sandRa

Iyon na yata ang pinaka-matagal niyang oras na iginugol sa pagkain. Hindi naman sa ayaw niya ng ulam o ng kanin kundi dahil sa matagal na panahon din siyang nasanay na may kasalong kumain ng hapunan. Iyon kasi ang problema kapag nasanay ka. Ang dating ginagawa mo nang mag-isa ay nagkakaroon ng kahulugan. Kahulugang nawawala kung biglang nawala ang taong nagbigay sa’yo nito sa bawat bagay na simple namang ginagawa mong mag-isa noon.

Pinaghalo niya ang ulam at kanin saka marahang isinalin ito sa mangkok na kakanan ng kaniyang alagang pusang si mimi. Tinawag niya ito. Maka-ilang ulit saka niya nakitang kumislap ang mga mata nito mula sa kadiliman ng kanilang bakuran patungo sa kanyang harapan. Dagli itong nagpaikot-ikot sa kanyang binti na para bang sabik sa haplos ng kanyang katawan. Marahan niyang inilapag ang kakanan sa sahig saka hinaplos ang alagang pusa.

Inamoy-amoy ng pusa ang pagkain.

‘Kumain ka…kailangan mong magpalakas para sa mga anak mo…’ Parang naunawaan ng pusa ang sinabi niya. Nagsimula itong tikman ang pagkaing nasa kanyang harapan. Isang linggo na halos ang nakakaraan ng manganak ito. Hindi na nga niya halos naasikasong alamin kung saan nito dinala o ilan ang mga kuting. Mas marami siyang suliranin dapat pagtuunan kaysa sa pusang noo’y alagang-alaga niya.

Bumalik siya sa loob ng kusina subalit hinayaan niyang nakasindi ang ilaw sa labas ng pintuan sa likod ng bahay. Saka na niya papatayin ito kapag tapos nang kumain ang pusa. Nagsimula siyang hugasan ang pinagkainan. Hindi na kasing dami noon ang mga kutsara at tinidor maging ang mga baso’t pinggan subalit bakit ba tila mas mahirap silang hugasan ngayon?

Saka marahan niya itong pinunasan isa-isa upang isalansan sa tauban. Nakita niya ang anyo niya sa pinggan. Naaawa siya sa kanyang itsura. Walang ngiti sa labi. Kay lamlam ng mga mata. Malalim ang pisnging dati-rati ay kulay rosas. Hinahanap niya ang sariling kilala niya noon. Pinilit niyang ngumiti sa kanyang sariling repleksiyon subalit hindi ito gumanti ng ngiti. Saka unti-unting nanlabo ang kanyang mga mata. Yumugyog ang kanyang balikat. Impit na pag-iyak. Saka humulagpos sa kanyang mga kamay ang hawak na pinggan.

Maingay nitong pinunit ang katahimikan ng gabi. Saka ito nagkapira-piraso sa kanyang paanan. Tumigil ang pusa sa pagkain. Yumuko siya para damputin ang mga bubog. Nanatiling nakatitig ang pusa. Muli niyang nakita ang mas marami at mas mali-liit na sarili niya sa piraso ng bawat bubog na kanyang isa-isang dinadampot. Naisip niyang wala siyang iniwan sa gaya ng isang pinggan. Madaling mabasag. At kung basag na, anu pa nga ba ang silbi?

Nagsi-simula ang lahat sa isang aksidente. At masusundan pa. Sa paulit-ulit, matutuklasan mong sinasadya mo na pala. Aksidenteng minsan, tayo rin pala ang may kasalanan. Aksidenteng hindi mangyayari kung hindi natin hinayaan. Saka natin sisi-sihin ang ating sarili. At saka parurusahan…

Naramdaman niya ang hapdi ng sugat sa kanyang pulso. Idiniin muli niya ang pag-hiwa ng hawak niyang bubog. Umigting ang sakit subalit hindi pa rin nito tinatalo ang hapding laman ng puso niyang nagkasugat-sugat.

Nanatiling nakatitig ang pusa na waring nagtataka sa kanyang ginagawa.

Ipinikit niya ang kanyang mata. Pinigil ang paghinga. Ang susunod na laslas, sisiguraduhin niyang mas malalim at puputol sa ugat na naroon sa manipis niyang bisig. Ang ugat na nag-uugnay sa kanya sa ngayon at kahapon. Isusuko na niya ang bukas. Ang bukas na walang kasiguraduhan sa gaya niya…

Narinig niyang bumukas ang pintuan sa kanilang kwarto.

‘Mommy… timplahan mo ako ng milk saka basahan mo ako ng fairy tale…’

Saka nanumbalik ang katinuang sa saglit na sandali ay humulagpos sa kanya.

