they keep fallin’

Hapit ang takbo. Ang dating binabaybay ko ng kalahating oras, kailangan kong kunin sa beinte minuto ngayon. Nakasalalay ang mas mataas na sweldo, mas makabuluhang hamon ng trabaho, at oras ng pag-pasok na hindi na parang saranggolang walang kilya. Mas madali nang planuhin ang mga araw. OK lang na na-late ako kahapon. OK lang na ma-late ako bukas. Pero hindi ngayon. Masyadong makitid ang nakabukas na pintuan ng oportunidad.

Biglang huminto ang jeep sa unahan ko. Hindi kakayanin ng preno. Hindi ko na sinubukan. Umiwas ako ako pakaliwa. Big-bang theory demo in the making. Hindi tungkol kung paano nabuo ang universe, kundi paano magwawakas ang sarili kong universe. Bahagya ko pang naulinigan ang ga-buhok na paglampas ng side mirror ng truck mula sa suot kong helmet. Saka ang realization kung bakit biglang huminto ang jeep na sinusundan ko. May batang biglang tumawid. Agap ako ng preno. Alisto ang bata. Siya naman ang ga-buhok ko nang mahagip sa kanyang dagling pag-atras pabalik mula sa gitna ng binabalanse kong takbo sa kumanan-kumaliwang naka-preno kong gulong na lumalaban sa friction ng kalsada.

Close call. Marahan kong itinabi ang motor ko sa gilid ng kalsada. Niluwagan ko ang kurbata sa leeg ko saka binuksan ang butones ng long sleeve na sumasakal sa hinahabol kong hininga. May mga bagay talagang hindi bagay sa akin. Katulad ng hinahabol kong posisyon sa trabaho. Katulad nitong kurbata at longsleeve. Katulad ng cellphone kong mas malakas pa ang hilik kaysa sa alarm.

‘Hello, sir! Pasensya na kayo pero ‘di ako makaka-attend ng panel interview ngayon…blah blah blah’ Mahaba pa ang naging paliwanagan namin sa kahalagahan ng ganito at ganyan at opportunity knock once blah blah blah career ladder blah blah blah. Basta ako, ayoko na. Sumingaw na ang pressure cooker. Sa tagal inapuyan, nilagang kamote lang pala ang laman- Ako.

Ako at ang pagkakataon na ayaw makibagay. Katulad ng cellphone. Katulad ng kurbata sa leeg ko. Katulad ng batang parang walang nangyari at itinuloy lang ang paglalakad sa kabilang kalsada habang bitbit sa likod ang kanyang back-pack. Tuloy ang buhay.

Tagaytay. Umaga. Tumatagay. Ganun ang ginawa ko.

Kung may paglalabasan ka ng utot at hinanakit, wala nang gaganda pa sa lugar na ito. Malapit sa ilong ng Diyos. Saka unti-unting lalamig para bumaba sa kapatagan para amuyin naman ng sangkatauhan.

Kung may marunong mag handle ng bad trip, isa siguro ako dun. Gusto kong maniwala. Gusto kong maniwala na kapag may pintuang nagsara, may nagbubukas. May nagbubukas ng beer 8:45 ng umaga. Ako.

Ilang dipa mula sa sinisilungan kong lamesa, napansin ko siyang gumuguhit. Naka-upo sa malawak na damuhan. Sipat-guhit sa pagitan ng malawak na tanawin ng Taal Lake at sketch book na nakabukas. Hawak ang lapis. Marahil, hawak din niya ang oras. Marahil, hawak din niya ang sarili niyang buhay.

Ako-mukhang tanga lang na alipin ng mundo ng iba. Nagpipilit maki-bagay. Nagpipilit sumabay. Heto’t tumatagay. Hay, buhay.

Iwinaksi ko muna ang hinanakit pansumandali. Ginawi ko rin ang aking tingin sa malawak na tanawin ng Taal. Ganun na lang sana ako. Nakatago sa paanan ng mundo pero dinadayo. Maliit lang pero alam mong may ibubuga. Small but terrible. Hindi kagaya ko- bopol. Langyah.

Muli niyang inagaw ang atensiyon ko. Nakita ko siyang ibinuhol pataas ang kanyang buhok. Lumitaw ang batok niya. Tang-ina ng Taal. Kahit bumalik ako bukas o next year, andun pa rin yun. Si Miss Artist, hindi ko sigurado. Lagok. Sunod-sunod habang nakatitig ako sa mapang-akit niyang batok. Kung may mag uutos sa akin na tambakan ang Taal para tingalain imbes na dungawin mula rito sa kina-uupuan ko kapalit na mahalikan ko ang batok niya, payag ako. Joke lang. Ang babaw ko naman kapag ganun. O sadyang malalim ang Taal para tanggapin ko ang hamon.

