isa PONG malaking karangalan kahit man lang sa maliit na paraan…

Kung kati lamang ng nunal sa talampakan ang dahilan ng bawat paglalakbay at pakikipag-sapalaran sa ibayong dagat, mas madali pa siguro kung hahayaan kong ang mga larawan ang mag-kwento para sa akin.

-Kung saang lugar ako napadpad sa bawat pagsakay-pagbaba ng eroplano, barko,tren, bus, taxi at kung minsan ay limousine.

-Kung saang kainan ako dinala para subukin ang aking panlasa sa mga buffet, hot pot, stand at cuisine na hindi kinasanayan ng karaniwang dila kung saan ako nagmula.

-Kung saang pasyalan ko nilibang ang aking mata’t pandama sa mga makasaysayang lugar, templo, pyramid, simbahan, pagawaan, museo, gusali, amusement park at mga liwasan.

-Kung sinong celebrity ang nakita ko kasabay ng aking pamimili sa mga tiangge, mall, signature store at souvenir shop.

-Kung gaano kagara ang suot ko sa pagdalo sa mga conventions at mga business meetings, ang kapal ng overcoat kong fur habang naglalaro sa yelo o ang hapit ng swimming trunks sa aking katawan habang nagtatampisaw sa mga beach.

Lahat yan, kuha sa DSLR kong camera o ‘di kaya’y sa mamahalin kong cellphone…at malamang, nakita mo akong nakangiti sa bawat larawan.

Anu na nga ba pagkatapos mong mamangha?

Maliban siyempre sa nais mong humingi ng pasalubong pag-uwi ko(kung close tayo bagamat nahihiya ka) ay sasagi sa isip mo kung paano akong nakarating sa lugar na iyon samantalang ikaw ay nanatili pa rin sa lugar na sabay-sabay nating halos kinalakihan. Saka marahil, maglalaro sa isip mo ang ipinatatayo kong bahay sa isang exclusive subdivision at mga naghihintay na kaanak na pinangakuang ipapasyal kundi man sa Hong Kong ay sa Baguio man lang o Boracay.

Sa patas mong pang-unawa at ala-ala ng ating pagkakaibigan, maiisip mo na mas mapangarap lang ako siguro. Mas malakas ang loob at nagkataong sinwerte sa oportunidad na nagbukas. Pero huwag naman sanang sa hinanakit ng dahil sa paghihiwalay ng ating kapalaran- ay ituring akong mayabang, walang utang na loob at walang paglingap sa aking bansang sinilangan.

Kung kati lamang sana ng nunal sa talampakan ang dahilan…subalit hindi iyon. Laging higit pa roon ang dahilan. Saka mo hayaang ikwento ko sa’yo ang hindi mo nakikitang larawan na tanging ako at ng gaya ko lamang ang nag-iingat.

-Na sana’y sa bawat lugar na nilalapagan ng eroplano, daungan ng barko, istasyon ng tren, himpilan ng mga bus at taxi ay may pamilyar na mukhang sasalubong sa akin ng yakap at halik sa bawat pagbaba at kumakaway habang nagbibilin ng pag-iingat sa aking pag-alis.

-Na sana’y kasalo ko ang aking pamilya’t mga kaibigan at hindi ibang lahi sa mga paboritong kong pagkain habang nagku-kwentuhan ng mga nangyari at mga plano ng bawat isa sa hinaharap. Bonus na siguro na maiintindihan nila siyempre agad kapag sinabi kong ‘Paabot ng ketchup!’

-Na sana’y sila rin ang kasama kong naglilibot at nalilibang sa pagbabalik-tanaw sa kultura ng makasaysayang mga lugar, kasamang nagdarasal sa mga templo’t simbahan at marinig ang kanilang hiyawan at tawanan sa mga amusement park o kasabay na mamangha sa likhang-sining na itinatanghal sa mga museo.

-Na sana’y narito sila para hindi ako magkamali sa sukat ng sapatos na ipadadala ko kay bunso, sa kulay ng malong na request ni nanay, at sa modelo ng relos na nais ni sweetheart.

-Na sana’y hindi ko na ini-aagaw sa oras ng tulog ko ang paglalaba at pamamalantsa ng damit na susuotin ko pagpasok kinaumagahan. Na may makakapansin sana na tastas ang puwitan ng pantalon ko paglabas ng bahay at magpapa-alala sa akin na hindi pa ako nagkakapag-suklay.

Dahil kung kati lang ng nunal sa talampakan ang dahilan, pwede ko namang kamutin. Kung kalam lamang ng sarili kong tiyan, pwede kong tiisin. Pero kung kalam na ng tiyan ng mga taong pinaka-mahalaga sa akin ang dahilan, lalanguyin ko ang dagat kung kinakailangan. Tatawirin ko ang disyerto kung hinihingi ng pagkakataon at tutunawin ko ang niyebe mula sa sarili kong hininga maparam lamang ng kahit kaunting ginhawa ang naging pagtitiis nila sa hirap.

