan ni Papa…” Sabay malambing niyang giik sa buhok ng anak.

“Tara na tawid tayo, Alisto ka ha?” Akay niya ang anak na hindi pa rin iniaalis ang pagkakatitig sa nakasabog na kulay sa basang kalsada.

******

“Hahaha! Oo, pare! Yun pa rin. Yung kahawig ni Marian Rivera dun sa club. Naku…maniwala ka…the best!” Masiglang masigla ang nagmamaneho ng bagong bagong Ford Everest habang patuloy na nakikipag-usap sa cellphone. Kasalukuyan niyang binabagtas ang kalsada patungo sa gasolinahan na kanyang pinakargahan kaninang umaga.

“Ah, Oo, umuwi ako ng maaga para makarami ako bago pa siyempre siya pagpasasaan sa Club…”

“Teka, kumpadre…nakita mo na ba ‘tong billboard sa kanto ng….”

KA-BLAG!

“AY! NASAGASAAN YUNG MAMA!!!”

“Ay, Diyos ko po…buti na lang naitulak pa palayo yung bata!”

“Tumawag kayo ng pulis..ambulansiya bilis”

“Hindi na yata humihinga, eh!”

“Teka pare…Putang Ina! Meron na namang tanga tangang nandamay pa! Leche naman talaga oh!”

Nanginginig ang batang si Budoy habang hinahaplos sa isang tabi ang sugatang tuhod buhat ng pagkakasubsob mula sa pagkakatulak ng ama. May yumuyugyog sa kanyang balikat subalit nakatuon ang titig niya sa sari-saring kulay na naroon sa kalsada na unti-unting ginagapangan ng sariwang dugo.Saka unti-unting nagdidilim ang lahat sa kanya…

“Papa…”

“Papa…”

*******

Maikling kwento bilang lahok sa patimpalak ni Sir Gas Dude na nagdiriwang ng ika-apat na taong selebrasyon ng kanyang Gasolinahan sa internet.

At dahil luma na ang kasabihang better late than never, eto ang bago. Kahit bopol, pwedeng humabol! Happy New Year sa lahat!

wall street journal

Umuwi ako na kipkip ka sa gunita
lulan ng sinaid na bote ng Smirnoff
habang naglalayag sa ulap at sa usok
na hinitit na isang kaha ng Davidoff.
Gusto kong pagsilabin hanggang maging titis
ang puso kong nag-apoy sa init mo’t vodka
at tangayin ang abo ng hanging palayo
sa akit-halimuyak ng iyong Samsara.

Halos mabaliw ako na paglabanan
ang paisa-isang naghuhubad mong Kisses
nang bumigay ka sa tudyo ko’t pagbibiro
mananatili kang Choko-nut, hindi Hershey’s.
Humanga ako sa walang tigil mong kwento
sa napakarami mong mga connecting flights
upang maabot ang lahat ng pangarap mo
na tila ba’t ang tatak-blue seal at stateside.

Sa tulang ito kita babalik-balikan
pag tinawag kang muli ni Lady Liberty
magkaligaw-ligaw man sa pananaginip
sa hindi natutulog mo na New York City.
Ah, wala akong lakas ng loob at tapang
kilalanin si Dow Jones, maging si Uncle Sam
kung kaya’t aabangan ko na lamang lagi
ang paghahatid pabalik sa’yo ng Pan-Am.

Beautiful Revolution

Sa kasaysayan ng evolutionary breakthrough ng human species, tingin ko, wala nang hihigit pa sa ‘Sining’. Mula sa kategorya ng musika, panulat, visual, pelikula, at marami pang iba na pumapasok sa lahat ng napagkakasunduang uri nito.

Daang libong taon na ng tumigil ang ebolusyon ng tao, hindi na tayo nagkaroon ng extrang mga kamay, mata sa batok, hasang sa likod ng tenga at pakpak sa balikat. Marahil, tumigil na ang ebolusyon ng tao sa pisikal na aspeto. Sapat nang alam natin sa tingin pa lang kung ano ang ligtas at delikado, ang amoy na dapat iwasan, ang tunog na may banta ng panganib, ang lasa ng makasa-sama sa katawan o ang pakiramdam ng hindi ligtas at maaaring makapag pahamak. Ang lahat ng ito ay ‘pattern’ na naka-rehistro sa utak na ipina-pasa ng magulang sa anak, at iyon marahil ang batayan sa pagpapatuloy ng sangkatauhan.

‘ Hi, ako nga pala si Leonardo Da Vinci at may apat akong kamay!’

‘ Meet Shakesphere, dalawa ang etits niya! ‘

‘ This is Bethoven and his skin pores can hear you loud and clear!’

‘ I’m Einstein and i have an extra brain in my pwet!’

‘ Peter Parker pick a pack of pickled pepper, a pack of pickled pepper Peter Parker pick, If Peter Parker pik-a-pak-op pickled fefe, why the fuckin’ pickled fefe get involve in this?’ -Eminem

***

Limang henyo sa kani-kanilang larangan. (Hindi ko na sinama yung taong kayang mag panggap na sinasapian siya ni Santo Niño, mag boses bata at kumumbinsi ng sangkaterbang believer.) Tabas sa iisang pattern ng Human DNA, at malamang, katulad din natin sila na hindi alam na ang DNA ay short for DontknowNothingAbouthatshit. Dahil kung alam mo ng hindi iginu- google ang acronym ng DNA, tangina, anung ginagawa mo sa blog ko?