‘Oo, anak. Andiyan na si Mommy. Ililigpit ko lang ‘tong nabasag na pinggan ha? Wait lang…’

Pinunasan niya ang kanyang mga mata saka dinampian ng tissue ang nagdurugong bisig. Naisip niyang lilipas ang hapdi at mag-mamarka ang sugat subalit hahayaan niya itong maging paalala na kailangan niyang magpatuloy. Sisimulan niya sa pagtitimpla ng gatas ng kanyang anak saka ang pagku-kwento rito…hindi ng fairy tale kundi nang mundong hindi nakasulat sa makukulay na pahina ng libro.

Saka niya nakitang bumalik ang kanyang pusang si mimi sa pagpapatuloy sa naudlot nitong pagkain.

41 responses to “sandRa

  1. Base!

  2. (Fiction ba to.. o hango sa totoong buhay?)

    Minsan talaga, ang buhay ay napaka unfair. Andaming pagsubok na dumarating.. andami ring sakit at hapdi na nararamdaman. Madalas, naiisip na lang natin na ang pinakamadaling solusyon ay ang tapusin ang sariling buhay. Sa opinyon ko, selfish ang mga taong nagpapakamatay.. hindi man lang naiiisip ang maaring maging epekto nito sa mga taong maiiwan.. mga taong masasaktan sa kanyang paglisan. Selfish dahil naiisip lamang nya ang sarili.. at hindi ang mga taong nakapalibot sa kanya.

    Binabasa ko ang post, kinabahan ako nang nagdesisyon syang laliman pa lalo ang paglaslas.. Mabuti na lang din dahil pumasok at tumawag ang anak.

    Madalas, kung ano ang ating gusto, hindi natin nakukuha..Dun tayo nagsisimulang isipin na unfair ang buhay. Pero lagi na lang isaisip.. “we may not get what we’ve wanted, but we will ultimately get what we need.”

    Kagaya ng kuting, pagkatapos ng konting pagkagulat at pagtataka, ay bumalik na sa pagkain at magpalakas para sa kanyang mga kuting.. Pareho nya, patuloy ang buhay.🙂

    P.S.
    Happy Mom’s day!

    • ito ay hango sa totoong fiction.hehe!

      naisip ko sa kwentong ito ang komplikadong damdamin ng isang tao. partikular ng babae at ang kanyang lakas at kahinaan.

      ang pusa, itinutuloy niya ang pagkalinga sa sarili at kanyang mga kuting mula sa dikta ng milyong taong ebolusyon na nakasulat sa lahat ng kanyang kabuuan. walang depression, walang kabaliwan, walang suicide moves. lahat nakabatay sa pagpapanatili at pagpapatuloy na mabuhay at mag exist.

      iba ang tao. puno ang buhay niya ng komplikadong mga bagay. hindi parehas ang nararanasan ng isa sa isa. iba -iba ang kanyang dahilan ng lungkot at saya. sa kahulihan, naisip kong ang pinagkatulad marahil nila, ay ang kumalinga sa buhay na ipinagkatiwala sa kanila.

  3. Ang ganda ng doodle Duking lalo na yung may dalwang tsinelas tpos ung unti unting nawawala ung katabi sa picture.🙂
    Acceptance ang kailangan lagi pag nsasaktan o dumarating sa isang tao ang pagsubok yan lng po ang masasabi ko bow!

    clap clap clap ulit para don sa doodle!!!

  4. binasa ko…naintindihan…nakarelate ng konti! hihihi

    pero nag enjoy ako sa doodles…pagkakamot sa pwet..parang inamoy pa ang kamay,bwahahahaha!! galing Duking!!

  5. ang blog mo ang una ko’ng pinuntahan sa lahat ng blogroll ko. at grabe pinaiyak mo ko. nakakalungkot.

    • @anne,poks and bino:

      salamat sa inyo. at one point, gusto kong isipin na malapit sa karanasan ng bawat isa ang isinusulat ko. sa gayon, hindi lang ako nagsusulatkundi nakikibahagi sa totoong buhay na alam natin at nangyayari sa karamihan sa atin o sa mga taong kakilala.

      salamat lalo na dun sa doodles na nagustuhan niyo. 50 frames so far. ang pinaka mahaba sa ginawa ko. sulit naman dahil natuwa kayo.hehe!

  6. dati nasabi ko sa sarili ko na sana kapag iniwan tayong basag na basag ng mga taong inaakala nating aalalay sa atin sa hirap at dusa, iniisip ko na sana madali tayong mabuo muli, na sana isang simpleng klase ng pandikit ang maaring makapagbuo at makakumpleto sa atin.
    Pero indi pala, nagkamali ako…
    Dahil mapagdikit mang muli ang mga nagkabasag-basag na piraso, it will never be the same, we will never be complete, there is and there will always be one small part of us na hindi na maibabalik…
    Wala ng makapagbabalik sa dati, sa nakagawian..
    Isa na lang ang natitira na maaring gawin..
    Yun ay ang magpatuloy.. ipagpatuloy ang buhay, kahit hindi ka kumpleto, kailangan mong magkaron ng lakas ng loob to go on and live life..
    Not just for yourself pero para na din sa mga taong mahal mo..
    I cant help but shed a tear nung una ko tong mabasa.. ilang beses ko syang binasa..Ive said too much already… ah basta.. dun ko na lang itutuloy..

