Ang Kahon ng Laruan ni Felipe

Si Felipe ay may kahon ng mga laruan. Ang bawat pirasong naroon ay kanyang iniibig at pinag-mamalaki. Naniniwala siya na ang lahat ng iyon ay regalo sa kanya ng kanyang Ama na nasa malayong lugar. Mula sa nag-gagandahang kayumangging mga manika hanggang sa matatapang na mga laruang-kawal, may mga laruan pa siyang yari sa kahoy, mga laruang hayop at mga isda, mga holen na nangag-kikintaban at sadyang napakamahal at kahanga-hanga. Nangako siyang babantayan ang kahon mula sa sinumang bata na aagaw nito o kukuha ng isa man sa laman niyon.

Isang araw ay nakilala niya si Ponyong, isang bata na buhat pa sa kabilang kanto. Walang dala si Ponyong maliban sa hawak-hawak nitong komiks na tungkol sa super-hero na taga-pagligtas, laruang espada at baril-barilan subalit nangako ito na lalong magiging maganda at matitibay ang mga laruan sa kahon kung hahayaan lamang ni Felipe na idagdag ang nasabing komiks sa kahon ng mga laruan at ibahagi ang kasiyahan sa lahat ng mayroon sa loob ng kahon. Iyon ang panlalansing ginawa ni Ponyong na nagkaroon agad ng interes sa kahon ng laruan ni Felipe.

Dahil sa kagustuhan ni Felipe na lalong mapabuti ang mga laruan, bagamat may bahagyang pagtutol ay agad din itong pumayag. Natural marahil sa kanya ang pagiging hindi maramot.

Napasakamay ni Ponyong ang kahon ng laruan. Ginamit maigi ni Ponyong ang komiks na may kwento ng super-herong taga pagligtas upang libangin si Felipe at tina-taga pa ni Panyong ng laruang espada ang kamay ni Felipe kada nanaisin nitong bawiin o paki-alaman ang sarili nitong mga laruan. Hah! Sinamantala ni Ponyong ang pagiging kimi at kabaitan ni Felipe!

Matagal ding nag-isip si Felipe kung paanong muling mababawi ang kahon ng laruan saka siya naglakas-loob na inagaw itong muli kay Ponyong ng minsang nalingat ito dahil na rin sa pakikipag-away sa ibang kalaro. Subalit matalino si Ponyong. Habang tuwang-tuwa si Felipe na nakuha na niyang muli ang kahon ng laruan, palihim na ibinenta ni Ponyong ang kahon at ang lahat ng laman nito sa tiyuhin ni Felipeng si Samuel sa murang halaga. Bagamat nagulat si Felipe, natuwa na rin siyang malaman na malaya na niyang mapaglalaruan muli ang lahat ng nasa kahon
dangan nga lamang at ang kanyang Tiyo Samuel na ang nagsasabi kung kailan siya dapat tumigil o kung anulang ang maaaring gamitin.

Ah, naisip niyang mabuti na rin iyon at may taga-pagtanggol na siya at ang kanyang mga laruan.

At hindi nga siya nagkamali ng minsang inagaw ng kanyang kapit-bahay na si Japok ang kahon. Agad siyang sinaklolohan ng kanyang Tiyo Samuel. Kasunod noon, isinauli sa kanya ng kanyang Tiyo Samuel ang kahon ng laruan.

Lalong napalapit ang loob ni Felipe sa kanyang Tiyo Samuel ng binigyan siya nito ng mga laruan na sadyang si Tiyo Samuel lamang ang may-roon mula sa kotse-kotsehan, tumutugtog at umiilaw na mga laruan at kung anu-ano pang nakalilibang na bagay bagama’t karamihan sa mga iyon ay pinag-lumaan lamang na laruan at gamit ng kanyang Tiyo Samuel.