***

If i could turn back time, babalik ako sa classroom ko nung Grade 6. Dun sa upuan kong uuga-uga sa sulok habang excited ako sa plano kong gulatin ang lahat ng kaklase ko sa pangarap ko sa buhay.

‘ So Duking, what do you want to be someday?’

‘ Ay wannabi an Astronaut!’

‘ Be-jezussss H. Christ! We don’t even have a space program!’

‘ Wi don hab bikos nobadi wans mi tu bi an Astronaut! Wer so apreyd tu drims!’

Ooops! Napasobra sa rewind! Dun lang sa 4th year Highschool pero dun pa rin sa upuan kong uuga-uga.

‘ So Duking, what career would you like to pursue after your graduation? ‘

‘I am planning to attend an Art School, probably take something about literature, do paintings, and sculpting and all that artsy partsy stuff, teach, like you do in my free time and be rich and famous.! ‘

Hindi yan ang buong sinabi ko.

‘Arts’

Yan lang. Hirap kayang mag-ingles.

For the first time, nakita ko ang Adviser ko na ngumiti…at eventually tumawa.

‘ Well, Congratulations…(You’re Fuck! Bwahahaha!!!) ‘

Nung uwian, pinaiwan niya ako. Tinanong niya kung yun ba talaga ang gusto ko. Sabi ko Oo. With conviction.

Nung sinurender ko sa kanya yung clearance ko bago mismo yung araw ng graduation,binigyan niya ako ng kapirasong papel. May pangalan nung Dean sa U.P. na kaklase raw niya yun ng high school. Hanapin ko raw at sabihin kong ako yung Ewoks na gustong maging Jedi. Nagkausap na raw sila. May kalakip na 300 pesos para pamasahe at pang gastos habang nag- aapply ako para sa scholarship. Mariin kong tinanggihan yung 300 kahit alam kong wala pa akong kasiguraduhan sa school na papasukan. Buti na lang, may liwanang ang buhay. Natanggap ako sa Meralco as scholar. At ang mabagsik pa, akalain mong may Arts Club pala dun? Cool.

Sumali ako sa Arts Club. Wala kaming ginawa kundi mag decorate ng stage tuwing may program. Kulangot.

Ngayon tuloy, kapag may nagtatanong sa akin kung anung course ko at sinabi kong Instrumentation and Process Control, kasing tunog ito ng ‘Astronaut’ kung kaya’t ang follow up question nila lagi, ‘Sa tingin mo Duks, virgin pa si Minnie Mouse?’

***

Regrets. I made a few. But then again, just to few to mention. I did what i had to do and saw it through without exemption. I planned each charted course, each careful step along the by-way and more, much more than this…

I did it myyyyy…

BANG!

Patay na si Frank Sinatra at marami na rin ang nagbuwis ng buhay para isabuhay ang kanyang pamosong awitin. Ganun ang dedikasyon ng tao sa ‘singing’ este ‘Sining’.

‘…ang mamatay ng dahil sa’yoooOOOOO!’

***

Ayokong maging emo sa tema ng sining. Mas lalong ayokong magsukat ng lalim para sa pakuhulugan nito. Ang totoo, naalala ko lang talaga yung teacher ko. All Souls Day kasi eh. Kung may isang tao na naniwala noon na maari akong maging taga-sunod sa yapak ng Sining, siya yun. Kahit nung isang araw lang na yun.

Pero Teacher, kung nasaan ka man, maraming salamat. Hindi man ako nakagawa ng libro, may 95 subscriber naman ako sa blog. Wala man sa museum ang mga drawing ko, nandoon naman sila sa Hall of Justice ng Panyero.net. Wala man akong diplomang maipagmamalaking tungkol sa Arts, hindi ko naman isinuko ang pangarap ko.

At ngayon, mas lalo ko siyang naintindihan.

Naroon ang himig niya sa mga sipol ng masayang Manong habang gumagawa ng sirang sapatos at payong. Ipinipinta siya sa ngiti noong bulag na pulubing narinig na naman ang kalansing ng barya sa ilalim ng kanyang bakanteng latang palimusan. Nakasabit siya sa iba’t ibang kulay ng bulaklak ng orchids na alaga ni Nanay. Nasa musika siya ng inang ipinaghehele ang sanggol na isinasayaw-sayaw sa hating-gabi. Nakalilok siya sa butuhang bisig ng Amang maghapong nagpukpok at naglagari sa construction. Iginuguhit siya sa mga pilapil na binabaybay ng grupo ng mga batang nakayapak papuntang paaralan.

Buhay ang Oblasyon. Tumatangis ang Spolarium. Nagdadalamhati ang Pieta. Humihingang bantayog ang lahat. At hindi sila maaaring ikulong lang sa kwadro, sa sulok ng museo, sa pedestal ng mga liwasan o kahit sa mga loob ng simbahan. Umaawit, tumutula at sumasayaw sila sa tanghalan ng buhay na nagpapatuloy sa bawat angat at bagsak ng telon ng araw at gabi.

At higit pa sa pagkaunawa, alam ko na kung paano siya gamitin…paminsan-minsan.

