Final Destination Too!

Iku-kwento ko sa inyo ang aking kamatayan.

Kung noon, iniisip ko na aabot ako maski man lamang sa edad na limampu, nagbago ang lahat ng isa-isang masawi sa kakatwang pangyayari ang tatlo ko pang kaibigan.

Sabi nila, bisyo raw ang pumapatay sa tao. Gayun din ang hindi pag-iingat, ang pagpapadalos-dalos at higit sa lahat, kiyuryosidad. Pinapatay tayo ng mga bagay na hindi natin inaasahan. Naroong may namamatay dahil sa lason sa pagkain, nasiraang sinasakyan sa gitna ng riles ng tren, nabundol ng sasakyang nawalan ng preno o di kaya’y naipit sa gumuhong gusali dahil sa lindol, namatay sa baha at pag-guho ng lupa, o ‘di kaya’y sa sunog. Ligaw na bala, kagat ng aso, tuklaw ng ahas at suwag ng toro. BAM! Ganun lang. Patay ka na bago mo pa malaman.

Subalit hindi ang aking kamatayan. Inasahan ko ito sa hindi ko inaasahang dahilan. Kagaya rin ng kamatayan ng tatlo ko pang kaibigan.

‘Madulas ang kalsada, dahan dahan ka sa pagmamaneho, Jake!’ Bilin ko kay Jake habang mabilis naming binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo hi-way sa bayan ng Silang.

‘Whooo-hoooo! Patay kung patay!!!’ Hiyaw ni Jake saka binitawan ang manubela at itinaas ang kamay sa ere. Lasing kaming apat. Si Jake ang driver ng owner type jeep. Ako ang katabi niya sa harapan samantalang si Buddy at Vince ay nasa likuran.

Madaling araw. Madilim. Umaambon. Bahagya lang ang naaabot ng liwanag ng head light sa kondisyon ng takbo namin. Napailing ako. Ako na lang sana ang nagmaneho. Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Birthday ko kasi kung kaya’t lasing na lasing kaming apat mula sa inuman sa Tagaytay kung saan ko sila niyaya upang magdiwang.

‘Huwag ka magbiro Jake. Gusto ko pang mag birthday next year!’

‘Wala namang tao dito, pucha! Palayan ‘to eh!’

‘Jakeeee!’

Huli na ang sigaw ko. Bago pa mabuo ang hugis ng tumatawid na tao, nahagip na ito ng unahan ng sasakyan namin. Tumilapon ang katawan sa hood ng owner. Sumalpok sa salamin saka lumusot ang ulo sa loob nito.

Nakita ko ang mukha ng matandang babae ng malapitan. Nalagas ang mga ngipin. Umaagos ang dugo mula sa bibig. Punit ang dila na nahiwa sa bubog ng windshield. Wasak ang pisngi. Pisak ang kaliwang mata. Napapikit ako sabay naramdaman ko ang biglang pag preno ni Jake at ang pagkalabog ng katawan sa harapan ng sasakyan. Wala na ang matanda sa pagdilat ko.

Muling umabante si Jake. Pinatay ang ilaw saka muling pinaharurot ang sasakyan. Naramdaman ko ang paglagutok ng mga kalamnan at buto na aming nasagasaan.

‘Walang makaka-alam nito…putang ina…mangako kayo o sama-sama na tayong mamatay!!!’

Tulala kami.Wala kaming kibo pare-pareho. Itinago ng dilim ng gabi at biglang paglakas ng ulan ang aming krimen. Nahugasan ang dugo subalit maraming piraso ng puto at kunsinta ang nasa loob ng owner. Magkaka-kanin ang aming napatay!

Mag-iisang taon matapos ang aking kaarawan ng unang dalawin ng kamatayan si Buddy. Lagi siyang balisa. Panay ang kwento niya na nanaginip siya na hinahabol siya ng matanda at pilit inaalok ng laman ng dala nitong basket. Wala raw mukha ang matanda sa kanyang panaginip. Hinamon ko siyang kung mananaginip ulit, alamin niya ang laman ng basket bago magising. Hindi na yun nai-kwento ni Buddy. Namatay siya kinaumagahan ng mismong kaarawan ko. Bangungot daw. Nilalanggam na siya ng matagpuan ng mga kamag-anak. May puto at kunsinta raw sa loob ng bibig na pinang-gagalingan ng langgam.

Ang sumunod na taon, si Vince naman. Isang linggo bago ang aking kaarawan, iniwasan ni Vince ang pagtulog. Alam niya ang kwento ni Buddy. May pakiramdam daw siyang siya na ang kasunod. Hindi siya nagkamali. Namatay si Vince ng madulas dahil sa suka ng aso habang papalabas ng bahay na pinupwestuhan nito para tumira ng droga upang hindi makatulog. Tumama ang ulo nito sa paanan ng konkretong bahagi ng poste at agad itong nagkikisay at hindi na umabot sa pagamutan. Panis na puto at kutsinta raw ang dahilan ng pagsusuka ng aso ayon sa may ari nito.