***********************************

Nakatayo ako ngayon sa harap ng limampu’t-anim na estudyante na sa kasalukuyan, ay wala pang kaakibat na kahit ano sa kanilang pangalan.

Wala pang Engr. Anne at Engr. Che, wala pang Atty. Rob o Atty.Tarbs . Wala pang Lio Loco, CPA o Nars Manang. Wala pang Ms. Keekaye; Editor o Ms. N, Photographer-Journalist.  Wala pa maski man lang Juan dela Cruz; Tax-payer.

Wala pa.

Dahil sa limampu’t-anim na estudyanteng nasa harapan ko ngayon, bahagi na ako ng kung anuman ang magiging sila sa hinaharap. Kasama na ako kung saan sila dadalhin ng kanilang paglalakbay. Sangkap ako sa bawat produktong lilikhain ng kanilang mga kamay. Tungtungan ako ng pundasyon ng bawat papel at karerang gagampanan nila sa lipunan. At higit sa lahat, kabahagi na ako ng suot nilang swelas ng sapatos, na sana, kahit man lang sana, ay maging proteksiyon ng kanilang mga nunal sa talampakan bilang manlalakbay sa landas ng daigdig at buhay.

Sa gayon, baka sa akin at sa apat na sulok ng silid na ito kung saan kami nagsisiksikan, ay isilang ang pangarap para sa bayang wala sanang nagugutom, nakakapag-aral sana ang lahat ng bata, may trabaho sana para sa lahat, at kumakalinga sa kapakanan ng bawat buhay na sa kanya ay isinisilang.

Kakamutin ko na lang muna ang kati ng nunal sa aking talampakan sa gaspang ng kapalaran rito sa atin at titiisin ang kalam ng sarili kong sikmura para sa pag-asa ng pagbabago.

Ngumiti ako sa kanila.

Saka ko isinulat ang aking pangalan sa pisara gamit ang kapirasong chalk.

‘Mr. Joseph Austria Quiambao’

‘Just call me Pong…’


 

Likhang-lahok bilang pag-suporta sa  PEBA.

Salamat kay Sir Pong sa pagpapaunlak sa akin na gamitin ang kanyang pangalan, karanasan at mga pangarap upang bigyang mukha ang persona ng mga  ‘Bagong Bayani‘ .

Ang sanaysay-kwentong ito ay buong karangalan kong iniaalay sa lahat ng Filipinong manggagawa sa loob ng bansa at sa lahat ng sulok ng mundo lalong lalo na sa mga OFW Blogger.

Salamat po at Mabuhay!

79 responses to “isa PONG malaking karangalan kahit man lang sa maliit na paraan…

  1. panalo naman talaga ang mensahe ng blog mo, duking. kahanga-hanga.
    at Pong, we’re proud of you! isa kang huwarang OFW. alam ko mga pinagdaanan mong lungkot at pangungulila sa malayong bansa at ang pagbabalik mo sa ating Inang Bayan, alam ko magiging successful ka ulit dahil mabuti kang tao.

    Duking, wala na ko masabi sa galing mo kundi, Bravo!🙂

    • thank you, miss che. para rin po sa inyo ni manong ang post na ito. natutuwa talaga ako dahil kahit anjan ka, natagpuan mo na ang pag-ibig na para sa’yo. at least mababawasan yung pagka miss mo sa atin.

      ingat kayo lagi ni manong!

      • thanks, duking! wish ko lang sana isang araw isang masayang kwento ng “manang” mo ang ipapabasa mo sa min..
        ingats lagi.. miss ko pa din naman sa tin. iba pa din ang sariling bayan🙂

  2. asgit ! walang kupas sir! gud luck sa iyo sa PEBA 2011!!!😀

    • sir bino, salamat po. karangalan pong makapag sulat para sa gaya ninyong mga dating OFW na ngayo ay muling bahagi na ulit ng local workforce na kailangang kailangan natin dito.

  3. lupet naman nito.

  4. lupet nito ser duking🙂 makabagbag damdaming paglalahad…

    extra na naman ako sa susunod may bayad na ang extra hahaha

    nice one duking!

  5. Pahabol:

    Pongkie!!! ikaw na!

    • anne, wala akong pambayad. utang na lang muna ulit. sinubukan ko lang ilagay yung sarili ko sa sapatos ng isang ofw. kulang talaga, hindi ko man lang naranasan talaga. pero siyempre, anjan kayo lagi at ‘di man tuwiran, natuto ako ng ilang bagay.

      oo, nga pong. ikaw na!