***

‘Ah…Instrumentation and Process Control sa pagawaan ng junk foods… Teka Duks, maiba ako…tingin mo ba virgin pa si Minnie Mouse?’

‘OK lang ba kung sa mas tahimik na lugar ko siya iku-kwento?’

‘Next time na lang Duks, Nakalimutan ko nga palang huling gabi na ng lamay ng Lola ko ngayon. Mangingitlog na yung alaga kong goldfish. Gusto kong masaksihan magdamag kung paano mag-evolve yung monggo hanggang maging togue. Ang boring ng buhay mo. Huwag mo na ko idamay. Bye.’

***

‘Talaga, nagsusulat ka pa rin? Katulad pa rin nung mga dati? Asan? Tingin nga!’

‘Ah, eh…sa internet lang…’

‘ Dali, kwento mo sa akin habang daan…andun yung laptop ko sa bahay. Tamang tama wala akong kasama ngayon.’

Happy Holloween, Teacher. :D

***

Commercial: Thanks kay Bb. Madz para sa napanalunan kong isang buong Library sa kanyang ‘PasaBook Project’. Mag le-leave ako ng 1 week para abangan araw-araw yung courier sa tapat ng gate namin. :D

Desiderata De Pururot

Bumuga kang mahinahon sa gitna ng kaguluhan at pagmamadali
at tandaan kung anung amoy ang maaring mayroon sa iyong kinain.

Hanggat maaari, walang tunog,
magkaroon ng mahusay na pagmamaang-maangan sa harap ng mga tao;
Sabihin ang katotohanan na hindi ikaw ang halimaw;
at pagbintangan ang iba,
kahit ang inosente at walang nalalaman,
masarap ding pag-tripan paminsan-minsan.

Iwasan ang tumpok ng magkaka-kilalang mga tao;
kabisado na nila ang kani-kanilang mga baho.

Kapag inihambing mo ang utot mo sa iba,
maaaring maging hungkag ito o sadyang kabahuan,
palaging magkakaroon ng nakalalamang o mas mababa sa laman ng iyong sikmura.
Kasiyahan ang amoy na iyong nagawa at subukan pang ulitin.
Manatiling nahuhumaling sa taglay nitong rimarim, gaano man kasagwa;
Isa itong tunay na kaginhawahan sa pabago-bagong lagay ng tiyan.

Magsagawa ng pag-iingat na mahalata na sa iyo nagmula ang kalapas-tanganan,
sapagkat puno ang daigdig ng mapagbintang.
Ngunit huwag mong hayaang pigilin ang anumang nariyang iniipit mo sa iyong loob;
at kahit saan man, may umuutot din ng pakunwari at pasimple.
Maging singaw ka. Kumakapit at nanunuot sa kasuluk-sulukan.
Huwag ring maging mahiyain kung iyo ring ibig,
dahil sa pagmumukha ng lahat ng kinamumuhian at mga bwisit,
ang ‘nakiki-amoy lang’ ay walang karapatang mag-reklamo.

Malugod mong tanggapin na may mga pagkakataon,
nangyayari may sumusulpot na basang bagay na ‘di mo maiwasan.
Lomotil™ ang sagot upang maging panang-galang sa dagok ng ganitong kapalaran.
Ngunit huwag mong ligaligin ang pala-palagay ng iyong mga kasamahan.
Maraming mga takot kapag ang usapan na ay paglilinis sa kalat ng iba.

Sa kabila ng di-kaaya-ayang pagsambulat,
maging banayad sa pagpunas.
Isa lang ang butas ng puwitan
na kahit sabitan pa ng mga buto at kanin
dampian ito na parang sina-santo.
At kahit madilaw man ang bunga o hindi
walang pag-aalinlangang lumalantad na ito ay ang kinain mong lahat.

Samakatuwid, posibleng ito’y expired na juice,
o anumang sinunggaban na dala ng iyong katakawan.
At kung saan ka man makaramdam at ika’y abutin,
sa loob man o sa labas ng bahay,
Kupkupin ang pangyayaring malaswa at ‘di nakakatuwa.

Sa kabila ng kukulo-kulo, kabagalan ng oras at banta ng pangyayaring masaklap,
Isa rin lang itong masamang panaginip.
Maging malikhain. Magsikap lalo’t kahihiyan ang nakataya.

-Duking Pururot (2011)

Paper Cranes

”Class, gusto kong ipakilala sa inyo ang bago ninyong kamag-aral…si Jillian…magpakilala ka sa kanila, Jillian…”

“I’m Jillian Sandoval and I’m 10 years old…” Lumingon siya sa akin at ngumiti.

Love at first sight. First Love. Puppy love. Rolled into one.

Hindi mahalaga ang kalendaryo kapag bata ka. Malalaman mo na lang na birthday mo na pala dahil binabati ka na naman ng kapamilya mo na mas nakakaalam na ng kalendaryo. Basta ako, alam ko na dumating si Jillian ‘nung malapit nang mag Christmas, noong nasa Grade 4 ako, at pumasok siya sa mismong eskwelahan at klase ko noong unang araw ng Grade 5 ko.