Sa ikatlong taon, isang linggo bago ang aking kaarawan, napagkasunduan namin ni Jake na isiwalat ang krimen sa mga alagad ng batas. Nasa presinto kami ni Jake ng mismong umaga ng aking kaarawan. Hinihintay namin ang Hepe ng umagang iyon para ipagtapat dito ang nangyari ng magkaroon ng kaguluhan. May dumamba kay Jake sabay tutok ng patalim sa leeg. Takas na bilanggo. Nang hostage. Hindi naging matagumpay ang negosasyon. May hiwa ang leeg ni Jake subalit namatay ito sa mga tama ng bala. Sumabog ang balita kinahapunan. Si Pepito Quochinta alyas ‘Puto’ ang takas. Dating magpuputo. Napagbintangang magnanakaw. Anak ng tinapay!

Hindi na ko nagkalakas ng loob isiwalat ang pangyayari. Alam kong darating sa ika-apat na taon ang aking kamatayan. Sa araw mismo ng aking kaarawan. Inaasahan ko subalit hindi ko nga lang inaasahan na ganoon ang mangyayari.

‘Anak, gising na. Happy birthday!’

Nakiramdam ako. May babagsak kayang higanteng puto mula sa planeta ng Pluto para patayin ako?

‘Nagbigay nga pala ang ninang mo ng niluto niyang puto at kutsinta. Regalo daw niya sa birthday mo!’

‘Ayoko. Ilayo n’yo sa akin yan!!!’ Naghihiyaw ako habang akmang ipapakita sa akin ng nanay ko ang laman ng basket.

‘Puto lang ‘to at kutsinta…ano ka ba naman! Bakit mo kailangang magkaganyan?!’ sabay pakita sa akin ng laman.

Mabilis kong hinawi ang puto at kutsinta hanggang sa kailaliman sa loob ng basket habang hawak hawak ito ng nanay ko. Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib. Naupos ako at bumagsak habang tutop ko ang aking dibdib. Atake sa puso. Inaasahan ko ito pero hindi ko inaasahan.

Hindi ko inaasahan na walang kasamang niyog ang puto at kutsinta. Di ba? Dapat meron?

Di ba?

34 responses to “Final Destination Too!

  1. shet! bakit kasi di sinamahan ng niyog! yan tuloy. hehehehe

  2. Grabe ka. Napapamura ako. Kakilakilabot. Kakatawa. Kakatakot. Kakainggit. Ang galing ng pagkakasalaysay. Pero di ko alam kung maniniwala ako o hindi. Sobrang morbid pero may aral. BASE.

  3. Masarap ang puto’t kutsinta sa Valenzuela.
    🙂

  4. oo na ikaw na ang magaling, kahit sa kamatayan may twist parin..hahaha

    pero nakakatakot, ayoko ng ganung kamatayan pero kung ako naman ang namatay malalaman ko pa ba? ok narin lang basta diretso na, di na ko magsusuffer.

  5. hahhahahahahaha. takteng puto at kutsinta yan.. nyahha natawa ako at naexcite sa kwento. hahaha.

  6. base sa puto’t kutsinta! dapat talaga may niyog. parang carrots and peas lang.😉

  7. duking, parang nasobrahan ka ng kababasa ng komiks noong araw… wakasan, aliwan o hiwaga ba ang madalas mo noong basahin? hahaha🙂

    • haha. pang komiks nga yata ang nagawa kong kwento ngayon.

      mahilig ako sa komiks. gustong gusto ko yung mga nakakatakot. then, narealized ko na mas mura pala kung dinalasan ko na lang ang tumingin sa salamin.

  8. katakot, puto’t kunsinta lang ang kinamatay. ayoko ng malaman ang ikamamatay ko. nakakaparanoid ang ganyan😄

  9. paborito ko ang puto. kainis ka.

    kanina ko pa nakita to pero ngayon ko lang binasa. pinabasa ko muna kay Rose para masigurong hindi nakakatakot, na keri ng powers ko. ang dahilan kung bakit? nasa recent post ko hahahaha..

    andami namang pedeng gamitin puto pa ang naisip.😦

    at ayoko ng niyog un lang

  10. kung mamatay ako sa puto, di ko matatanggap. tama nang champorado o ice cream. kasi dun naman ako mahilig hehehe

  11. clap, clap, clap. ang galing. hehe. adik lang ang niyog.

    pwede ka ng writer sa komiks, o kaya sa Liwayway. apir!🙂

  12. Eh di api berdei na lang!
    yung bumabati ba ng api berdei ay nakakaligtas ba sa cycle ng death? xD

    Isa’t kalahting buwan na akong murderer, sir.
    Killing time for almost 1.5 months.

    Ingats ka kuya duks!

  13. paborito ko ang puto sawsaw sa puta! paborito ko din ang kutsinta! paborito ko din ang kinayod na niyog tapos lalagyan ng asukal!! naglaway ako hanggang baba! hihihihi

    iniisip ko minsan..papaano kaya ako mamamatay?? noong bata pa ako ang wish ko eh sa cancer ako mamatay para makapag paalam pa ako sa mga maiiwan ko…pero pag naiisip ko ngayon…MASAKIT yung cancer….pati sa bulsa!!

  14. ah wala!!! ingat ka rin sa potpot…

    minsan nakamamatay din ang potpot ng magkukutsinta…

    malay mo lang..😀

  15. hahaha, natawa ako dun!galing!
    hindi nga naman masarap kung walang niyog!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s