Category Archives: mga doodle ng isip

OH,MY DOODLES now in 3D!

Ang Balabal…

Baguhin mo ang simbolo at kahulugan ng iyong watawat habang nariyan ka. Ang pula ay gawin mong katapangan at katatagan ng loob na minana mo sa iyong Ama at Ina. Ang asul ay hayaan mong maging ala-ala ng kapayapaan ng bughaw na langit at dagat sa iyong bayang sinilangan.Ito rin ang tahanang kumupkop sa iyo at nagbigay kapanatagan at kalinga sa lahat ng masasayang ala-ala na tinipon mo ngayon sa iyong dibdib. Ang puti ay manatiling salamin ng iyong mabuting adhika at busilak na layunin na siyang dahilan ng iyong pag-alis. Hayaan mong bantayan ka ng mga panalangin ng tatlong bituin sa mga gabi ng iyong pag-iisa- ang iyong pamilya, ang iyong mga kaibigan at ang bansa’t lipi na iyong pinaha-halagahan.

Ang araw naman ay manatili sana sa paghahari sa gitna ng sarili mong puso. Ikaw ang magbigay ng sariling pakahulugan sa kanyang walong matatalas na sinag at hayaan mong kuminang ka mula sa kadiliman ng iyong pag-iisa…

Ibalabal mo ang watawat na ito sa iyong pagkatao. Habang ikaw ay buhay pa’t pumipintig ang puso sa pangungulila sa mga minamahal. Gawin mo itong pananggalang sa lamig ng pakikitungo sa iyo ng ilan sa ibang lahing makakasama mo’t paglilingkuran. Gawin mo itong pananggalang sa init ng tukso na nag-aabang sa iyo sa malayong bayan. Gawin mo itong pamunas ng luha, pawis at dugo na ibubuhos mo sa ngalan ng kabutihan ng iyong mga mahal sa buhay at bayang nilisan. Ngayon habang ika’y buhay pa’t mananatiling buhay dahil sa dangal ng sarili mong adhika.

Aanhin nga ba ang watawat na iniyayakap sa malalamig na ataul nilang mga sinawing-palad sa ibayong dagat? Ngayon, higit kailanman – ikaw bilang isang Filipino na itinuturing na bayani ng bagong panahon ang siyang nararapat na kalingain ng telang iyan. Ngayon habang ikaw ay buhay pa’t mananatiling buhay dahil sa dangal ng iyong adhika.

Ika’y guro, doktor, inhinyero at nurse. Ika’y accountant, entertainer, sundalo at siyentipiko. Ika’y magsasaka, karpintero, mekaniko at panday. Ika’y hiram na manggagawa nilang mga bansang iyong binubuo at kinakalinga. Sa ganito mong paraan binubuong pilit ang sarili mong bansa’t pamilyang pansamantalang iniwan. Ika’y propesyunal sa sarili mong larangan.

IKA’Y FILIPINO!’

 

riding under the influence…


papanu mo malalaman na sumemplang ang nagde-deliver ng pizza? ako…alam ko!

pero alam mo bang nagsinungaling ang philippine history books mo? tanda mo yung kwento ni magellan at ni lapu-lapu at ang epic battle sa mactan? ang madugong istorya ay nag simula sa isang masayang salo-salo. lagyan natin ng sub-title ang kwento dahil kakaunti lang naman ang nakaka intindi sa atin ng spanish at french na wikang ginagamit nina magellan at lapu-lapu noon.

lapu-lapu: maligayang pagdating, mga men!

magellan: salamat, salamat…karangalang mapadpad sa lugar ninyong nagkalat ang mga babaeng labas ang suso! kasama ko nga pala ang aming mga tripulante at ilang sundalong sabik sa pagkain, sex at libangan.

lapu-lapu: balita ko’y galing ka na sa cebu at bininyagan ang mga naroon.papabinyag din kami dahil gusto naming maging kristiyano at mag-celebrate ng pasko,fiesta,mahal na araw at iba pang holiday. we can always used a break you know?

magellan: magaling! mga kasama,ibaba nyo ang ating mga spanish brandy made from the finest ingredients! saka yung mga spanish bread na inaamag…mga pasas…at…

lieutenant ni magellan: sir, napahalo po yung mga pasas sa tae ng kambing!

magellan: shit happens…isa pa, anu bang alam nila sa pinagkaiba ng pasas at tae ng kambing? ibaba mo na rin, estupido!

lieutenant ni magellan: yes sir, isasama ko rin po yung embotido!

lapu-lapu: at hindi kami magpapahuli syempre pa sa aming lambanog! tara na mga dude! ngayon lang kami nakakita ng mga taong mapuputi, matangos ang ilong at kamukha ni jackielou blanco pero may balbas at bigote!hak-hak!