Ang totoo, doon din ako umuuwi sa inuuwian ni Jillian. Sabi sa akin ni Itay, galing sa Amerika si Jillian. May sakit daw kasi ito at dinala roon bago mag-isang taong gulang. Dahil wala nang tatao sa bahay ng amo ni Itay kung kaya’t doon na muna kami tumira. Hanggang sa bumalik nga ang pamilya nina Jillian doon sa malaking bahay bago mag-Pasko.

Solong anak si Jillian. Kung titingnang mabuti, maputla siya at payat, pero siya na yata ang pinaka-magandang babae na nakilala ko. Panay ang tukso sa akin noon ni Ate. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil sa kakaibang pag-aasikaso ko lagi kay Jillian, sa madalas naming paglalaro, o siguro, talaga lang nasasabik akong may kalaro noon na kasing edad ko. Paano kasi, third year high school na noon si Ate. Ang layo ng agwat namin para maglaro pa ng mga gusto kong laro.

Isa pa sigurong napansin ni Ate ay ang maaga kong pag-uwi lagi. Dati kasi, kung saan-saan kami nagpupunta ng mga kamag-aral ko. Dumadayo kami sa bukid para manghuli ng tutubi o kaya ay mamitas ng bayabas. Mula nang dumating si Jillian, nasasabik ako laging makita siya, bukod pa sa lagi niya akong binibigyan ng oatmeal cookies na paborito nilang lutuin ng mommy n’ya.

***

Unang araw ng klase. Uwian. Magkasama kami ni Jillian sa waiting shed sa tapat ng eskwelahan habang hinihintay namin si Itay. Bumuhos ang ulan. Nagulat ako nang tumakbo si Jillian na tuwang tuwa. Sinigawan ko siya na bumalik at huwag magpakabasa. Hindi siya nakinig. Sumugod na rin ako. Basang-basa kaming pareho nang masalubong namin ang sasakyan nila na minamaneho ni Itay. Ganoon na lang ang galit sa akin ni Itay. Ako raw ang pasimuno kung kaya’t nagpakabasa si Jillian. Oo nga’t madalas ko iyong gawin dati kapag naiinip ako sa pagsundo niya, ngunit sa pagkakataong ito, wala akong kasalanan.

Galit na galit sa amin ang mga magulang ni Jillian. Nakatingin sa akin si Sir William habang panay ang mura nito nang malutong sa aming mag-ama dahil sa nangyari. Hindi nangatwiran o umimik si Itay sa talagang nangyari. Sa tagal ng paninilbihan ni Itay sa pamilya nina Jillian, noon lamang siya napagsalitaan ng masakit. Nagpaalam si Itay na tatapusin na niya ang paninilbihan kina Sir William. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng inis kay Jillian dahil sa nangyari. Isang buwan ang hiningi ni Itay para kami makahanap ng titirhan. Ngayon ko naisip na pride marahil ni Itay ang nagbunsod sa kanya para bitiwan ang matagal na paglilingkod kina Jillian.

Hindi na ako nagtaka nang sumunod na araw kung bakit wala si Jillian sa klase. Maging ang mga sumunod na araw. Hanggang sa tinawag ako ng Mommy ni Jillian noong huling araw sa unang linggo ng klase. Gusto raw akong makita ni Jillian. Bantulot akong sumunod. Ayoko sana, kaso, wala akong magawa.

***

Nakangiti siya sa akin. Alam kong may sakit siya dahil lalo pa siyang naging maputla at nangayayat. Tinanong niya ako ng mga nangyari sa eskwelahan. Bahagya lang akong nagkwento. Pagdaka’y pilit siyang bumangon at iniabot sa akin ang isang tinuping papel na tila isang ibon.

“Paper cranes…” sabi niya.

“Anu’ng gagawin ko rito?” may halong pagtatakang tanong ko.

“Gagawa tayo ng one thousand na paper cranes.”

“Wan tawsan? 100..200…” nag skip counting ako. “…ang dami nun, ang daming papel…para saan ba?”

“Para gumaling ako…para makapaglaro na tayo ulit saka gusto ko nang pumasok sa school…”

“Eh di magdasal ka na lang, ganun ang ginagawa dati ni Inay kapag may nagkakasakit sa amin ni Ate…”

“Iba yung one thousand paper cranes…”

“Paano ba kasi…hindi naman ako marunong…”

“Ganito lang…” Nagsimula siyang magtupi ng papel. Pinagmasdan ko’ng mabuti. Kung talagang gagaling si Jillian, handa ko sigurong kayanin ang magtupi nito, naisip ko. Saka ko napansin ang bracelet na nangingintab sa bisig niya at ang palawit na pusong naroroon.

“Sabi mo sa akin dati, ayaw mo ng mga pang-mayamang mga gamit?” tanong ko sa kanya habang sinusuri ang bracelet.

“Totoo naman. Ito…palatandaan ito na mabait ako…”

“Huh?”

“Oo…may sakit ako dati pa. Sabi ni Daddy, kailangan ko raw ng bagong kidney kaso wala namang gustong magbigay…saka ayoko, lalo na kung alam ko na bibilhin nila galing sa ibang tao…gusto ko, kusa.”

“O, e saan nga ‘to?”

“Para sa puso ko…”

“May sakit ka rin sa puso?”

“Hindi…kung walang gustong magbigay sa akin, tapos mamamatay ako, ‘yung puso ko na lang ang ibibigay ko sa nangangailangan.”