Sinusundan daw ng ulan ang taong talunan. Hindi para paliguan kundi para mag mukhang basang sisiw. Nagkaroon bigla ng emergency meeting ang mga ulap. Naging kulog ang kanilang daldalan. Parang mga laway na nagtalsikan pababa ang patak ng ulan. Nakita ko siyang dali-daling isinara ang hawak na sketch book saka tumakbo sa gawi ng sinisilungan kong mesa. Today is sunny day, sa loob-loob ko. Sa kabila ng papalakas na ulan.

Ginaya niya ang pagkaka-upo ko sa mesa. Nakapatong ang paa sa upuan. Saka niya pinunasan ang nabasang cover ng hawak hawak niyang sketch book gamit ang laylayan ng suot niyang t-shirt. Basa ang kanyang mukha at braso. Ini-abot ko sa kanya ang panyo na hinugot ko sa bulsa ng aking pantalon. Nagdadalawang isip siyang abutin. Lalo kong pinahaba ang pag aabot sa kanya nito. Tinanggap niya ito at nagpasalamat kasabay ng ngiting nakakapag-pasikip ng brief. Idinampi sa kanyang basang balat. Minsan, gusto ko na lang maging panyo.

Huhulaan ko, mahilig kang mag drowing!’ Sinabi ko yun sa kanya habang ini-abot niya sa akin ang panyo. Muli siyang ngumiti saka itinaas sa pagitan ng aming paningin sandali ang sketch book. Narinig ko siyang bumuntong hininga sa gitna ng malakas na ingay ng ulan at kalampagan sa loob ng aking dibdib.

Libangan lang. Kapag may pagkakataon.’ Tinamaan ako ng kidlat. Sa ganda ng kanyang boses.

OK lang ba?’ Tanong ko habang itinuturo ang sketch book na ipinatong niya sa pagitan namin.

Tumango siya. ‘Pangit yan…’ Marahan kong dinampot ang kulay asul na sketch book. Sinimulan kong buklatin. Sa unang pahina pa lang, alam ko nang talented sa pag-guhit si Miss Batok. Lumang simbahan. Bahay sa gitna ng bukid. Sari-saring mukha ng tao. Sa detalye, sa hagod, sa diin at gaan-alam ko. Ipinanganak siyang kakambal ang lapis at inunan ang sketch book. Hanggang dumako ako sa dulo. Ang pinutol ng ulan na guhit ng Taal.

Ang husay. Ang galing mo naman!’ Nanuyo ang aking lalamunan. Sabi ng teacher ko noong grade 1, marunong akong mag drowing. Sabi nga ni Solopika, may nagsisinungaling. Lumagok ulit ako sa bote. Saka sa sulok ng aking mata, nakita ko siyang naka titig sa akin. Nahiya akong bigla. Inilapag ko ang bote saka muling isinauli ang sketch book sa pagitan naming dalawa. Ipinunas ko ang aking kamay sa aking pantalon saka ko iyon iniabot sa kanya. ‘Ako nga pala si Duking…

Kim…’ Nag holding hands kami dahil romantiko ako. Shake hands lang pala yun, asa pa ako.

Ikinagagalak kitang makilala, Da Vinci…isa kang henyo…

Nakangiti siya. ‘Lalaki si Da Vinci, babae ako…

Walang pinipiling kasarian ang reincarnation ng isang henyo, Da Vinci…

Importante sa akin ang kamay ko…’ Saka ko naramdaman ang pagluwag ng kanyang pagkakahawak. Hinila ulit ako ng gravity. Bagsak ulit ang puwet ko sa lamesa. Tumawa siya. Idinako ko ang tingin ko sa sketch book.

‘Umaga, naka-porma, umiinom…Siguradong interesante ang kwento mo…’ Naka ngiti ulit siya.

Boring…’ Saka ko tuluyang tinanggal ang pagkakasabit ng maluwag na kurbata sa leeg ko at isinuksok sa bulsa ng long sleeve.

Wala naman akong ibang option kundi pakinggan…’ Saka niya ingi-nuso ang malakas na ulan. Kung sabagay, nakakulong kami sa ulan. Mas boring para sa mga preso ang hindi nag kikibuan.