sa madaling salita,humarap sa mahabang piging ang magkabilang panig ng mga dayuhan at ang ating dakilang si lapu-lapu. tipikal na nakasalampak ng pagkakaupo, naglatag ang ibat ibang putahe tulad ng buko salad, lobster, crab, isdang tukmol (ang isdang tukmol ay kalaunang pinalitan ng lapu-lapu bilang pagkilala sa kauna unahang filipino na pumatay ng dayuhan) mila’s letcong baboy-damo, tapang usa, at sundot-kulangot.

asikasong-asikaso sila ng kanilang mga aliping intsik na nang galing pa sa hong-kong habang nililibang naman ng mga entertainer nilang mga hapon na nagsasayaw at kumakanta ng voltes theme. sa ‘di kalayuan ay nagpakitang gilas ang mga kawal ni lapu-lapu sa  pagde-demo kung gaano katalas ang kanilang kampilan (sinaunang espada) sa pamamagitan ng pag-pugot sa ulo ng mga arabyanong kanilang napag-tripan dahil walang maipakitang papeles nang minsang nainspeksiyon ng LTO flying squad. ipinakita rin nila kung gaano katibay ang kanilang mga baluti at kalasag  sabay inalok ang mga dayuhan na ang lahat ng ito ay mapapasa-kanila sa halagang 99.95 pesos kung oorder ngayon gamit ang kanilang telepono at credit card. but wait there’s more…

bilang tradisyon at pagbibigay galang,nagkasundong magpalitan ng inumin ang magkabilang panig.si magellan at ang kanyang grupo ay uminom ng lambanog samantalang si lapu-lapu naman ay ininom ang handog na brandy ng mga dayuhan.

sa kalagitnaan ng inuman at palitan ng sign language at ngiti ng magkabilang panig,biglang dumighay si magellan.

magellan: (burp!) thank you lord for the feast and hospitality of this people! nanghina na ang aming mga katawan sa kakakain ng tinapay at keso sa dagat!

lapu-lapu: pre…abnormal ‘tong hayup na ‘to…dumighay tapos di man lang nag excuse (binulong sa katabi niyang isa ring sunog-baga) papatayin ko ‘to kapag…

magellan: gwarkkk!!! (dahil hindi kinaya ang lambanog at maraming pulutan, nasukahan ang mukha ni lapu-lapu!)

lapu-lapu: tang ina kaaa!!!! (sabay bunot sa kanyang kalawanging kampilan…isang malaking kahihiyan para sa mga datu ang sukahan sa mukha, ‘yan din ang dahilan kung bakit sa paa lang tayo sinusukahan ng mga taong lasing na nakaka-sakay natin sa jeep.)

naging hudyat ito ng sabay sabay na pagpatay sa mga dayuhang lasing, seasick, nalilibang, at ang mga espada ay may mga lock ang suksukan at ang baril ay de-uling.

nagbalik sa espanya ang mga hindi nakasama sa inuman at sinumbong sa hari ang nangyaring kamalasaduhan sa kanilang trip at syempre pa, katulad ng amerika ngayon na malakas at makapangyarihan, pinagbintangan tayong may weapons of mass destruction at sinugod para sakupin at tawaging Pilipinas hango sa upos ng sigarilyong menthol na phillipmorris 100’s.

viva la vida de bamba la bamba and the rest is history…

…or some part of it.

mabalik tayo sa pizza at kung bakit alam ko na sumemplang ang nagde-deliver nito:

pinsan ko: andito na yung pizza!!!

ako: (nasa CR habang nagsusulat ng blog na ‘to sa tissue paper na gagamitin ko ring pamunas pagtapos) bayaran mo na…anjan sa ref yung pera!

pinsan ko: bilisan mo…mauubusan ka na!

ako: (dali daling lumabas, kinuha ang slice ng pizza habang nagtataka kung bakit puro cheese lang ang pizza ko samantalang halos magkandalaglagan ang pepperoni, ham, bacon, pineapple, mushroom, at iba pang shit sa pizza nila. ) duguan ba yung nag deliver ng pizza?

pinsan ko: hindi naman…bakit?

ako: sumemplang kasi yung motor n’ya.

pinsan ko: huh?! bat mo alam?

ako: eh puta naman oh! kumakain kayo ng pizza samantalang hotcake tong akin!

pinsan ko: hahaha! oo sumemplang! (ngasab-nguya-lunok)

next time,iku-kwento ko naman kung bakit tinatamad akong pindutin ang ‘shift’ key sa keyboard para simulan ang sentence ko sa capital letters gaya ng itinuturo sa atin sa grade school.

fancy and fast ends in fatal crash…

semplang na naman.

dahil sa pagmamadali,nasugatan ang tuhod at nabakbak ang siko.ayoko kasing maunahan sana ng ilang kasabay na marating ang lugar na kinatatayuan niya.nagbabakasakaling kung mauuna ako,baka ngumiti sa akin ang kapalaran at maisipan niyang sa akin na lang umangkas.mas magaganda kasi ang bisikleta nila,kaya tuloy nagbaka-sakali akong mapunan ng aking sipag ang kapayakan ng aking bike.