“Pwede ba yon?”

“Gusto mo ba?”

“Syempre hindi…saka hindi ko naman kailangan eh.”

“Teka,..para saan nga ulit yung wan tawsan na paper cranes?” pag-iiba ko sa usapan. Nalungkot akong malaman ang sakit ni Jillian. Mas lalo akong nalungkot na ipamimigay lang niya sa iba ang puso niya.

“Sabi sa alamat ng mga Japanese, pagbibigyan daw ang isang kahilingan ng sinumang makagagawa ng one thousand paper cranes.”

“Ang dami naman kaya napaka-imposible.”

“Kung mahal mo ako, tutulungan mo akong kumpletuhin yung one thousand.” Nakangiti siya habang iniaabot muli sa akin ang tinupi niyang paper crane.

Nagulat ako sa sinabi niya. “Kung mahal mo ako…” Sa takot. Sa mga bagay na hindi ko pa naiintindihan kahit nararamdaman ko. Hindi na ako nagpaalam. Hindi ko alam kung anong nangyari pero tumakbo akong pauwi sa amin hawak ang dalawang pirasong paper cranes.

***

July 16, 1990. Isang buwan matapos ang insidente, tuluyan kaming nagkahiwalay ni Jillian. Umuwi na kami nina Itay sa Porac, samantalang sina Jillian, nauna nang umalis papuntang Baguio. Sabi ni Jillian sa akin, mas mabuti raw sa kanya ang sariwang hangin doon, ayon sa daddy niya. Tinanong niya ako kung ilan na ang nagawa kong paper cranes. Hindi ako kumibo. Ang totoo, wala akong nagawa kahit isa. Nanlumo ako na kailangan naming umalis. Nanlumo ako na kailangan ding umalis nina Jillian. Gusto ko sanang sabihin kay Sir William na gusto ko’ng hintayin ang pagbabalik ni Jillian pero hindi ko nagawa, saka sabi ni Itay, narinig ko silang nag uusap ni Ate, na ibebenta na rin ng pamilya nina Jillian ang bahay, at babalik na sa Amerika kapag wala na si Jillian. May taning na raw ang buhay nito dahil sa malalang komplikasyon sa kidney. Pakiramdam ko, una pa akong namatay kay Jillian.

Halos hapon na nang dumating kami kina lola sa Porac. Saka lumindol nang malakas. Natakot ako, kaming lahat. Ilang beses pang yumanig. After shocks. Saka ang balita kinagabihan. Napinsala nang husto ang Baguio. May gumuhong hotel. May mga natabunang bahay. Land slide sa mga daan. Ilang araw pa bago nakabalita si Itay sa nangyari kina Jillian. Wala silang sinabi sa akin ni Ate. Basta nakita ko silang umiiyak pareho.

Kinuha ko ang dalawang paper cranes mula sa pagkakaipit sa notebook ko. Isa-isa kong pinilas ang pahina ng notebook ko para gawing paper cranes pero mas nakita ko ang dahilan kung bakit ko iyon pinipilas. Galit ako. Sa ulan. Sa lindol. Sa sarili ko.

***

Mula nang araw na iyon, nangako ako sa sarili ko. Isang paper crane isang araw. Tapos, kung totoo talaga iyon, baka maaaring hilingin ko sa Crane Legend na ibalik ako sa araw na nakilala ko si Jillian. Isang paper crane bago ako matulog. O dalawa o tatlo kung di ako dinadalaw ng antok. Halos naka 450 paper cranes na yata ako nang biglang sumabog ang Mt. Pinatubo humigit kumulang isang taon mula nang umalis kami kina Jillian. Talaga yatang tadhana ang naghihiwalay sa amin maski sa pag-asa ng kabataan ko noong naniniwala sa magic ng paper cranes. O siguro, mas naniniwala ako sa magic ng pag-ibig namin ni Jillian kaysa sa magic ng paper cranes. Kaso nga lang, tinabunan ng abo ang paper cranes. Nangangalahati pa lang ako halos para itaboy na naman palayo sa natitira kong pag-asa.

***

Mula sa Porac, nakakuha ng relocation sina Lola sa Cavite. Bagong simula. Hindi na ‘ko siguro aabutan dito ng Pinatubo. Unang gabi ko ng paglipat namin, paper crane agad ang inatupag ko. Gusto kong maniwala katulad ng paniniwala ni Jillian. Hanggang sa dumating ang pasukan, First year, first day, first class. Wala kami halos ginawa kundi linisin ang abo ng Pinatubo na umabot dito. Napansin kong hinihika ang katabi kong babae kaya inabutan ko siya ng panyo ko. Ngumiti siya sa akin. Ngayon na lang yata ulit ako napatitig nang matagal sa mukha ng ibang babae. Saka ko hinahanap ang pamilyar na ngiti ni Jillian. Wala. Nakaka-ilang paper cranes pa lang ako.

Recess. Nagulat ako nang isauli niya ang panyo ko kasabay ang pag-aabot ng tatlong piraso ng oatmeal cookies na nakabalot sa tissue. Naalala ko si Jillian at ang oatmeal cookies nila ng mommy niya na naging paborito ko. Tumanggi ako. Sabi niya, wala naman daw siyang sakit. Tumanggi pa rin ako. Nakita ko na nalungkot siya sa ginawa ko. Unang araw pa naman ng klase. Sinipat ko siya nang palihim. Nakita ko siyang nagtutupi ng papel. Kabisado ko ang bawat galaw. Alam kong paper crane ang tinutupi niya!