  6. Ayan na… Sabi ko na nga ba magiging lurker nalang ako sa PEBA. Mas masarap magbasa ng mga lahok kesa magsabaw para lamang may maisulat🙂

    Bumilib nanaman ako…
    Siguro syempre andyan yung “Ahahahaha, si Sir PONG!”.
    Pero as usual, Sir Duks…

    Sumasabay ito sa craze, tama nga. Una, computer-course graduates, tas domestic helpers, tas naging nurses, tas engineers. Tas medyo mga guro na din ang umaalis at nagingibang-bansa ngayon.

    Weird nga, Sir Duks. Kung tutuusi’y may mga guro ako noong ako’y elementarya at hayskul na sa oras na ito’y dumudugo na ang ilong kaka-Ingles at kaka-intindi sa di pamilyar na lahi at kultura ng mga batang tinuturuan nila ngayon. Yung iba, di pinalad na maging guro, bagkus ay naging domestic helper, yung mga ganun.

    Yung paborito kong titser nung elementarya nasa US na nagtuturo.

    Eh siya pa mandin ang nagpamulat sa akin na mahalin ang sariling atin, na unahin ang sariling bansa na pagsilbihan, na ang mga guro’y naging mga guro para sa mga batang Pilipino.

    Hindi ko tinutuligsa ang pag-alis ng ating kaguruan. Nalulungkot lamang ako dahil madaling intindihin ang kanilang rason sa pag-alis: na mahirap ang buhay dito..

    Kaso… Kaso…

    Wala na, boploks na ang mga etudyanteng di dumaan sa paborito kong guro na iyon.
    Nawawala ang kalidad, bumabagsak ang eduksayon..

    Ah ewan… Sayang ang ating mga guro..

    At Sir Pong, ikaw na… Wa ako ma-say, basta ikaw na :))

    Last, Sir Duks, pa-shout lamang:

    MA’AM ROSAL, KUNG NASAAN KA MAN PO NGAYON SA AMERIKA, BUMALIK NA PO KAYO’T DITO NA LAMANG MAGTURO. ANG MGA GRADE 6 NI “ABSOLUTE” DI NA MAI-SPELL NG MAIGI SIMULA NANG IBANG GURO NA ANG PUMALIT SA INYO!

    • sa totoo, essa, wala naman talagang bago. nagbabago lang yung demand sa propesyong hinahanap ng ibang bansa pero Filipino pa rin ang humahangos para tugunan yung pangangailangan nila sa workforce. hindi mo naman talaga masisisi. karamihan kasi sa lokal na trabaho, hindi man lang makapagbigay ng sapat na sweldo para sa propesyon na mayroon naman ang isang tao. underemployed, underpayed, at unemployment ang problema sa atin. kung mapapansin kasi natin, hindi yata nahahanay ang mga filipino na maging mamumuhunan o negosyante sa scale na gaya ng mga investors na meron tayo dito. ang kinakalabasan, kaunting oportunidad ang nalilikha.

      pero kung mga magagaling na teacher na ang umaalis, dapat maging wake up call yun sa atin. sige, manawagan ka.

      • dito sa SG nagkakaron ng issue sa FT (Foreign Talents). nagrereklamo na yung mga locals kasi madaming trabaho na foreigner ang hina-hire. hindi naman natin masisisi yung gobyerno nila kasi kulang talaga sa tao saka talentado din naman mga Pinoy… hindi din natin masisi yung mga Pinoys na umalis sa tin para magtrabaho dito. with the same job scope, you get 4 to 5 times your salary sa Pinas. praktikal na lang din siguro kahit nakakalungkot na nauubos na yung mga magagaling na professionals sa tin gaya ng mga nurses, teachers, at madami pa..

  7. saludo ako sa nagsulat…
    saludo ako sa buhay na nasa akda

    saludo ako kay duking
    saludo ako kay pong!

    goodluck sa peba entry mo sir duking!

  8. “Dahil sa limampu’t-anim na estudyanteng nasa harapan ko ngayon, bahagi na ako ng kung anuman ang magiging sila sa hinaharap. Kasama na ako kung saan sila dadalhin ng kanilang paglalakbay…”

    because a teacher affects eternity!

    akala ko naligaw ako sa blog ni pareng pong. haha! at umi-ekstra pa talaga ko sa peba entry na ‘to. walang duda, panalo na ‘to! congrats, ser duks! \m/

    • heto, seryosong bagay na gusto kong ibahagi sa mga magagaling na kaibigan na tipong halos nagsisimula pa lang sa kani-kanilang mga napiling career:

      mas mabuti, sa tingin ko lang naman, na hanggat maaari, yung direction ng bawat isa ay patungo sa pagtuturo o kaya ay pagiging entreprenieur.

      either maglingkod ka sa napakarami o gumawa ka ng negosyong magbibigay hanap buhay sa marami. alin man sa dalawa, ako kase, na realize ko ngayon na halos sa tagal kong nagta trabaho, pagyaman lang ng isang kapitalista ang pinaglalaanan ko ng higit kalahati ng oras ko araw-araw.

      hindi ako magandang halimbawa. huwag niyo akong tularan.