Maiiyak ka lang, huwag na…

Sus! Hindi ka naman mukhang pang-drama.’ Sabay hagalpak niya ng tawa.

Sige na nga…’ Nag kunwari akong sumeryoso, pinalungkot ang mukha sabay tingin sa malayo. Huwag ka, tuwang- tuwa ang puso ko dahil hindi pala siya suplada at hindi ko akalain na mangyayari ang nangyayari ngayon.

Kwento mo na…’ Umusog siya ng bahagya papalapit sa akin saka dinampot ang sketch book para yakapin.

Anu kasi, eh…ah… magpapaksal sana kami ngayon ng girlfriend ko sa Huwes kaso ipinag tapat niya sa akin kanina na buntis siya at hindi ako ang ama..’ Yumuko ako para itago ang ngiti ko.

Hindi nga? Seryoso?!’ Usisa niya habang hinahabol ang pagkakayuku ko.

Syempre, hindi!’ Saka ko sa kanya ikinwento ang buong masaklap na pangyayari sa na-unsiyami ko na namang career na nagsimula sa mahinang alarm ng cellphone ko, ang jeep na muntik ko nang mabangga, ang trak na muntik nang maka bangga sa akin, at ang batang nakaligtas sa jeep at sa akin.

Humaba pa ang kwentuhan namin. Nakita ko na lang siyang dinampot ang isa pang bote ng beer sa aking paanan at uminom mula rito. Tawanan. Abot ng bote. Inom ng bahagya. Kwentuhan. Tawanan. Sa gitna ng malakas na ulan at umaagos na tubig pababa ng Taal. Para kaming baliw na iniwan ng Noah’s Ark habang naghihintay kung lulunurin nga ba kami ng ulan.

At dumami pa ang araw na gaya noon. Kapag wala siyang pasok. Kapag wala akong pasok. Kahit anung pwedeng mapag kwentuhan. Kahit anung pwedeng pag-ubusan ng oras. Naging talim ng lapis akong gumuguhit sa pahina ng kanyang buhay na wala pang laman. Ang bawat hibla ng kanyang buhok ay naging pinsel sa dibdib kong nag mamarka ng iba’t ibang kulay para takpan ang madidilim nitong ala-ala.

Anim na buwan na ang nakalipas. Natuyo na marahil ng nag daang tag-araw ang bakas ng hindi sinasadyang bugso ng ulan sa kanyang puso. Nagsasara na rin ang pintong minsan ay nagbukas sa akin.

Ayoko ng false hope. Gusto ko lang ng closure. Independence Day naman.

Buntis ako at hindi ikaw ang ama.

Binigyan niya ng ending ang kwento namin na hindi ko alam kung paano tatapusin. Bumalik sa akin ang birong ginawa ko lang dati.

Hay, buhay. Ang sarap itagay.

60 responses to “they keep fallin’

  1. alam mo ba anong reaksyon ko after kung mabasa ito kuya duking?

    gusto kung tumawa..hahaha, bahala ka sa iisipin mo.. hindi naman sa pinagtatawanan kita pero magaan pala sa loob na malaman na mas may masaklap pa ang istorya ng iba kesa sakin..hehehe

    ako na ang masama, ako na! basta gusto kung tumawa..bwahahaha

    • hmmmm… hindi naman ka naman siguro magagalit duks, pero napangisi ako sadulo ng kwento. hehehe…

      anini, masama ka nga. talagang tawa ang sayo ang sa akin ay ngite lang. 🙂

    • @tinker : hahaha. sana nakuha mo yung lahat sa loob ng kwento. gusto kong isipin na meron itong moral lesson. wala pala pero kunwari meron.

      NBSB ka. how can you compare kung nagsisimula ka pa lang? huwag kang matakot sa mga ganitong kwento. fiction lang ‘to. maraming pangyayari pa ang magaganap sa buhay mo, huwag mong tanggihan dahil lang sa hindi mo alam kung paano iyon matatapos at kung matapos man ito sa malungkot na ending, look back sa masasayang memories. naks. para akong expert. panggap lang. hahaha!

      @ davin, sige tol. sermunan mo yang si aninipot. hahaha!

  2. Wow ang galing mo talaga mag sulat idol!

    X links please?