***

Weird, oo alam ko. Sobra’ng weird. Pero alam mo yung mas sobra pang weird doon? Lian ang pangalan niya. Gusto kong isipin na siya si Jillian. Kaso hindi. Umiwas ako sa kanya bagamat halos araw-araw kaming magkasama sa iisang klase at iisang eskwelahan. At dalawa pang sumunod na taon. Hindi ko binanggit kahit kanino ang tungkol sa oatmeal, ang paper cranes o mismong ang alaala ko kay Jillian. Hanggang dumating ang JS prom. Sa tatlong taon, may mga gabi akong pumalya sa paggawa ng paper cranes. Saka ko binilang ang naka-talang lista mula sa dingding ng kwarto ko. Nine hundred ninety nine, kulang-kulang 3 years… Isang crane pa…naisip ko,ano kaya kung sa gitna ng mismong sayawan, yung kamay na hawak-hawak ko ay ang kamay na mismo ni Jillian. Isang crane pa…

Kaso dumating na ang mga kabarkada ko. Mamaya na siguro yung crane kahit habang nasa school. Tinupi ko ang papel saka isinilid sa bulsa ko.

“Oist, sabi ni Ma’am, daanan daw natin si Lian.”

“Naku hindi,” tanggi ko kay Jenna .

“Ano bang meron kay Lian at talaga namang pansin ko na parang lagi mong iniiwasan?”

“Wala naman.”

“Hoy, huwag ka ngang mayabang…maganda naman si Lian ah.”

“Me sinabi ba akong panget siya?”

“Sus! Alam mo, sa totoo lang, kundi lang kami nakakakopya sa’yo saka nakikinabang sa talent mo sa paggawa ng projects, di ka rin namin papansinin!”

“Haha! Ang sabihin niyo, hindi lang talaga kayo makakopya kay Lian dahil sa karamutan sa inyo ng babaeng yun!”

“Abnormal! Kung kokopya kami sa kanya, baka wala ka na sa Top 10! E di pag nagkaganun, ang panget mo na, wala ka pang brains na masasabi! Hahahaha!”

“Lika na Jenna, tandaan mo na may 4th grading pa…nakuuu!” pasakal kong yaya kay Jenna na naging isa sa mga kabarkada ko.

Sa totoo lang, kinakabahan ako na pumunta sa bahay nina Lian maski pa kasama ko si Jenna at iba pa naming kaeskwela. Basta yung weird na first time kaming nagkakilala ang naiisip ko. Sa tapat ng trangkahan nila kami tumigil. Pigil hininga ako. Ngayon, lalo akong humanga kay Lian. Mahirap lang sila. Siguro, mas mahirap pa sa amin. Kitang-kita sa tindig at itsura ng bahay nila. Humanga ako dahil si Lian ang pinakamatalino sa amin. Humanga ako kasi kahit na naging iwas ako sa kanya, may mga pagkakataong siya pa ang lumalapit sa akin. Saka ko naisip ulit si Jillian. Kung gaano kalayo yung buhay naming dalawa pero ginawan niya ng paraan na magkalapit kami sa napakaikling panahon na magkasama kami noon. Saka yung sabi niya na “Kung mahal mo ako…” dahil alam kong mahal din niya ako.

Naputol ang pag-iisip ko nang lumabas ang nanay ni Lian at patuluyin kami. Ayaw daw kasi’ng umattend ng JS prom ni Lian dahil hindi raw bumagay ang nahiram na damit. Pumasok si Jenna sa kwarto ni Lian para kausapin ang kaibigan. Naiwan kami ng Nanay ni Lian sa sala.

“Ikaw yung supladong madalas i-kwento ni Lian ano?”

“H-Hindi naman po…” pautal kong pagsisinungaling.

“Kuhhh…mga bata kayo… hindi naman ninyo kailangang magpaligsahang dalawa.”

“Naku…hindi po talaga…” Yun ang totoo, wala sa interes kong makipag-paligsahan.

“Madalas umuwing malungkot yan kasi hindi mo nga raw pinapansin…kako baka sadya lang na hindi ka palabati, eh hindi naman daw…inakala ko pa ngang bakla ka eh…haha!”

Namula ako sa hiya.

“Eh bakit ho ba ayaw umattend ni Lian?” pagbabago ko ng usapan.

“Ang mali ko kasi, yung nahiram kong gown eh bahagyang mababa yung tabas para itago yung pilat ng opera niya sa dibdib.”

“B-Bakit ho…m-may opera si Lian sa puso?” Nanginginig ako sa pagkakatayo ko.

“Ay, oo…sa awa ng Diyos, apat na taon na yata…may sakit kasi sa puso yang batang yan at talagang alam namin na anumang oras eh…” Nakita kong bahagyang may namuong luha sa mata ng nanay ni Lian. Bahagya itong sumandig sa akin.

“Alam mo bang kasagsagan ng lindol…sa takot ng batang yan eh inatake sa puso at halos mamatay…mabuti na lang…” Tuluyan na itong napaiyak.