  9. ang mahalaga’y nagbabalik at magiging isa muling dahilan ng pagkatuto at pagbuo ng mga pangarap ng mga kabataang magiging dahilan upang ang bayang ito ay hindi na muling magbalik sa hirap.

    Saludo ako sa sinulat mong ito, at saludo rin sa mga guro’ng tulad ni Pong.

    P.S. Kala ko rin blog na ni Pong tong nadalaw ko. ahahaha. nagdouble take ako talaga.🙂

    • miss kaye, salamat.

      sinulat ko ‘to habang iniisip ko na pangarap kong makita si pong na nagtuturo sa alinmang public school o state university. naniniwala kasi akong magandang example si pong ng isang mabuting teacher. sa gayon, baka nga hindi lang maging pangarap na lang ang magandang bukas na pangarap nating lahat.

      magandang araw sa iyo miss kaye at sa buong family niyo ni sir bong. ingat lagi!

      • Naalala ko lang. sa kumpanya namin, meron kaming scholarship program para sa mga education majors ng UP. Ang tanging kundisyon lamang namin sa kanila, bukod sa mamintina nila ang kanilang mga marka, ay ang magtrabaho sa isang public school for at least two years matapos sila makapagtapos ng pagaaral. sa ganoong paraan, may component na giving back to the society para sa kanilang natamong libreng paaral. Hindi kikita ang aming kumpanya rito dahil ang gusto naming makinabang ay ang mga public schools. Sobrang mababa na kasi ang kalidad ng ating mga public schools dahil nawawala na rito ang mga magagaling na guro. Kaya lang di talaga natin masisisi ang mga magagaling na guro kung mas uunahin nila ang kanilang pamilya kaya sila nagpupunta sa ibang bansa. totoo naman kasing napakahirap ng buhay dito sa atin. Matagal na rin akong inaawitan ng dati kong eskwelahan para magturo doon ng English subject sa high school. hindi ko matanguan dahil napakababa ng kaya nilang ibigay. Sa lumalaking pamilya, hindi kakayanin ang pasahod na inaalok nila sa akin, maliban pa ang mga benepisyong nakukuha ko sa ngayon. pero siguro kapag nakatapos na ang mga anak ko, at sarili na lang namin ni daddy bong ang iniintindi namin, baka sakali naisin kong magturo. pero kung magtuturo ako, gusto ko yung elementarya pa lamang para matatag ang kanilang basic foundation. napakwento lang naman.

        at tulad mo, umaasa ako na si Pong ay mababalitaan ko isang araw na nagtuturo na muli sa ating kabataan. Maswerte ang mga estudyanteng tuturuan niya🙂

      • yung company ko, miss kaye may mga programs din to support some scholars pero i think mas kahanga-hanga yung goal nung sa company nyo. nasabi ko yun kasi yung sa amin, they are sponsoring the future employee dahil naka bond sila sa contract to work in our various industry and fields within the summit after ng graduation. it works both ways sa company at sa individual na involve sa nasabing programa.

        not bad, sa tingin ko, as long as isang araw, mayroon na namang isa pang juan dela cruz; tax payer.

        like pong, i know na magiging magaling ka ring teacher, miss kaye. yung SSDD post mo about dun sa advice mo kay Kara, isa yung concrete evidence na hindi lang subject matter ang matutunan sa katulad mo but life lessons as well. Sana nga, sana nga. Kahit ako, i dream to do things after ng retirement ko sa financial responsibilities sa pamilya. yung tipong pwedeng pwede nang gawin na hindi kailangang maglaban ng mga bills at ng pakiramdam na fulfillment sa sarili.

        all in all, hindi lang naman OFW ang bagong bayani kundi lahat ng Filipino na naniniwala pa rin sa responsibilidad nila sa lipunan, patuloy na nangangarap ng mas magandang buhay at independent na nagtataguyod ng ikabubuti ng sarili at mga mahal sa buhay. small acts na rin yun ng pagiging Filipino at bayani.