Sa pagkalibang ni Felipe, hindi na siya tumutol ng hingin ni Tiyo Samuel ang mga laruang yari sa kahoy, mga laruang hayup at mga isda, at mga holen na nangag-kikintaban at sadyang napakamahal at kahanga-hanga. Paminsan-minsan ding pumipili si Tiyo Samuel ng tau-tauhan at manika na kanyang hinihiram para naman sa kanyang mga anak.

Ang tanging naiwan sa kahon ay ang mga pinag-lumaang laruan ni Tiyo Samuel na mas kinahumalingan ni Felipe at ang Komiks na naiwan ni Ponyong. Napabayaang nasa ilalim at hindi na halos naaasikasung gamitin ni Felipe ang mga kayumanggi niyang mga manika at matatapang na laruang kawal na dati nang nasa loob ng kahon. Hindi rin napansin ni Felipe na sa pagkahilig niya sa Komiks ni Ponyong , wala itong naging dulot kundi lalong paramihin ang nagsisiksikang laruan sa ilalim ng kahon.

Hanggang sa napunit ang kahon na kahit anung tahi ni Felipe ay tila nagagalit na ang mga laruan.

Patuloy itong nawawasak hanggang sa unti-unti nang nagtutulakan, naggi-gitgitan at nagla-laglagan ang mga ito sa kung saan-saan. Nalungkot siyang pagmasdan habang sinasamantala ito ng ibang mga bata. Dampot-dito, dampot-doon  ang ginawa ng mga iyon sa bawat laruang nahuhulog mula sa ilalim at ibabaw ng punit-punit at nag uumapaw na kahon ng laruan ni Felipe.

Dahil sa paniniwalang kaya pang isalba ang unti unting pagkawasak ng kahon, isang pagkakamali ang nagawa ni Felipe…pagkakamaling ‘di niya aaminin kailanman…

Batas militar ang kailangan sa lumalalang punit sa kahon gawa ng nag-aalsang mga laruan! Itinalaga niya ang mapanakot na de-bateryang police car sa ibabaw ng punpon ng mga laruan. Walang sawa itong nag wang-wang at lumikha ng takot sa iba pang laruan na sawang-sawa nang laging nasa ilalim ng kahon.

Subalit patuloy pa rin ang pagkasira ng kahon, lalong nag-alsa ang mga laruan. Mapayapa nilang natanggal ang bateryang nagbigay lakas at paninindak sa Police Car. Toy Power. At nasundan pa ng Toy Power 2. May nag-aalsang sunda-sundaluhan, subalit nasusupil din naman. Punit punit na talaga ang kahon. Naglalabo-labo na ang laruan. Numi-nipis na ang sahig na sumasalo sa mga laruang nagsisiksikan sa ilalim…

Nalungkot si Felipe. Isa-isa nang nahuhulog ang laruan. Nawawasak pag bagsak sa lupa. Yung iba, kusa nang tumatalon papalabas ng kahon. Yung iba naman,itinutulak ng mga laruan ni Tiyo Samuel at dikta ng Superhero Komiks ni Ponyong.

Hanggang sa tuluyan nang napunit ang kahon. Nag-iiyak ng husto si Felipe. Hinayang na hinayang sa nagkalat na mga laruan. Hindi dumating si Tiyo Samuel para sana tulungan siyang sagipin ang nawasak na kahon. Ngayon, kahit napapalibutan si Felipe ng wasak-wasak na laruan, maingat niyang dinampot ang komiks ni Ponyong. Isang araw, aayusin ng Superhero ang lahat ng nasira…Isang araw…

***********************************************************************

Opisyal na Lahok para sa kategorya ng Kwentong Pambata para sa Saranggola Blog Awards 3.

32 responses to “Ang Kahon ng Laruan ni Felipe

  1. astig !!! dami na natin! good luck sa ating lahat😀

  2. Dapat sanay sa umpisa pa lamang ginawan na ng paraan na hindi masira ang kahon. Dapat sanay nung mga panahong nakita nyang hindi na kakayanin ng kahon niya ay dumiskarte na sya upang maisalba ang kanyang mga laruan. Malaking bagay ang maitutulong kung sanay nuong maliit na bagay pa lamang ay inaksyunan na at hindi na hinintay na tuluyang masira at magsisi sa bandang huli.