“Si Jillian…” Mahina kong nausal.

“B-Bakit mo alam?” Pagtatakang tanong ng nanay ni Lian na bahagyang nagulat sa pangalang binanggit ko.

“A-Ang sabi ko ho, ako na ho ang bahala kay Lian…ngayong gabi.” Habang buhay. Hanggang sa kabilang buhay. Yun ang eksaktong nasa isip ko.

Saka ko nakitang lumabas si Lian mula sa kwarto nito. Nakatutop ang kamay sa bandang itaas ng dibdib. Bahagyang nagulat nung makita ako at ang nagpapahid ng luhang magulang.

Namumuo ang luha sa mata ko habang dali-dali kong dinukot ang papel at nanginginig ang kamay kong dahan-dahang tinupi ang pang one-thousand na paper crane.

Tuluyang pumatak ang luha sa mata ko kasabay nang pagkakatapos ng huling tupi.

“Huwag mong sabihing hihingi ka sa akin ng sorry…” Bahagyang may pagtataka, bahagyang may sungaw na ngiting tanong ni Lian sa akin habang pilit sinisipat ang mata kong may luha.

Hindi ako kumibo. Hinawakan ko ang palad niya at iniabot ang huling paper crane.

Noon pa lang unang araw na magkita kami, alam kong alam na niya…

Ang tanging laruan at libangang magpapaalala sa amin kung gaano ka-makapangyarihan ang pag-ibig…

***

Opisyal na Lahok para sa kategorya ng Maikling Kwento para sa Saranggola Blog Awards 3. Nais ko ring pasalamatan si Miss Kaye sa malaking bahagi ng editoryal para sa lahok na ito.

forgetful lucy

gusto kong haplusin ang putla ng iyong pisngi
o ‘di kaya’y pisilin hanggang silayan ng pula
habang alam kong binabagtas ng iyong isip
ang lansangan ng walang hanggang pagtataka
na itinatago mo sa sulok ng iyong tipid na ngiti
kasama ng mga ala-alang araw-araw, nabubura.

gusto kong maniwalang kilala mo pa rin ako
kahit ipinag-kakaila ako ng uminog na panahon
na nagpasukal sa buhok at guhit ng balat sa mukha
at nagligaw sa kahapon nating mapapangarap
sa kung saang abenida ng munting mga tagumpay
o samut-saring iskinita ng kabigua’t lumbay.

gusto kong dugtungan pa ang bawat sandali
at baka sakaling mahanap ko ang tamang salita
na susukol sa palihim mong mga buntong-hininga
at agam-agam sa kapalaran kung bakit nga ba
kinailangan na landas natin ay muli pang magsanga
upang bilangin lang ang kayraming ‘dapat sana…’

gusto kong sundan ka sa ating muling paghihiwalay
at lakaran ring marahan ang palad mong binabaybay
subalit alam kong kailangan mo na ika’y mapag-isa
upang paghilumin ang nanariwang sugat sa gunita
na ang kirot ay pilit ikinubli sa sulok ng iyong labi
at daplis na sumugat sa pisngi kong ‘di nakaiwas…

Ang Kahon ng Laruan ni Felipe

Si Felipe ay may kahon ng mga laruan. Ang bawat pirasong naroon ay kanyang iniibig at pinag-mamalaki. Naniniwala siya na ang lahat ng iyon ay regalo sa kanya ng kanyang Ama na nasa malayong lugar. Mula sa nag-gagandahang kayumangging mga manika hanggang sa matatapang na mga laruang-kawal, may mga laruan pa siyang yari sa kahoy, mga laruang hayop at mga isda, mga holen na nangag-kikintaban at sadyang napakamahal at kahanga-hanga. Nangako siyang babantayan ang kahon mula sa sinumang bata na aagaw nito o kukuha ng isa man sa laman niyon.

Isang araw ay nakilala niya si Ponyong, isang bata na buhat pa sa kabilang kanto. Walang dala si Ponyong maliban sa hawak-hawak nitong komiks na tungkol sa super-hero na taga-pagligtas, laruang espada at baril-barilan subalit nangako ito na lalong magiging maganda at matitibay ang mga laruan sa kahon kung hahayaan lamang ni Felipe na idagdag ang nasabing komiks sa kahon ng mga laruan at ibahagi ang kasiyahan sa lahat ng mayroon sa loob ng kahon. Iyon ang panlalansing ginawa ni Ponyong na nagkaroon agad ng interes sa kahon ng laruan ni Felipe.

Dahil sa kagustuhan ni Felipe na lalong mapabuti ang mga laruan, bagamat may bahagyang pagtutol ay agad din itong pumayag. Natural marahil sa kanya ang pagiging hindi maramot.

Napasakamay ni Ponyong ang kahon ng laruan. Ginamit maigi ni Ponyong ang komiks na may kwento ng super-herong taga pagligtas upang libangin si Felipe at tina-taga pa ni Panyong ng laruang espada ang kamay ni Felipe kada nanaisin nitong bawiin o paki-alaman ang sarili nitong mga laruan. Hah! Sinamantala ni Ponyong ang pagiging kimi at kabaitan ni Felipe!