  10. napakaganda ng inyong lahok.. sir duking… medyo nalito ako.. kung si sir pong ba o sir duking.. hahahaha… susuportahan ko ito… Taas dalawang hinlalaki..😀

    • isa pong malaking karangalan sa akin sa maliit mang paraan na gaya nito ang pagpayag ni sir pong na pansamantala kong ilagay ang aking sarili sa kalagayan at karanasan niya bilang dating OFW na nagbalik-bansa.

      alam ko pong wala ito, munti man sa tunay na kwento ng sakripisyo at tagumpay ng mga OFW na gaya ni sir pong.

  11. ang hirap mo namang kalabanin sa ganito kuya e. ang galing. natulala ako. nawala yung ico-comment ko. hayaan mo ng magcomment ako ng walang katuturang anything. sana makauwi ako ng dec. makita ko kayo sa awarding. goodluck!🙂

    • ang maganda sa PEBA, batay sa aking obserbasyon, ay yung panghihikayat nila ng paglahok na hindi nakabatay sa pakiramdam na nagpapaligsahan yung mga tumugon. kaya magsulat ka na, higit sa akin, mas may karapatan kang mag kwento dahil ikaw mismo at ang karansan mo riyan araw-araw ang magpapatunay at magbibigay kahalugan sa salitang bagong bayani.

      wish ko din na makauwi ka rito. ang sarap pa rin ng paskong pinoy.

  12. nice ser duking. nakakaantig ang talambuhay ni ser pong.😦

  13. Aww nakakatuwa na mayroong mga sulatin na sumasalamin sa buhay ng mga OFW tulad nito. Namulat ako sa kaisipang ang pagiging guro ay hindi maituturing na isang propesyon bagkus ito ay isang bokasyon, kailangan ng isang guro ang matinding pagmamahal sa bayan para mapanatili sila sa silid aralan pero mahirap naman talagang kalaban ng nag nag aalburotong sikmura at walang katiyakan tulad na nga ng sinabi mo. Wala pa akong makitang konkretong solusyon ang ating gobyerno para hikayatin ang mga guro na bumalik sa mga silid aralan para patuloy na humubog ng mga propesyonal na mag aahon sa atin sa kahirapan sa hinaharap pero umaasa pa rin akong darating ang panahon na iyon.

    Wala akong masabi sa mga propesyonal na iyong binangggit tulad ni Ms. Kaye, Ms. N, Engr. Anne and Che, atty. Rob and Tarbs , lalong lalo na ang paborito kong walang kwentang taga kwenta na may titeng maugat na si Lioloco!!!

    Paglilinaw: Si Engr. Anne ba na iyong binabanggit eh si Sphere? LOL!

    Syempre naman para naman hindi masayang yung text, email, FB message, at Tweet ni Pong sa akin, sige babatiin ko na rin si Joseph Quiambao Austria, ang isa sa pinakamatalik kong kaibigan na parating kumukulet sa akin dati na ngayon ay nasa pinas na (mabuti naman) hahaha.

    Congratulations in advance sa pagsali mo sa PEBA sa taong ito Duking.

    Patawin mo ako sa haba ng sinabi ko, na eksayt lang :)))

    • dear ser roland,

      bakit naka-private ang blog mo?

      nagtatanong,
      lio

      • Dear L,

        Nagpapadagdag ako ng floor Lio kaya nakasara muna hahaha. Asus wala yan, babalik din iyan, nag iinarte lang ng konting konti wahahaha. Musta na ikaw? musta si Dude? wag kalimutan iho ang pangako mong pasasabihan mo ako sa pagpapasakal ninyo okies? Ingat parati iho at tumino ka na kay dude hahaha.

        Nagpapaliwanag,
        Roland

  14. indeed, sir WP. katulad nga ng binahagi ni lio, ‘a teacher affects eternity…’

    bilang mga propesyunal sa iba’t ibang larangan, di matatawaran ang galing ng pinoy at dedikasyon nila sa trabaho. yun siguro yung bentahe natin sa world market bilang workforce na kailangan ng mauunlad na bansa at yung nasa stage ng pagpapaunlad.

    kaya nga ang sadyang hamon sa pamahalaan natin lagi eh kung kailan nga ba ang tamang panahon na siya mismo ang gagamit ng mga talentong mayroon tayo. siyempre, mangyayari lang yon kapag ang naging definition natin ng pag-unlad ay nangangahulugan din ng pag-unlad ng manggagawa at lipunang magsusulong nito.

    si engr. anne, ah siya po yung kilala nating lahat na photographer na may nice legs. hahaha!

    salamat, sir WP. hilaw man ako sa karanasan bilang ofw, natutuwa po akong kahit sa maliit na paraan, nagamit ko ang kakayahan kong magsulat para sa inyong lahat.