dinaanan ko ang baku-bakong daan.may mga bangin sa paligid at matatarik na akyat.binaybay ang liku-likong landas.niyamot ng salubong na hangin.na flat ang gulong.tinuya ng humahagibis na sasakyang kasabay at kasalubong.sinunog ng araw at gininaw ng ulan at nagkaligaw-ligaw.

at sumemplang na naman…

kaya ngayon,sa muli kong pagsakay sa aking munting bisikleta, hinding-hindi na ako magmamadali.pagmamasdan ko ang magagandang bukid na aking mararaanan.dadamhin ko ang habagat at amihan paayon man sila o pasalubong sa aking landas.kakawayan ang estrangherong kasabay at kasalubong.ngingitian ko ang sikat ng araw at hahayaan kong paghilumin ng ulan ang aking pagod.magiging mapili sa daraanang kalsada at pasilyo.sa bawat liko at kabig,magiging mas maingat.sa bawat pangangamba,magiging marahan.hihinto kung kailangang bawiin ang hininga.tatanggapin na na pa-flat talaga minsan ang gulong at may kahinaan din ang bawat pyesa ng bike.

at sa aking ‘di pagmamadali,napansin kong nakangiti ka at sa unang pagkakataon,hindi ako nagkakamaling ako ang nginingitian mo.

at napawing tuluyan ang lahat ng aking pagod at nasagot bigla ang matagal ko nang tanong kung bakit nga ba ako nagba-bike…

where were you when i was falling in love


ikukulong ko muna ang mga salitang gusto ko sanang sabihin kapag kasama ka.ayoko munang magpati-agos sa sayang nararamdaman ko kung kapiling kita.marahil ang tadhana at palad ng sa tulad natin ay may mumunting larong hindi ko batid at hindi unawa.lumalabo kasi ang dalisay na tubig ng pag-ibig kung nagtatampisaw ang ating mga puso sa saya.hahayaan ko muna ang panahon para pahupain  at pabalikin ang linaw ng aking isipan.

sa ngayon,bulong lamang na ‘di mo maririnig ang pagsasabi kong ‘mahal kita’ sapagkat kung higit pa sa bulong,babasagin muli ito ng nagdaraang ihip ng hangin.

at sa ating maikling paghihiwalay,ang pagbawi’t pisil ko sa iyong kamay ay siyang dalangin ko na sana,kung matagal ko mang ikukulong ang aking tinig,ikaw pa rin ay maghihintay.

at habang humahakbang ka papalayo,ngingiti ang puso ko upang tanungin ka sana…

‘where where you when i was falling in love?’

dapat pala matagal na kitang nakilala…

and i might sink…and i might drown…

tatalon ako’t lalangoy sa kalakhan mong hindi saklaw ng aking paningin at pang unawa.kakaway at kakawag upang umusad paunti-unti sa mas malalim pang bahagi mo.nakakasawa na rin kasing magtampisaw sa baybayin mong may tiping buhangin at mahinhing mga alon na matagal nang batid ng aking mga paa.

isa pang pagkakataon ulit na maaaring mabigo.isa pang pagtatangka ulit na walang kasiguraduhan.pagbali-baligtarin ko man kasi ang katwiran kong hinding hindi na’ko susubok na maglunoy sa laot mo nang mga pangamba at pag-asa,lagi’t lagi pa rin akong anak ng dagat at pag-ibig.may hasang na hindi malasog-lasog ng kapayapaan ng pag-iisa.lagi’t laging hinahanap ang habagat ng pagsuyo’t mga alon ng pagsinta.asin ang panulat na hindi man makikitaan ng tamis,hindi naman mawawalan ng kabuluhan sa tabang na panlasa ng sinumang makakalambat ng mga talinghaga’t tula.

hintayin mo ako.isang araw,babalik ako para ilahad ang aking muling paglalakbay.

deep down in your love lake where the sweet fish come and go…

paano nga kaya kung wala ka?kung hindi ka nakilala at hindi nasagi ang buhay ko ‘ni minsan?ako kaya’y ako pa rin?makikisabay sa mumunting alon na hindi tiyak kung pahuhupain ng mga pinong buhangin o dudurugin ng mga batuhan ng buhay…

sa hindi bibihirang pagkakataon,sa dalampasigan ng aking lumbay at kawalang katiyakan kung makikita pang muli ang lalim ng dagat ng pag-ibig,lagi pa ring dumarating ang sinag ng bituin mong nagbibigay sa akin nang isa pang pag-asa at pagkakataon.pinapagpag ang dumi ng aking nakaraan at mga alalahanin,masuyong hinahaplos ang aking kakayahang magtiwalang muli at bumubulong nang mga pangako na laging mananatili ang kislap at kulay sa anumang bituin na hindi sumusuko.

minsan tuloy,gusto ko nang maniwala na sa pagitan ng napakagandang langit at kapayapaan ng dagat…maaari ring mabulag ang napakagandang northstar na gaya mo sa mumunting kislap ng pagsuyo na galing sa starfish na gaya ko…