    • eksakto sa ang sinabi mo sa lahat ng aspeto ng konsepto ng kwento. pati ang komento kong may rhyming ng ‘o’. hoho!

      there’s sandra in all of us. yung gusto nang umayaw dahil nauubusan na ng dahilan para sa magpatuloy sa sariling laban. pero naroon din yung hindi pagsuko dahil alam niyang bahagi pa rin siya ng laban na hindi lang tungkol sa kanyang sarili. mga taong mahal sa buhay, mga alagang pusa, at responsibilidad na lapatan ng katotohanan ang bawat nagsisinungaling na fairy tale.

  7. masisisi mo ba si sandra kung maiisipan niyang wakasan ang paghihirap na dinaranas nya? masisisi mo ba kung bigla nalang syang umayaw at tuluyan ng sumuko? tao lang sya, marupok, nasasaktan, napapagod. Si Sandra ay katulad ng maraming taong pilit na humahanap ng kasagutan sa mga di kanaisnais na pangyayari sa buhay nila.

    sabi nga nila, you will never know how strong you are, until courage s is all you’ve got.

    sa buhay, hindi naman talaga tau hahayaan ng magisa sa lahat ng mga paghihirap. meron at meron tayong paghuhugutan ng lakas. laging merong mga bagay na magpapalakas ng ating loob at magbibigay sa atin ng rason para bumangon at magpatuloy.

    pero nakakalungkot isipin na katulad ng basag na pinggan na mayroon at mayroon paring lamat at uwang lalo na’t may mga parte nito ang tulyan mo ng hindi maibabalik.

    • may mga pagkakataon na nilalamon tayo ng kabaliwan na sa gayung pagyayari, lumilipad ang hinahon ng payapa’t malawak nating pag-iisip at lakas na itinuro ng maraming taon ng karanasan.

      ‘walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang…walang sinuman ang namamatay na para sa sarili lamang…’ ayon sa kanta. pag sumuko tayo, isinuko rin natin ang lahat ng taong nagpapahalaga sa atin.

      maaari tayong mabasag, pero gusto kong isipin na ang bawat piraso natin, isa pa ring sining sa sarili nitong anyo. kung gaano kahalaga siya noong buo, kasing halaga pa rin siya noong siya’y basag. at mananatili siyang may saysay at kasaysayan.

  8. Paano ko ba sasabihin ang aking mga salita?
    Kapag sukol na sukol ka na, ang sagot sa pagsuko ay ang pagkitil sa buhay.
    May mga taong nagdidilim ang paningin at hindi na nag-iisip pa kung may maiiwan ba siyang masasaktan at maghahanap.

    Buti na lang, nagsalita ang anak ni Sandra, humihingi ng tulong dahil kung nagkagayon, malamig na siyang bangkay na larawan ng pagsuko.

    • hindi ko sinasang ayunan ang pagpapatiwakal kung kaya’t hinayaan kong gisingin ang diwa ni sandra ng tinig ng kanyang anak na naghahanap ng kanyang lakas at kalinga.

      naibigan mo sana ang kwento.

  9. hello, duking!

    ang husay ng drowing! talagang may pagkamot pa sa pwet na nalalaman…🙂 leave it to duking -laging captured ang munting detalye, ahaha!

    since hindi nya itinuloy ang kanyang maitim na balak, sige na nga, patatawarin ko na ang plot nito at ang may-akdang nakikiliti sa ideya ng pagpapatiwakal….

    ganoon, kailangan gano’n ka-graphic? i-mutilate ang sarili gamit ay bubog? kailangan, sobrang hapdi? ahaha!🙂

  10. ah planong pagpapatiwakal pala ang sukli ng text sa pagkamot sa puwet at pagbura sa isang imahe sa duwing…

    pero tama ka na mahirap mag-adjust sa bagay na nakasanayan muna.

  11. lungkot nung animation.😦

  12. bitin! hehe.. pero ang kyot kyot ng doodles.. panalo!😀

  13. @kabute and filth:

    mga sir, thank you sa pagbisita!

  14. Duking,

    Kamusta na?

    D Yuson

  15. madami nang nagkomento ng eksakto ng sasabihin ko..
    eto na lang, Sandra pero lalake yung nasa doodle. anong ibig sabihin nung “sandRa”

    • ibig sabihin,tol beef…hindi ako marunong mag drawing ng babae. hehe!

      sandra ang title mula sa kanta ni barry manillow. more or less, tungkol sa kanya rin yung story na halaw sa kanta. i think its a good song. pakinggan mo minsan.

      magandang araw!

  16. Your doodle never fail to amuse me really!
    Isama pa ang malupit na kwento. Kudos to you!
    Ang ganda…. yun lang! hehehe

    • thanks anna. add kita sa blogroll ko ha? dapat dati ko pa ginawa. i remember you’re some of the few people na unang sumubaybay way back nung nagsisimula pa lang akong mag blog dito more than a year ago. salamat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s