  15. lels ka Duking =)

  16. walang tulak kabiging napakaganda ng nahabi mong kwento. masasabi kong ang bawat salita’y tumatama sa puso.. ang galing din ng ginamit mong ihemplo at di ka nagkamali sa ginamit mo. Si kuya PONG ang isa sa mga makabagong bayani ng Pilipinas. Isa ako sa mga umiidolo sa galing niya at kababawang lood…

    Panalo ito… Pangako….

    • salamat.

      si PONG talaga ang pumasok sa isip ko habang iniisip isip ko noon na gumawa ng entry para sa PEBA. higit kasi sa kababaang loob, laging patas si pong para magbahagi ng mga ‘ups’ at ‘downs’ ng buhay niya rito at buhay niya noong nasa ibang bansa pa siya.

  17. Alam mo na ang sasabihin ko kuya duks.
    Dakal a salamat.
    Kagaya ng nasabi ko na nawa’y maisabuhay ko ang nakasulat dito, higit pa sa kati ng nunal sa aking mga talampakan.
    Para sa lahat ng mg OFWs, mga nagbabalik na OFWs at sa mga papalaot pang OFWs.
    Maidagdag ko lamang, noong minsan ay nakipagkita ako sa mg co-teachers ko sa academy, kamustahan at lahat, may mga ilang nasa public schools na, merong nanatili sa academy pa rin. Iisa lang ang aming napagtanto, iba ang maging isang guro. May mga makakasalubong ka sa mall na magmamano na naging student, may mga matagumpay na rin sa kanilang larangan.

    Nawa talaga mahintay ko ang para sa akin, kahit sa Pisay Clark na hanggang ngayon ay nanghihinayang ako dahil di ako agad pinauwi ng aking employer, kagaya ng sabi nung director, baka di pa panahon para kami’y magkatrabaho, malay ko daw next school year.

    Ang isang guro daw ay pwedeng i make or break ang kinabukasan ng isang mag-aaral. Doon tayo sa making dahil ang bawat isa ay guro sa tunay na buhay.

    Mabuhay po kayo kuya duking. Sa Diyos ang papuri! Ikaw na the best ka!

    • salamat pong, at very short notice, napapayag kita.

      salamat kase inspirasyon ka ng post na ito at salamat dahil alam ko na may magaganda kang pangarap na hindi lang laging pang sarili.

      i hope, next school year or this coming sem, andun ka na sa classroom para makapag turo. ibahagi mo sa kanila yung karanasan mo bilang OFW. marami silang pwedeng matutunan dun.

      ingat lagi pong. muli, maraming salamat!

  18. naiyak naman ako.

    sobrang ganda ng naisulat mo. *clap clap*

    para talaga sa akin, isa sa pinakadakilang propesyon ang pagiging guro. lalo ko pa silang na-appreciate dahil araw-araw ako ngayon sa mga public schools at lagi kong kausap ang mga guro.

    mabuhay ka na magaling na manunulat! mabuhay ang mga guro!🙂

    • manang, salamat lagi-lagi.

      nakita ko nga yung mga pics sa naging mga pagbisita mo sa mga public schools. nakakatuwa naman na bigla mong naisipan gumawa ng ‘visitas-escuelas’ haha!

      dati, nakapanood ako nung docu tungkol dun sa mga teacher na nasa mga liblib na kanayunan. mga natawid pa ng ilog tapos yung facility na ginagamit nilang eskwelahan eh mga giray lang na bahay kubo. sobrang nakakalungkot, ang layo layo nun kumpara dun sa mga pictures sa site mo ng mga building ng mga maayos na school although sadyang kulang pa rin talaga yung mga classroom para sa pangangailangan ng lahat ng mag aaral.

      anyway, sali ka din and support PEBA. i think you have a very important to say sa experience dahil alam kong yung mga kuya mo, OFW din.

      ingat lagi manang!

      • meron nga dating kinuwento yung kapatid ko na napanuod din niya na docu, yung guro laging pumapasok na basa kasi tumatawid pa sila ata ng ilog o dagat o kung ano mang anyong tubig [lalim ah, hehe], tapos lagi daw tumataob ang bangka kaya ayun.

        sabi ko nga sa kaibigan ko, kapag pinalad ako tapos yumaman ng bonggang bongga, gusto kong magtayo ng foundation na tutulong sa edukasyon o eskwelahan na libre, syempre masyadong mataas na pangarap na yun.

        eh, nahihiya po akong sumali sa mga contest tungkol sa pagsulat kasi mali-mali akong magsulat eh, nandito lang ako para humanga.
        🙂

        ingat din lagi duking!🙂

      • wala namang imposible, manang. maniwala ka.

        totoo yung lahat ng kwento na yun. nangyayari talaga. mga teacher na underpaid at overwork. schools at facilities na talagang nakakaawa ang kalagayan at siyempre, yung kakulangan ng mga gamit kasama na rin yung kakapusan ng mismong mga mag-aaral.

        sana nga tumama ka sa lotto, manang. mas maige nang ikaw ang tumama kesa sa akin dahil kung ako ang mananalo, magpapatayo lang ako ng maraming beerhaws. wahahaha!!!!