  3. Ouch. Hindi pala ikaw ang ama. Sana ako na lang. Tagay pa.

  4. Ang ganda ganda ng pagkakahabi mo nito,duking. Para tuloy gusto kong magsabing nice post, ahaha! 🙂

    • pwede ka naman talagang mag nice post. nabasa ko na ‘to ng mga sampung ulit bago ko napag desisyunang i-share. i think, marami pa akong mga fiction na gaya nito ang isusulat next time. malulungkot pero pipilitin kong isulat sa paraang masaya.

  5. lahat ng emosyon pwede at pasok sa post na to, natatawa ako pero mas mataas ang porsyento na nalungkot ako pero ewan ko ba natawa pa din ako bahala ka na jan 🙂

    nice post!

  6. tuwing bumibisita naman ako dito ang ganda ng mga kwento, mahaba pero di nakakatamad basahin. wala na ako’ng masabi. mixed emotions.

  7. sana mas nakilala pa kita ng higit pa sa pagiging klasmeyts nung highschool.natutuwa kasi ako sayo kasi nakakapagsulat ka pa rin ng malikhaing kwento. (na pinangarap ko rin minsan isang panahon!) naaliw ako ng masyado, tamang salita, damdamin at may pitak ng katotohanan kahit kathang isip lang. madaling unawain at nakaka aliw basahin. pilit kong isatitik ang aking kasisipan sating sariling wika. paumanhin ngunit muli salamat at mabuhay ka klasmeyt! 🙂

    • thanks, art.

      hindi pa naman huli para magsulat specially alam ko na kayang kaya mo talaga. start your own blog kaya? maniwala ka sa akin, hindi ka magsisisi. maganda rin siyang libangan.

  8. parang ang sakit ng ending..mas masakit pa kesa nong tinira ako sa ilong!

    ang cool lang nong lalaki sa taas…black at white tapos green na chuck! hihihihi

    • hahaha! hindi naman siguro kasing sakit ito ng matira sa ilong.

      pagmahaba yung oras na ginugol ko sa pagsusulat, tinatamad na akong gumawa ng doodles na maraming frames at makulay. kakapagod din kaya.

  9. iba talaga ang dating nang mga sinusulat mo sir duking.

    idol!

    bow!

  10. awwww…nice story. ewan kung fiction. haha!

  11. Hindi ikaw ang ama eh sino? Bakit hindi sinabi kung sino?!

    At tulad ng sinasabi ko sa mga kakilala ko, hindi ako masyadong nagpupunta dito sa kuta mo kasi alam kong mahihirapan akong intindihin ang mga kwento mong ginagamitan ng malalalim na salita, tingnan mo ngayon halos naubusan ako ng dugo tapos bitin pa sa ending ng kwento.

    Syet tama ang tsismis, mas magaling kang di hamak magsulat kay Kulisap 🙂

    • sa tagalog naman po ako nagsusulat madalas sir WP. sa pag-aakala kong mas madaling maiintindihan ng mga kababayan nating nagbabasa.

      hindi po totoo ang tsismis. ‘di hamak na si jkul ay mas magaling magsulat kaysa sa inyong abang lingkod. nagkataon lamang na magkaiba ang tema at balangkas ng aming sulatin kung kaya’t may mga bihirang pagkakataon na nagmumukha lamang suka ng lasing na kumalat sa estribo ng bus ang kanyang likha. hahaha!

  12. kapag binabasa ko ang mga posts mo, hindi ko mapigilang mapangiti, kiligin, magulat at *insert a not-so-wholesome word here*. iba ka talaga, duking. 🙂

  13. Aaaaaawwww… saklap naman! Si MissBatok talaga oh! Tsk!
    Kung di mo sinasabing fiction lang mga sinusulat mo lage kong mapapagkamalang ikaw talag yon. Damang dama eh… hehehe

  14. …kesaklap naman nyan.. di ko alam ang sasabihin ko.

    bat kasi may mga taong kailangan pang makilala mo na dadagdag lang sa gulo ng mundo mo. ang labo.

    • siguro, kailangan talagang makilala mo sila para magkaroon ng tamis-asim, luwalhati’t-kirot, tag-ulan at tag-araw, tag-sibol at tag-lagas, black en white, chicken and egg, ham and cheese, fries at ketchup, lugaw at tokwa, tinidor at kutchara ang buhay at ang life.

      mahirap kasing tumanggi sa experience. 🙂

  15. nice one idol!
    kala ko ibang tauhan na naman eh…
    nangyari ba talaga sa’yo ‘yun?