    Goodluck po sa SBA!

  3. wow ganda.. gudluck naman dito..

  4. @ bino, twistedfates and kikomaxx.

    ang dalawang karakter na si Felipe at Samuel ay hango sa dalawang tauhan sa maikling kwento ng premyadong manunulat na si G. Efren R. Abueg. Makikilala ninyo sila sa ‘Ang Kamatayan Ni Tiyo Samuel’.

    Its a good read. Hinihikayat ko kayong kumuha ng sipi ng maikling kwentong iyon. Salamat, muli sa mga comments!

  5. ayon si ponyong. si felipe, si tiyo samuel, si japok at ang superhero :-))
    🙂

  6. aaaah… di ko nagets? naguluhan na ko sa dami ng mga laruan. wala talaga akong kwentang kaibigan. hahaha. pasensya naman, sa adult toys lang ako interesado. pero gudlak sayo duking. sincere yan. hohoho.

  7. good luck duking!🙂

  8. mahusay ang daloy ng istorya, andun yung thrill na tiyak nang magpapasalampak sa mga batang atat na atat sa mga susunod na magaganap habang ikukuwento mo ito sa kanila.. at dahil lahok mo ito sa saranggola eh good luck na lang din sa ating lahat..

  9. I love the metaphor.🙂

  10. felipe = pilipinas
    tiyo samuel = estados unidos
    ponyong = espanya?

  11. nakalimutan ko si japok. hehe.

    japok = japan

    mahusay na paglalarawan ng kasaysayan ng pilipinas bilang pambatang akda, ser duks. congrats! \m/

    • hehehe! salamat lio. wala akong maisip na kwentong pambata, medyo komplikado tuloy ‘to para sa mga totoong bata. buti na lang walang batang nagbabasa nito.

  12. grabeng istorya… kawawang felipe… sabagay bata pa siya para maunawan ang lahat… darating din ang panahon na siya mismo ang superhero na aayos sa nasirang kahon..

  13. maganda ang pagkakalarawan mo ginoong duking!

    “….at tina-taga pa ni Panyong ng laruang espada ang kamay ni Felipe kada nanaisin nitong bawiin o paki-alaman ang sarili nitong mga laruan..”

    masyado kasing nakakasilaw ang mga bago sa ating paningin, nakakalimutan natin ang mga bagay na totoong nakakapagpasaya sa atin..

    sana may pag-asa pa ang pinas.. sana bukas wala nang OFW!

    • malayong mawala ang OFW, sa ngayon, isa yan sa bread and butter natin bilang isang bansa na kailangan ng dolyar para makasabay kahit paano sa globalisasyon.

      malaking bagay yung filipino first policy. sayang, kase yun ang naging kahinaan natin nung una pa lang.

  14. Ngayon ko lang nabasa ito? bakit kaya? nawala ka pala sa blogroll ko sir duks pero ngayon ay na iadd na kita..

    ang ganda naman nito sir.. gudluck sa atin.. ako nga pala ay may lahok din..

    magandang araw po🙂

  15. Mahusay! Goodluck po sir ^_^

  16. ang kahon bow……twisted ang mind mo ah!!! astig! sapul!

  17. mahusay. gudluck sa patimpalak.

  18. SINO PO AUTHOR NITO ?

  19. Sino po ang author nito? to whom do we attribute the story?

  20. ang lahat po ng nasa blog na ito ay likha ko. kung gagamitin niyo po ang mga ito,ang mahalaga po ay ipagbigay alam ninyo sa akin kung saan at sa paanong paraan ninyo gagamitin ang akda.maraming salamat. maari po ninyo akong padalhan ng mensahe sa aldous_79@yahoo.com

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s