  19. Salamat sa mga katulad nyong may pagpapahalaga sa mga kababayan natin sa ibant-ibang sulok ng mundo, mabuhay po kayo.

  20. The best story ni sir Pong. :”>

  21. kung hindi ko alam na nagpapapak ka lagi ng Chippy eh masasabi kong galing sa puso at balunbalunan mo ang kwentong ito! ang galing Duks!! para lang nasa loob ko yung binabasa kong kwento…

    miss na kita!

    • langyah ka,poks. porke ba nagpapapak ako ng chippy eh hindi na ko nararapat sa kwentong makabuluhan?haha!

      saka kwento ‘to ni pong. kumbaga, sinukat ko lang yung sapatos nya saglit. ikaw sana gagawin kong subject kaso baka walang sumeryoso sa entry ko. pam-PEBA kasi, poks! pam- PEBA!

      ikaw na poks. ikaw na ang may Golden Voy!

      • akala ko nga sayo yung sapatos na suot mo eh,hihihi

        buti na lang hindi mo ginawang subject ang p0kw4ng…baka malagay lang yan sa Xerex..ahahaha! ay ang haba ng buhok ko ngayon Duks dahil kay GV…di ko nga inaahit at para may masabitan naman ang mga pawis ko sa kilikili,hihihihi

      • haha! alam mo rin kung saang kategorya ka mapapalagay sa dyaryo ano? hello sa’yo poks. i’m more than happy dahil at least man lang, mababawasan ang reklamo lagi sa buhay na kulang ang sex life mo at tigang ka at etc etc hahaha!

        pero take it easy. alam mo na, baka bumagsak ang makina ni sir GV kung ihaharurot mo ng ihaharurot. kumbaga, consider mo munang ‘break-in’ hahaha!!!!

  22. Na – Touch naman ako sa post na to …

    Hmn, Hindi ko alam ang pakiramdam ng Pumunta sa ibang bansa para magtrabaho, pero nararamdaman ko rin ang feeling na namimiss ang mahal sa buhay dahil sa pinili ko ring lumayo para mas makapagtrabaho ng mas malaki laking sahod…

    hmn. kaya nga lang, unlike kay Sir Q.. hindi siya pedeng umuwi sa pampanga every day off …😦 hanaga ako kay kuya pong …

    at sa lahat ng mga bagong bayani..😀

    • salamat, yvarro. ako man, ni sa hinagap, wala akong karanasang personal kung ano ang pakiramdam ng mangibang bansa para magtrabaho doon. sana nga, hanggat maaari ayoko.

      iba pa rin kasi yung andito tayo sa piling ng mga kaibigan at mahal sa buhay. theres no place like home ‘ika nga.

  23. Ang ganda nito kuya Duks, ang galing mo talaga🙂 Karapat-dapat ngang matawag na bayani ang mga tulad ni kuya Pong ^^

    • thanks jec. siguro mas madaling sabihin na kahit kanino i-atas na gumawa ng kwento ng sa gaya ni Pong o ng sinupamang OFW, magiging napakaganda ng nilalaman dahil na rin sa iba’t-ibang karanasan ng mga katulad nila.

  24. abot tenga ang smile ni kuya pong. hehe.

  25. It’s another outstanding PEBA Nominee… Saludo ako sa’yo Duking sa magandang pagkakasulat. At syempre kay Pong sa pagpapahiram ng kanyang karansan bilang OFW.

  26. Wow.. Lagi na lang ako natatameme. Nabablangko ang utak ko, nawawala ang ikokomento ko..

    Napakagandang obra po.

    • leah, thank you.

      again, kung maganda man ang pagkakasulat ko nito, iyon ay dahil poging pogi ang inspirasyon ng aking kwento.

      meet pong. binata. matalino. mabait. at higit sa lahat…mapagmahal!😀

  27. Hindi ko akalaing mapagdedesisyunan mong sumali sa PEBA. Natutuwa ako at isa ka sa mga kalahok sa taong ito. Nakakatuwa. Bilib na bilib talaga ko sa kakayanan mong magsulat. Wala ka pang naisulat na hindi ko nagustuhan. Kung magkakaron mulit ng botohan at maaring bumoto ng ilang beses, asahan mong iboboto ko tong lahok mo, sama pa ng sampu!

    Goodluck sa PEBA Sir Duks!

    Mabuhay ka!