    … masaklap nga…

    • wala na kong maisip na pangalan sir mao. baka naman magalit ka kung ikaw ang ginawa kong fictional character sa ganitong kwento. hehe!

      nangyayari rin ito sa marami. paminsan-minsan. o kaya, madalang.

  16. pakengshet men. ang lufet naman ng tadhana. nakikiramay ako sa bida.

  17. At least may closure na! xD
    Napansin ko yung berdeng shoes nung doodle
    I conclude na non-fiction ito.
    hahahaha!

    medyo nakarelate ako.

  18. ei, masyado nga palang cute ang drawing. at masyadong goo-goo eyed ang bida. parang hindi lang tropical deppression ang tumatama sa kanya, hihi…

    happy weekend po! 🙂

  19. Nabasa ko na ito, matagal na. Dahil matagal na, limot ko na ang sasabihin ko. Sisihin mo ang KM2

  20. tagalog dictionary please!

    parang kailangan kong basahin ng tatlong beses di ko naggets ng una. hehe.

  21. ang galing neto! parang ngyari talaga sa totoong buhay! hahaha..

  22. magaling magaling ang husay ng pagkakakwento mo pero muntik na akong antukin sa haba ng mga komento mo, makasingit pa kaya ako. tanong ko lang totoo ba lahat yong story mo o may halong kathang isip mo lamang, pero in fairness okay.

  23. fiction na sinahugan ng sariling karanasan. ang haba pero binasa ko hanggang sa dulo. napakagaang ng pagkakalahad, ser. para akong hinihele ng mababang ulap sa taal. ang 1-million-peso question: sinong babae sa teleserye ng totoong buhay ang pinaghugutan mo ng inspirasyon kay miss batok da vinci?

  24. gusto ko ang last line na siguro kung isa siguro sa mga taong sa inuman idinadaan ang problema.

    Kung gayon din lamang…wala na akong sasabihin sa isang mahabang babasahin este mahaba-habang journey na ito.

    mabuhay duking!

  25. Ang galing naman. Sisimulan ko na ang pagbabasa ng iba pa. 😉

  26. kumusta duking wala ka pa bang bagong post, naaaliw kasi ako sa mga kwento mo.

  27. Bakit wala pang bagong post? Busy ba kuya duks? Be blessed po!

  28. You never fail to amuse and amaze me at the same time.:)

  29. Binasa ko talaga ng tuloy-tuloy ito Duking at hiningal ako. Nalibang ako…kumpletos rekados ang istorya…may action(motorsiklo blues), may travel(tagaytay at taal), thriller din(sayang na trabaho), may beer(miss ko yan SMB), may kilig…ummm Pinoy ang ending…may buntong hininga at ngiti. Ayos Duking!

  30. hello, duking,

    ito ang gusto ko rito, as in… “Ayoko ng false hope. Gusto ko lang ng closure. Independence Day naman.”

    indeed, we ask heaven for small mercies. and it gives us but what? heavy downpour and slow, little droplets thereafter as though making a mockery of our misery. little consolation that we are mere mortals, slave to the grind and to the ups and downs of fortune that does not look at us kindly every time nor at every turn.

    but we do go on. yes, we do, despite ourselves. after the rain, always the sun. if not, perchance the rainbow… and who knows, one might even hear birds chirping somewhere not so distant. but we do go on.

    bakit kasi ganoon ang ginawa mong ending? basahin mo uli ang post kong payapang dagat. lumang-luma na ang kung tapos na ang lahat, ahaha. 🙂

  31. beys…. hahaha. namis ko ang poste mo ginoong duking… anu nga ba ang masasabi ko… Sawi… Sawi… Sawi.. biro lang… Dinuyan ako ng bawat salitang binitawan mo. Katulad mo siya din kinukubli niya ang mga problema niya sa pamamagitan ng pagukit ng mga larawan na sasalamin kung sino at ano ang kanyang nadarama..

    God has better plans… yan ang iiwan ko sayo ginoong duking….

  32. ayos ang pinagpuyatan hahaha

    Saklap naman ng pangyayari.

  33. haba lang pero ayos ang pagkakakuwento! sorry ngayon ko lang nabasa kasi ngayon lang talaga ako ulit nakakadalaw. hehehe

    so fiction lang ba talaga ‘to?

  34. i will come back for more. nakakaakit ba talaga ng lalaki ang magandang batok?

Mag-iwan ng tugon sa duking Pindutin ito para bawiin ang tugon.