Matagal ding nag-isip si Felipe kung paanong muling mababawi ang kahon ng laruan saka siya naglakas-loob na inagaw itong muli kay Ponyong ng minsang nalingat ito dahil na rin sa pakikipag-away sa ibang kalaro. Subalit matalino si Ponyong. Habang tuwang-tuwa si Felipe na nakuha na niyang muli ang kahon ng laruan, palihim na ibinenta ni Ponyong ang kahon at ang lahat ng laman nito sa tiyuhin ni Felipeng si Samuel sa murang halaga. Bagamat nagulat si Felipe, natuwa na rin siyang malaman na malaya na niyang mapaglalaruan muli ang lahat ng nasa kahon
dangan nga lamang at ang kanyang Tiyo Samuel na ang nagsasabi kung kailan siya dapat tumigil o kung anulang ang maaaring gamitin.

Ah, naisip niyang mabuti na rin iyon at may taga-pagtanggol na siya at ang kanyang mga laruan.

At hindi nga siya nagkamali ng minsang inagaw ng kanyang kapit-bahay na si Japok ang kahon. Agad siyang sinaklolohan ng kanyang Tiyo Samuel. Kasunod noon, isinauli sa kanya ng kanyang Tiyo Samuel ang kahon ng laruan.

Lalong napalapit ang loob ni Felipe sa kanyang Tiyo Samuel ng binigyan siya nito ng mga laruan na sadyang si Tiyo Samuel lamang ang may-roon mula sa kotse-kotsehan, tumutugtog at umiilaw na mga laruan at kung anu-ano pang nakalilibang na bagay bagama’t karamihan sa mga iyon ay pinag-lumaan lamang na laruan at gamit ng kanyang Tiyo Samuel.

Sa pagkalibang ni Felipe, hindi na siya tumutol ng hingin ni Tiyo Samuel ang mga laruang yari sa kahoy, mga laruang hayup at mga isda, at mga holen na nangag-kikintaban at sadyang napakamahal at kahanga-hanga. Paminsan-minsan ding pumipili si Tiyo Samuel ng tau-tauhan at manika na kanyang hinihiram para naman sa kanyang mga anak.

Ang tanging naiwan sa kahon ay ang mga pinag-lumaang laruan ni Tiyo Samuel na mas kinahumalingan ni Felipe at ang Komiks na naiwan ni Ponyong. Napabayaang nasa ilalim at hindi na halos naaasikasung gamitin ni Felipe ang mga kayumanggi niyang mga manika at matatapang na laruang kawal na dati nang nasa loob ng kahon. Hindi rin napansin ni Felipe na sa pagkahilig niya sa Komiks ni Ponyong , wala itong naging dulot kundi lalong paramihin ang nagsisiksikang laruan sa ilalim ng kahon.

Hanggang sa napunit ang kahon na kahit anung tahi ni Felipe ay tila nagagalit na ang mga laruan.

Patuloy itong nawawasak hanggang sa unti-unti nang nagtutulakan, naggi-gitgitan at nagla-laglagan ang mga ito sa kung saan-saan. Nalungkot siyang pagmasdan habang sinasamantala ito ng ibang mga bata. Dampot-dito, dampot-doon  ang ginawa ng mga iyon sa bawat laruang nahuhulog mula sa ilalim at ibabaw ng punit-punit at nag uumapaw na kahon ng laruan ni Felipe.

Dahil sa paniniwalang kaya pang isalba ang unti unting pagkawasak ng kahon, isang pagkakamali ang nagawa ni Felipe…pagkakamaling ‘di niya aaminin kailanman…

Batas militar ang kailangan sa lumalalang punit sa kahon gawa ng nag-aalsang mga laruan! Itinalaga niya ang mapanakot na de-bateryang police car sa ibabaw ng punpon ng mga laruan. Walang sawa itong nag wang-wang at lumikha ng takot sa iba pang laruan na sawang-sawa nang laging nasa ilalim ng kahon.

Subalit patuloy pa rin ang pagkasira ng kahon, lalong nag-alsa ang mga laruan. Mapayapa nilang natanggal ang bateryang nagbigay lakas at paninindak sa Police Car. Toy Power. At nasundan pa ng Toy Power 2. May nag-aalsang sunda-sundaluhan, subalit nasusupil din naman. Punit punit na talaga ang kahon. Naglalabo-labo na ang laruan. Numi-nipis na ang sahig na sumasalo sa mga laruang nagsisiksikan sa ilalim…

Nalungkot si Felipe. Isa-isa nang nahuhulog ang laruan. Nawawasak pag bagsak sa lupa. Yung iba, kusa nang tumatalon papalabas ng kahon. Yung iba naman,itinutulak ng mga laruan ni Tiyo Samuel at dikta ng Superhero Komiks ni Ponyong.

Hanggang sa tuluyan nang napunit ang kahon. Nag-iiyak ng husto si Felipe. Hinayang na hinayang sa nagkalat na mga laruan. Hindi dumating si Tiyo Samuel para sana tulungan siyang sagipin ang nawasak na kahon. Ngayon, kahit napapalibutan si Felipe ng wasak-wasak na laruan, maingat niyang dinampot ang komiks ni Ponyong. Isang araw, aayusin ng Superhero ang lahat ng nasira…Isang araw…

***********************************************************************

Opisyal na Lahok para sa kategorya ng Kwentong Pambata para sa Saranggola Blog Awards 3.