    • salamat po,twistedFates.

      last year, gumawa po ako ng support entry, unofficial pero nevertheless, ginawa ko rin po iyon sa parehong layunin ngayon na bigyang karangalan ang mga OFW natin.

      again, marami pong salamat sa pag suporta. hanggang sampu nga po pala ang maaari ninyong piliin although mukhang kokonti pa lang kami sa ngayon. salamat po sa tuwinang pagbabasa. ingat!

  28. laging po ng sinulat ninyo nakaka inspire…. Mabuhay ang mga OFW

  29. Congrats sa iyo Duking at kay Pong na iyong inspirasyon. Tunay na magiging inspirasyon kayong lahat ng susunod na henerasyon.

  30. magaling po.. gud luck sa PEBA🙂

  31. Congratulations! All the best.

  32. congrats kuya duking! wahhhh nakakita ako ng celebrity kagabi wohohoho!

  33. ngayon lang naligaw dito sa kaharian mo sir duKING, pero tumulo ang luha at sipon ko sa kwento mo/kwento ni sir pong, at lalo’t higit sa mga komento ukol sa mga guro. nais ko rin maging guro sa hinaharap, pero sa ngayon kailangan ko munang tugunan ang pangangailang ng pamilya ko at matupad ang mga iba ko pang pangarap. pero balang-araw…balang-araw, magiging guro din ako, at matutupad ko rin ang ultimate dream ko. salamat dito sa post, hindi man ako isang ofw, may mga kapatid naman akong ofw kaya naka-relate ako dito. CONGRATS duKING!!🙂

    • thank you po. indeed, bahagi tayo ng isang lipunang ang isang pundasyon ay pinapatatag ng mga OFW. isang napakalaking katuwaan po sa akin na ihandog ang parangal para kay sir Pong. Ang kwento po talaga niya ang nagbigay ng tagumpay sa ginawa kong salaysay.

  34. walang kupas! congratulations sa inyong dalawa Duking at Pong. nagbunga naman ang inyong napagandang kwento, TOP1!. Mabuhay ka insan Pong. Mabuhay ka duking!

    ngayon lang ulit napadpad dito ang batangmangyan. see u on saturday! ikinagagalak ko na makilala ka.

  35. Wow! Congratulations duks!

  36. I love this kwento! I super love it. ^.^ I was curious talaga sa title. It’s catchy kasi mahaba siya. ^.^ Pero awesome, super nice. My family is spiced with different kinds of teachers, kahit ako online teacher, teacher pa rin. Felt na felt ko ang hirap nila. At pag tinatanong ko sila bakit sila nagstay sa pinas at dito nagturo kung me talinong pwede naman nilang dalhin sa labas, ang sabi lagi ng isa kong lolo na bisor na sa distrito noong nagretiro ay “Kung aalis kami, sinong mag-mamatanda dito?” *mag-mamatanda is a term in Tagalog that mean supervise* His wife is a teacher in a public school until she retired and they have hoards of grateful and man successful students who come to their home when they come back to the country. And true enough, those people are eternally grateful for the inspiration their teachers have given them.

    “Sir/Ma’am, kung hindi mo ako tinutukan baka wala ako ngayon sa kinalalagyan ko.” is what I usually hear from their students, with their children, smiles on their faces, as they tell about their adventures in the adult world. My lola (tita) sits and smiles asking more stories and I can see in her eyes that she feels like her effort was well worth it.

    • thank you po pala sa pagdalaw at congratulations din po sa nakaraang PEBA.

      indeed, napaka meaningful ng propesyon bilang isang guro. bagamat talagang kaakibat ng napakalaking sakripisyo, pagpupuno ng napakaraming kakulangan sa education system at the same time, pagtataguyod sa indibidwal na kapakanan ng estudyante bilang pangalawang magulang, sobra talagang kahanga-hanga yung ambag nila sa lipunan. marami akong teacher dati na tumandang mga dalaga at binata. hindi na ako nagtataka kung bakit. siguro, mas nakita nila sa pagtuturo yung isa pang kahulugan ng pag-ibig.

      sa nagbabagong panahon, sana marami pa rin ang pumipili sa larangan ng pagtuturo bilang propesyon. naniniwala pa rin ako na ang pinakamatatag na pundasyon ng bansang maunlad ay sinasalamin ng dunong at bilang ng mga taong nag-aral.

      again, salamat po sa pagdalaw.

  37. mabuhay ka duking at ang teacher na isinilarawan mo sa malaobra mong sulatin. ang totoo ngayon ko lang natagpuan ang talaan mo at nalulungkot ako dahil hindi ka na gumagawa ng pautot ngayong 2013. ibigin mo sanang imungkahi ko na magsulat ka pa at mang-inspire ng libo libong taong gaya ko.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s